Tanong ng mga Mambabasa
Nilalang ba ng Diyos ang Diyablo?
▪ Yamang sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ang “lumalang ng lahat ng mga bagay,” ikinakatuwiran ng ilan na tiyak na ang Diyos ang lumalang sa Diyablo. (Efeso 3:9; Apocalipsis 4:11) Pero ayon sa Bibliya, malinaw na hindi.
Bagaman si Jehova ang lumalang sa persona na naging ang Diyablo—ang pangunahing kaaway ng Diyos—hindi siya ang lumalang sa mismong Diyablo. Kaayon ito ng sinasabi ng Kasulatan tungkol kay Jehova bilang ang Maylalang: “Sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.” (Deuteronomio 32:3-5) Kaya batay sa pananalitang iyan, masasabi natin na si Satanas ay isang dating perpekto at matuwid na anghel ng Diyos. Sa katunayan, sinabi ni Jesus sa Juan 8:44 na ang Diyablo ay “hindi . . . nanindigan sa katotohanan,” anupat nagpapahiwatig na si Satanas ay dating tapat at walang kasalanan.
Gayunman, gaya ng iba pang matatalinong nilalang ni Jehova, ang anghel na naging si Satanas ay may kalayaang pumili ng tama o mali. Nang piliin niyang kalabanin ang Diyos at udyukan ang unang mag-asawa na sumama sa kaniya, ginawa niyang Satanas o “Mananalansang” ang kaniyang sarili.—Genesis 3:1-5.
Ginawa ring Diyablo o “Maninirang-puri” ng ubod-samang espiritung ito ang kaniyang sarili. Si Satanas ang di-nakikitang persona sa likod ng ahas at dumaya kay Eva para sumuway sa simpleng utos ng Maylalang. Kaya tinawag ni Jesus si Satanas bilang “ama ng kasinungalingan.”—Juan 8:44.
Yamang si Satanas ay dati namang perpektong espiritung nilalang na walang likas na kahinaan ni may anumang masamang impluwensiya sa paligid niya, bakit kaya pinili niyang gumawa ng masama? Maliwanag, hinangad niya ang pagsambang para lamang sa Diyos at nakita niyang posibleng mapasailalim sa kaniyang pamamahala ang mga tao, sa halip na kay Jehova. Hinayaan niyang patuloy na maglaro sa isip niya ang ideyang ito hanggang sa kumilos siya ayon dito. Ang prosesong ito ay inilarawan sa aklat ng Santiago: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan.”—Santiago 1:14, 15; 1 Timoteo 3:6.
Bilang ilustrasyon: Nakakita ng pagkakataon ang isang accountant na dayain ang rekord ng kompanya para makakuha siya ng pera. Maaari sana niyang iwaksi agad sa isipan ang masamang ideya na ito. Pero patuloy niya itong inisip hanggang sa magustuhan na niya ang ideya at isagawa ito. Sa puntong ito, ginawa niyang magnanakaw ang kaniyang sarili. At kung ikinaila pa niya ang kaniyang ginawa, nagiging sinungaling din siya. Sa katulad na paraan, nang maglinang ng maling pagnanasa at kumilos ayon dito ang anghel na nilalang ng Diyos, ginamit niya ang kaniyang kalayaang magpasiya para mandaya at magrebelde sa kaniyang Ama, sa gayo’y ginawa niyang Satanas na Diyablo ang kaniyang sarili.
Mabuti na lamang at pupuksain ng Diyos si Satanas na Diyablo sa Kaniyang takdang panahon. (Roma 16:20) Samantala, ipinaaalam sa mga mananamba ng Diyos na Jehova ang mga pakana ni Satanas at pinoproteksiyunan sila laban sa mga ito. (2 Corinto 2:11; Efeso 6:11) Kaya gawin ang lahat upang “salansangin . . . ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.”—Santiago 4:7.
[Blurb sa pahina 21]
Nang piliin ng isang perpektong anghel na kalabanin ang Diyos, ginawa niyang Satanas ang kaniyang sarili