Maging Malapít sa Diyos
“Mimithiin Mo”
NAPAKASAKIT makita ang pagdurusa at pagkamatay ng isang mahal sa buhay. Natural lang na magdalamhati tayo sa kaniyang pagkawala. Pero nakaaaliw malaman na nauunawaan ng ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ang sakit na nadarama natin. Higit pa riyan, nananabik siyang gamitin ang kaniyang kapangyarihan para buhaying muli ang mga namatay. Pansinin ang pag-asang mababakas sa mga sinabi ni Job sa Job 14:13-15.
Si Job ay isang taong may malaking pananampalataya. Pero dumanas siya ng mabibigat na pagsubok—kasama na ang pagkawala ng kaniyang kayamanan, pagkamatay ng lahat ng kaniyang anak, at isang napakasakit na karamdaman. Sa tindi ng kaniyang pagdurusa, sinabi niya sa Diyos: “O ikubli mo nawa ako sa Sheol [karaniwang libingan ng sangkatauhan]!” (Talata 13) Para kay Job, kaginhawahan ang ibibigay sa kaniya ng Sheol. Kasi sa lugar na iyon, kung saan para siyang kayamanang itinago ng Diyos, magiging malaya siya sa mga problema at pasakit. *
Permanente bang mananatili sa Sheol si Job? Para sa kaniya, hindi. Gaya nga ng sinabi niya sa panalangin: “Takdaan mo nawa ako ng hangganang panahon at alalahanin mo ako!” Umaasa si Job na magiging pansamantala ang pananatili niya sa Sheol at hindi siya kalilimutan ni Jehova. Itinulad ito ni Job sa “sapilitang pagpapagal”—isang sapilitang panahon ng paghihintay. Gaano katagal? “Hanggang sa dumating ang aking kaginhawahan,” ang sabi niya. (Talata 14) Ang kaginhawahang iyon ay nangangahulugan ng paglaya sa Sheol—sa ibang salita, pagkabuhay-muli!
Bakit kumbinsido si Job na darating ang kaniyang kaginhawahan? Dahil alam niya ang nadarama ng ating maibiging Maylalang sa Kaniyang tapat na mga mananamba na namatay na. Sinabi ni Job: “Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo. Ang gawa ng iyong mga kamay ay mimithiin mo.” (Talata 15) Alam ni Job na gawa siya ng Diyos, na nagpangyaring mabuo siya sa bahay-bata. Dahil dito, nakatitiyak siya na kaya siyang buhaying muli ng Tagapagbigay-Buhay.—Job 10:8, 9; 31:15.
Ang mga pananalita ni Job ay nagtuturo sa atin ng magandang aral tungkol kay Jehova: Malapít sa puso niya ang mga taong gaya ni Job na umaasa at nagpapahubog sa Kaniya para maging kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. (Isaias 64:8) Pinahahalagahan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga mananamba. ‘Minimithi’ niyang makita ang mga tapat na namatay na. Ang salitang Hebreo na ginamit para sa “mimithiin” ay “walang-dudang isa sa pinakamakahulugang salita para ipahayag ang damdamin ng masidhing pananabik,” ang sabi ng isang iskolar. Oo, hindi lang basta naaalaala ni Jehova ang kaniyang mga mananamba. Nananabik din siyang buhayin silang muli.
Laking pasasalamat natin na sa aklat ng Job—isa sa mga unang naisulat na aklat ng Bibliya—ipinakita ni Jehova ang kaniyang layunin na buhaying muli ang mga patay. * Nais niyang muli mong makasama ang iyong mga mahal sa buhay na namatay na. Kung iisipin natin iyan, maiibsan ang sakit na dulot ng pagkamatay nila. Bakit hindi mo kilalanin pa ang maibiging Diyos na ito at alamin kung paano magpapahubog sa kaniya para makita mo ang katuparan ng kaniyang layunin?
Pagbabasa ng Bibliya para sa Marso:
[Mga talababa]
^ par. 2 Ayon sa ilang reperensiya, ang pananalita ni Job na ‘ikubli mo ako’ ay maaaring mangahulugan na “ilagay [ako] sa isang ligtas na dako bilang mahalagang bagay” o “itago ako bilang kayamanan.”
^ par. 6 Para malaman ang higit pa tungkol sa pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli sa isang matuwid na bagong sanlibutan, tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.