Maging Malapít sa Diyos
“Alalahanin Mo Ako, O Diyos Ko, sa Ikabubuti”
“AKALA ko, hindi ako magagawang mahalin at sang-ayunan ni Jehova, na nakakakilala sa akin nang husto.” Iyan ang isinulat ng isang tapat na Kristiyanong babae na nakadamang wala siyang halaga. Nadama mo na rin ba ito? Naisip mo rin ba na hindi ka karapat-dapat sa atensiyon ni sa pagsang-ayon ng Diyos? Kung oo, mapalalakas ka ng pananalita sa Nehemias 13:31.
Ginawa ni Nehemias, gobernador ng mga Judio noong ikalimang siglo B.C.E., ang kaniyang buong makakaya upang mapasaya ang Diyos. Pinangunahan niya ang muling pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem kahit na may humahadlang na mga kaaway. Ipinatupad niya ang Kautusan ng Diyos, pinangalagaan ang mga naaapi, at sinikap na patibayin ang pananampalataya ng kaniyang mga kapuwa Israelita. Napansin ba ng Diyos ang kabutihang ginawa ng tapat na lalaking ito? Sinang-ayunan ba siya ni Jehova? Para masagot ito, suriin natin ang huling pananalita ng aklat ng Nehemias.
Nanalangin si Nehemias: “Alalahanin mo ako, O Diyos ko, sa ikabubuti.” * Iniisip ba ni Nehemias na baka hindi napapansin ng Diyos ang kaniyang mabubuting gawa o baka makalimutan siya ng Diyos? Hindi naman. Tiyak na alam niya ang sinabi ng ibang manunulat ng Bibliya tungkol sa matinding interes ni Jehova sa kaniyang tapat na mga mananamba at sa kanilang mabubuting gawa. (Exodo 32:32, 33; Awit 56:8) Kung gayon, ano ang hiniling ni Nehemias sa Diyos? Ayon sa isang reperensiya, ang terminong Hebreo na isinalin bilang “alalahanin” ay nagpapahiwatig ng “pagkagiliw sa isang bagay at pagkilos kasabay ng pagbabalik-tanaw.” Sa kaniyang panalangin, buong-pananampalatayang hiniling ni Nehemias sa Diyos na siya’y alalahanin nang may paggiliw at pagpalain.—Nehemias 2:4.
Sinagot ba ni Jehova ang panalangin ni Nehemias? Masasabi nating gayon nga dahil iningatan ni Jehova ang panalangin niya bilang bahagi ng sagradong Kasulatan. Ngunit higit pa rito ang gagawin ng “Dumirinig ng panalangin” bilang sagot sa taimtim na kahilingan ni Nehemias.—Awit 65:2.
Gagantimpalaan ng Diyos si Nehemias sa lahat ng ginawa niya para sa tunay na pagsamba. (Hebreo 11:6) Sa darating na matuwid na bagong sanlibutan na ipinangako ni Jehova, bubuhayin niyang muli si Nehemias. * (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4) Taglay ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa, makikita ni Nehemias na talagang inalaala siya ni Jehova sa ikabubuti.
Pinatutunayan ng panalangin ni Nehemias na totoo ang sinabi ni Haring David: “Pagpapalain mo ang sinumang matuwid, O Jehova; gaya ng isang malaking kalasag ay palilibutan mo sila ng pagsang-ayon.” (Awit 5:12) Oo, napapansin at pinahahalagahan ng Diyos ang ating buong-pusong pagsisikap na pasayahin siya. Hangga’t ginagawa mo ang iyong buong makakaya para paglingkuran siya, makatitiyak ka na aalalahanin ka niya nang may paggiliw at pagpapalain nang sagana.
Pagbabasa ng Bibliya para sa Pebrero:
[Mga talababa]
^ par. 3 Ito ang ikaapat at huling ulat sa aklat ng Nehemias kung saan ipinanalangin ni Nehemias na pagpalain ng Diyos ang kaniyang tapat na mga gawa.—Nehemias 5:19; 13:14, 22, 31.
^ par. 5 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa layunin ng Diyos para sa tapat na mga tao sa lupa, tingnan ang kabanata 3 at 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.