Tanong ng mga Mambabasa
Nagpapagamot ba ang mga Saksi ni Jehova?
▪ Sinabi ni Jesus na ang “mga taong malusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.” (Mateo 9:12) Sa gayon, ipinahiwatig niya na hindi naman tutol ang Kasulatan sa pagpapagamot. Kaya naman ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapagamot. Gusto nilang manatiling malusog at mapahaba ang kanilang buhay. Sa katunayan, gaya ng unang-siglong Kristiyano na si Lucas, may mga doktor na Saksi ni Jehova.—Colosas 4:14.
Pero ang mga Saksi ni Jehova ay hindi tumatanggap ng mga panggagamot na salungat sa mga simulain ng Bibliya. Halimbawa, hindi sila nagpapasalin ng dugo yamang ipinagbabawal ng Bibliya ang paggamit ng dugo para sustinihan ang pangangailangan ng katawan. (Genesis 9:4; Levitico 17:1-14; Gawa 15:28, 29) Ipinagbabawal din ng Salita ng Diyos ang paraan ng panggagamot na gumagamit ng “mahiwagang kapangyarihan,” o espiritismo.—Isaias 1:13; Galacia 5:19-21.
Maraming propesyonal sa pangangalaga sa kalusugan ang naglalaan ng nagliligtas-buhay na panggagamot na hindi naman salungat sa mga pamantayan ng Bibliya. Karaniwan na, ang gayong mga panggagamot—na pinipili ng maraming Saksi—ay mas mahusay kaysa sa mga panggagamot na hindi kaayon ng kahilingan ng Diyos.
Siyempre pa, may iba’t ibang opinyon may kinalaman sa kalusugan. Ang mabisa sa isa ay maaaring hindi naman mabisa sa iba. Kaya kung nais ng isa na malaman ang tamang diyagnosis at angkop na paggamot sa isang sakit, maaari siyang kumonsulta sa iba pang mga doktor.—Kawikaan 14:15.
Maaaring magkaiba-iba ang pasiya ng mga Saksi may kaugnayan sa pagpapagamot. Kung wala namang malalabag na kautusan sa Bibliya, ang bawat Kristiyano ay makapagpapasiya ayon sa kaniyang budhi. (Roma 14:2-4) Kaya dapat suriin ng bawat isa ang panggagamot na iniaalok sa kaniya at tiyaking hindi ito salungat sa kaniyang budhi na sinanay sa Bibliya.—Galacia 6:5; Hebreo 5:14.
Sa bawat pagpapasiya, iniisip ng isang Saksi na para siyang isang drayber na papalapít sa isang interseksiyon na dinaraanan ng maraming sasakyan. Kung basta na lang siya susunod sa mga kotseng nasa unahan niya at haharurot patawid sa interseksiyon, baka magdulot ito ng malaking aksidente. Ang isang matalinong drayber ay magmemenor muna at titingin sa daloy ng trapiko bago tumuloy. Sa katulad na paraan, hindi nagmamadali ang mga Saksi sa pagpapasiya may kinalaman sa pagpapagamot ni nagiging sunud-sunuran sa opinyon ng nakararami. Sa halip, tinitimbang-timbang muna nila ang kanilang mga opsyon at sinusuri ang mga simulain ng Bibliya bago magpasiya.
Pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang pagsisikap at dedikasyon ng mga manggagamot. Tinatanaw nilang malaking utang na loob ang panggagamot sa kanila ng mga indibiduwal na ito.