Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Bakit tinalakay sa aklat ng Bibliya na 1 Corinto ang tungkol sa karneng inihandog sa mga idolo?

Isinulat ni apostol Pablo: “Ang lahat ng bagay na ipinagbibili sa pamilihan ng karne ay patuloy ninyong kainin, na hindi nagtatanong dahil sa inyong budhi.” (1 Corinto 10:25) Saan nanggaling ang karneng iyon?

Ang paghahandog ng hayop ang pangunahing seremonya sa mga templo ng mga Griego at Romano, pero hindi lahat ng karne mula sa mga inihandog na hayop ay kinakain sa seremonya. Ang sobrang karne mula sa mga templong pagano ay ibinebenta sa mga pamilihan ng karne. Sinasabi ng aklat na Idol Meat in Corinth: “[Ang] mga opisyal ng kulto . . . ay tinatawag kung minsan na mga kusinero at/o matadero. Ibinebenta nila sa palengke ang ilang karne na ipinambayad sa kanila sa pagkatay sa hayop na inihahandog.”

Pero hindi lahat ng karneng ibinebenta sa pamilihan ay mga tira-tira sa relihiyosong seremonya. Sa pamilihan ng karne (Latin, macellum) sa Pompeii, may nahukay na buong mga kalansay ng tupa. Ayon sa iskolar na si Henry J. Cadbury, ipinakikita nito na kapag “ibinebenta ang mga karne, maaaring ang mga ito ay buháy pang mga hayop o kinatay na sa macellum o kaya’y kinatay sa templo o inihandog doon.”

Totoo, hindi nakikibahagi sa paganong pagsamba ang mga Kristiyano, pero ipinakikita lamang ni Pablo na ang karneng inihandog sa templo ay hindi naman likas na marumi.

Bakit may alitan sa pagitan ng mga Judio at Samaritano noong panahon ni Jesus?

Sinasabi ng Juan 4:9 na “ang mga Judio ay walang pakikipag-ugnayan sa mga Samaritano.” Lumilitaw na nagsimula ang alitang ito noong itatag ni Jeroboam ang pagsamba sa idolo sa sampung-tribong kaharian ng Israel sa hilaga. (1 Hari 12:26-30) Ang mga Samaritano ay mula sa Samaria, ang kabisera ng hilagang kaharian. Nang masakop ng Asirya ang sampung tribo noong 740 B.C.E., ang mga manlulupig ay nagdala ng paganong mga dayuhan sa Samaria upang doon manirahan. Ang pag-aasawa ng mga dayuhang ito at ng mga tagaroon ay lalo pang nagpasamâ sa pagsamba ng mga Samaritano.

Pagkalipas ng ilang siglo, hinadlangan ng mga Samaritano ang pagsisikap ng mga Judiong nagbalik mula sa pagkatapon sa Babilonya na muling itayo ang templo ni Jehova at ang mga pader ng lunsod ng Jerusalem. (Ezra 4:1-23; Nehemias 4:1-8) Tumindi pa ang relihiyosong alitan nang magtayo ng sariling templo ang mga Samaritano sa Bundok Gerizim, malamang noong ikaapat na siglo B.C.E.

Noong panahon ni Jesus, ang terminong “Samaritano” ay mas naiuugnay pa sa mga tagapagtaguyod ng sektang lumaganap sa Samaria kaysa sa mga taong nakatira sa lugar na iyon. Sumasamba pa rin noon ang mga Samaritano sa Bundok Gerizim, kaya hinahamak sila ng mga Judio.​—Juan 4:20-22; 8:48.

[Larawan sa pahina 12]

Bandehadong seramik na nagpapakita ng paghahandog ng hayop, ikaanim na siglo B.C.E.

[Credit Line]

Musée du Louvre, Paris

[Larawan sa pahina 12]

Itinatag ni Jeroboam ang pagsamba sa idolo