Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ba Talaga si Jesu-Kristo?

Sino ba Talaga si Jesu-Kristo?

Sino ba Talaga si Jesu-Kristo?

“Ngayon nang pumasok siya sa Jerusalem, ang buong lunsod ay nagkagulo, na nagsasabi: ‘Sino ito?’ Ang mga pulutong ay patuloy na nagsasabi: ‘Ito ang propetang si Jesus, mula sa Nazaret ng Galilea!’”​—MATEO 21:10, 11.

BAKIT pinagkaguluhan ang pagpasok ni Jesu-Kristo * sa Jerusalem noong tagsibol ng 33 C.E.? Marami sa lunsod ang nakarinig tungkol kay Jesus at sa pambihirang mga bagay na ginawa niya. Patuloy nilang sinasabi sa iba ang tungkol sa kaniya. (Juan 12:17-19) Walang kamalay-malay ang mga pulutong na iyon na nasa gitna nila ang taong ang impluwensiya ay lalaganap sa buong daigdig at aabot hanggang sa ating panahon!

Tingnan ang ilan sa napakalaking impluwensiya ni Jesus sa kasaysayan ng tao.

▪ Ang kalendaryong karaniwang ginagamit ng maraming tao sa daigdig ay batay sa taon kung kailan pinaniniwalaang ipinanganak si Jesus.

▪ Mga dalawang bilyong tao​—halos sangkatlo ng populasyon ng daigdig​—ang nagsasabing Kristiyano sila.

▪ Itinuturo ng Islam, na mahigit isang bilyon ang miyembro sa buong daigdig, na si Jesus ay “isang mas dakilang propeta kaysa kina Abraham, Noe, at Moises.”

▪ Marami sa magagandang pananalita ni Jesus ang naging bukambibig ng mga tao. Ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod:

‘Kapag sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin ang kabila.’​MATEO 5:39.

‘Walang sinuman ang maaaring maglingkod sa dalawang panginoon.’​MATEO 6:24.

‘Lahat ng mga bagay na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.’​MATEO 7:12.

‘Tuusin ang gastusin.’​LUCAS 14:28.

Maliwanag, may impluwensiya si Jesus sa kasaysayan ng tao. Pero iba-iba ang mga ideya at paniniwala ng mga tao sa kaniya. Kaya baka maitanong mo, ‘Sino nga ba si Jesu-Kristo?’ Ang Bibliya lamang ang makapagsasabi kung saan nagmula si Jesus, kung paano siya namuhay, at kung bakit kailangan siyang mamatay. Malaki ang maaaring maging epekto ng mga katotohanang iyan sa iyong buhay​—ngayon at sa hinaharap.

[Talababa]

^ par. 3 Ang “Jesus,” ang personal na pangalan ng propetang ito mula sa Nazaret, ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.” Ang salitang “Kristo” ay isang titulong nangangahulugang “Pinahiran,” na nagpapakitang si Jesus ay pinahiran, o inatasan ng Diyos sa isang pantanging posisyon.