Tanong ng mga Mambabasa
Ang Gehenna ba ay Isang Lugar ng Maapoy na Pagpapahirap?
▪ Sa mga ulat ng mga Ebanghelyo, nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad na mag-ingat na huwag silang mahatulang karapat-dapat sa Gehenna. Maliwanag, gusto ni Jesus na seryosohin nila ang kaniyang babala. Pero ang tinutukoy ba ni Jesus ay walang-hanggang pagpapahirap sa isang maapoy na impiyerno?—Mateo 5:22.
Suriin muna natin ang salitang ginamit ni Jesus. Ang salitang Griego na Geʹen·na ay katumbas ng Hebreong geh Hin·nomʹ, na nangangahulugang “libis ng Hinom” o ng geh veneh-Hin·nomʹ, “libis ng mga anak ni Hinom.” (Josue 15:8; 2 Hari 23:10) Ang lugar na ito, na kilala ngayon bilang Wadi er-Rababi, ay isang malalim at makitid na libis na matatagpuan sa timog at timog-kanluran ng Jerusalem.
Noong panahon ng mga hari ng Juda, mula ikawalong siglo B.C.E., ang lugar na ito ay ginamit sa mga paganong ritwal, kasali na ang paghahain ng mga anak sa apoy. (2 Cronica 28:1-3; 33:1-6) Inihula ni propeta Jeremias na sa libis ding ito lansakang papatayin ng mga Babilonyo ang mga Judeano bilang hatol ng Diyos dahil sa kanilang kasamaan. *—Jeremias 7:30-33; 19:6, 7.
Ayon sa Judiong iskolar na si David Kimhi (mga 1160 hanggang mga 1235 C.E.), ang libis ay ginawang tapunan ng basura ng lunsod ng Jerusalem. Nagsilbi itong sunugan ng basura at tuluy-tuloy na nag-aapoy. Anumang ihagis dito ay natutupok at nagiging abo.
Maraming tagapagsalin ng Bibliya ang gumamit ng pananalitang “impiyerno” para sa Geʹen·na. (Mateo 5:22, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Bakit? Dahil ang apoy sa libis sa labas ng Jerusalem ay iniuugnay nila sa paganong paniniwala na dumaranas ng maapoy na pagpapahirap sa kabilang-buhay ang masasama. Gayunman, ang Gehenna ay hindi kailanman iniugnay ni Jesus sa pagpapahirap.
Alam ni Jesus na ang ideya ng pagsunog nang buháy sa isang tao ay kasuklam-suklam sa kaniyang Ama sa langit, si Jehova. Nang tukuyin ng Diyos kung paano ginagamit ang Gehenna noong panahon ni propeta Jeremias, sinabi Niya: “Itinayo nila ang matataas na dako ng Topet, na nasa libis ng anak ni Hinom, upang sunugin sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at ang kanilang mga anak na babae, isang bagay na hindi ko iniutos ni pumasok man sa aking puso.” (Jeremias 7:31) Isa pa, ang pagpapahirap sa mga namatay ay hindi kaayon ng maibiging personalidad ng Diyos at ng malinaw na turo ng Bibliya na “walang anumang kabatiran” ang mga patay.—Eclesiastes 9:5, 10.
Ang terminong “Gehenna” ay ginamit ni Jesus upang sumagisag sa lubusang pagkapuksa bilang hatol ng Diyos. Kaya magkasingkahulugan ang “Gehenna” at ang “lawa ng apoy” na binabanggit sa aklat ng Apocalipsis. Ang mga salitang ito ay parehong sumasagisag sa walang-hanggang pagkapuksa—ibig sabihin ay wala nang pagkabuhay-muli.—Lucas 12:4, 5; Apocalipsis 20:14, 15.
[Talababa]
^ par. 5 Tungkol sa hulang ito, ganito ang mababasa sa The New Catholic Encyclopedia: “Kapag nawasak ang Jerusalem, napakarami sa mga naninirahan dito ang mapapatay at ang kanilang bangkay ay itatapon, at hindi na ililibing, sa libis upang mabulok o masunog.”