Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May mga Espiritu na Nagmamasid sa Iyo—Pero Sino?

May mga Espiritu na Nagmamasid sa Iyo—Pero Sino?

May mga Espiritu na Nagmamasid sa Iyo​—Pero Sino?

Sa Europa, isang may-edad na babae ang nagsisimba hawak ang rosaryo at lumuluhod sa harap ng imahen ni Maria. Sa Aprika, isang pamilya ang nagbubuhos ng alak sa tabi ng puntod ng iginagalang na kamag-anak. Sa isang lupain sa Amerika, isang lalaki ang nag-aayuno at nagbubulay-bulay upang makausap ang kaniyang pinaniniwalaang anghel de la guwardiya. Sa Asia, isang monghe ang nagsusunog ng makukulay na bagay na yari sa papel bilang handog sa espiritu ng mga ninuno.

ANO ang pagkakatulad nila? Lahat sila ay naniniwalang may matatalinong espiritu na maaaring kausapin at may malaking impluwensiya sa buhay ng mga tao. Hindi na bago ang paniniwalang ito. Pero napakaraming nagkakasalungatang ideya tungkol sa kung sino talaga ang mga nasa daigdig ng espiritu.

Ang mga Muslim ay sumasamba sa iisang Diyos​—ang tinatawag nilang Allah. * Ang mga miyembro ng Sangkakristiyanuhan ay naniniwala na ang Diyos ay isang Trinidad, na binubuo ng Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo. Naniniwala naman ang mga Hindu sa libu-libong diyos at diyosa. Sinasabi ng iba na may mga espiritung tumatahan sa mga hayop, punungkahoy, bato, at mga ilog. Ang iba naman ay naiimpluwensiyahan ng mga aklat, pelikula, at programa sa telebisyon tungkol sa mga anghel at demonyo, mga multo at tiyanak, at mga diyos at diyosa.

Kung paanong iba-iba at nagkakasalungatan ang mga ideya tungkol sa mga diyos, iba-iba rin at nagkakasalungatan ang mga paraan para makausap sila. Makatuwirang isipin na hindi lahat ng paraan ay tama. Isipin ito: Bago tumawag sa telepono, kailangang alam natin kung sino ang ating tatawagan at sigurado tayo na umiiral siya at na sasagutin niya tayo. Walang saysay ang makipag-usap sa isang taong kathang-isip lamang. Masahol pa riyan, mapanganib na makipag-usap sa isang impostor.

Kaya sino ba talaga ang mga nasa daigdig ng espiritu? Sinasagot ng Bibliya ang tanong na iyan. Ipinaliliwanag din nito kung sino ang maaari nating kausapin at kung paano tayo sasagutin. Basahin ang kasunod na mga artikulo. Baka magulat ka sa sinasabi ng Bibliya.

[Talababa]

^ par. 4 Ang “Allah” ay hindi isang pangalan kundi nangangahulugan lamang na “Diyos.”