Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Buhay Noong Panahon ng Bibliya—Salapi

Ang Buhay Noong Panahon ng Bibliya—Salapi

Ang Buhay Noong Panahon ng Bibliya​—Salapi

“Umupo siya na abot-tanaw ang mga kabang-yaman at nagsimulang masdan kung paanong ang pulutong ay naghuhulog ng salapi sa mga kabang-yaman; at maraming taong mayayaman ang naghuhulog ng maraming barya. Ngayon ay isang dukhang babaing balo ang dumating at naghulog ng dalawang maliit na barya, na may napakaliit na halaga.”​—MARCOS 12:41, 42.

MADALAS banggitin sa Bibliya ang salapi. Halimbawa, sa ulat ng Ebanghelyo, gumamit si Jesus ng iba’t ibang uri ng barya para magturo ng mahahalagang simulain. Nagturo siya ng aral mula sa iniabuloy ng babaing balo na “dalawang maliit na barya,” gaya ng sinipi sa itaas. Minsan naman, tinukoy niya ang baryang denario para tulungan ang kaniyang mga tagasunod na maunawaan kung ano ang dapat nilang maging pangmalas sa awtoridad ng pamahalaan. *​—Mateo 22:17-21.

Bakit inimbento ang salapi? Paano ito ginawa at ginamit noong panahon ng Bibliya? At ano ang dapat nating maging pangmalas sa salapi ayon sa itinuturo ng Bibliya?

Mula sa Pagpapalitan Tungo sa Mahahalagang Metal

Bago naimbento ang salapi, sistemang barter​—pagpapalitan ng produkto at serbisyo na magkatumbas ang halaga​—ang ginagamit ng mga tao sa pakikipagkalakalan. Pero hindi ito kumbinyente. Kasi sa ganitong sistema, dapat na parehong gusto ng magkatransaksiyon ang produkto ng isa’t isa. Bukod diyan, ang mga mangangalakal ay nahihirapang magdala ng mabibigat na produkto gaya ng mga hayop o saku-sakong butil.

Nang maglaon, nakita ng mga mangangalakal ang pangangailangan para sa mas kumbinyenteng paraan ng pagbili at pagbebenta ng produkto. Ano ang naging solusyon? Gumamit sila ng mahahalagang metal gaya ng ginto, pilak, at tanso. Makikita sa larawan ang isang mangangalakal na gumagamit ng mahahalagang metal na hinulma o nasa anyong alahas para ipambayad sa ilang produkto o serbisyo. Maingat na tinitimbang ang gayong mga metal bago ang pagpapalitan ng mga produkto. Halimbawa, nang bumili si Abraham ng libingan ng kaniyang minamahal na asawang si Sara, tinimbang niya ang kinakailangang dami ng pilak.​—Genesis 23:14-16.

Nang ibigay ni Jehova sa Israel ang nasusulat na Kautusan, ang sakim na mga mangangalakal ay gumagamit ng may-dayang mga timbangan o di-hustong mga panimbang para dayain ang mga mamimili. Pero karima-rimarim sa Diyos na Jehova ang pandaraya, kaya sinabi niya sa mga mangangalakal na Israelita: “Magkaroon kayo ng hustong timbangan, hustong mga panimbang.” (Levitico 19:36; Kawikaan 11:1) Sa ngayon, dapat tandaan ng mga negosyante na hindi nagbago ang damdamin ni Jehova tungkol sa kasakiman at pandaraya.​—Malakias 3:6; 1 Corinto 6:9, 10.

Kung Paano Ginawa ang Unang mga Barya

Malamang na ang unang mga barya ay ginawa sa Lydia (nasa Turkey ngayon) bago ang 700 B.C.E. Di-nagtagal, ang mga manggagawa ng metal sa iba’t ibang bansa ay gumawa ng maraming barya na ginamit ng mga tao sa mga lupaing tinukoy sa Bibliya.

Paano ginagawa noon ang mga barya? Hahanguin ng manggagawa ang tinunaw na metal mula sa hurno (1) at ibubuhos ito sa hulmahan upang maging pabilog na laminang wala pang tatak na tinatawag na flan (2). Ilalagay niya ang mga flan sa pagitan ng dalawang metal na may nakaukit na simbolo o larawan (3). Pagkatapos ay pupukpukin ito ng martilyo para magmarka ang tatak sa mga flan (4). Dahil sa bilis ng proseso, madalas na wala sa sentro ang mga tatak ng mga barya. Susuriin ng mga manggagawa ang mga barya, titimbangin ang mga ito upang matiyak na pare-pareho ang halaga, at kung kinakailangan, tatabasin ang labis na metal (5).

Mga Tagapagpalit ng Salapi, Maniningil ng Buwis, at mga Bangkero

Noong unang siglo C.E., nakarating sa Palestina ang mga barya mula sa iba’t ibang bansa. Halimbawa, ang mga manlalakbay na pumupunta sa templo sa Jerusalem ay nagdadala ng mga baryang mula sa ibang mga bansa. Pero ang tinatanggap lamang ng mga tagapag-asikaso sa templo bilang buwis sa templo ay ilang partikular na uri ng barya. Kaya may mga tagapagpalit ng salapi sa templo na kadalasan ay sumisingil ng napakalaki para palitan ang mga baryang mula sa ibang mga bansa. Hinatulan ni Jesus ang sakim na mga taong iyon. Bakit? Dahil ginawa nilang “bahay ng pangangalakal” at “yungib ng mga magnanakaw” ang bahay ni Jehova.​—Juan 2:13-16; Mateo 21:12, 13.

Ang mga taga-Palestina ay kailangan ding magbayad ng iba’t ibang uri ng buwis. Isa na rito ang “pangulong buwis” na itinanong ng mga kaaway ni Jesus sa kaniya. (Mateo 22:17) Nariyan din ang buwis para sa lansangan at mga buwis para sa inaangkat at iniluluwas na mga produkto. Ang mga maniningil ng buwis ng gobyerno sa Palestina ay hinahamak ng marami dahil sa pandaraya. (Marcos 2:16) Yumayaman sila dahil sa sobrang singil na ibinubulsa nila. Ngunit may ilang maniningil ng buwis, gaya ni Zaqueo, na tumugon sa mensahe ni Jesus at huminto na sa pandaraya. (Lucas 19:1-10) Sa ngayon, sinumang gustong sumunod kay Kristo ay dapat na maging matapat sa lahat ng bagay, pati na sa negosyo.​—Hebreo 13:18.

Ang isa pang grupo na humahawak ng salapi ay ang mga bangkero. Bukod sa pagpapalit ng mga salaping mula sa ibang bansa, nagsaayos din sila ng mga sistema ng pag-iimpok, pagpapautang, at pagpapatubo sa mga namumuhunan sa bangko. Binanggit ni Jesus ang mga bangkerong ito sa isang ilustrasyon tungkol sa mga aliping binigyan ng iba’t ibang halaga ng salapi na palalaguin nila.​—Mateo 25:26, 27.

Ang Tamang Pangmalas sa Salapi

Sa maraming bansa sa ngayon, kailangang kumita ng salapi ang mga tao para mabili ang kanilang mga pangangailangan. Totoo pa rin ang isinulat ni Haring Solomon sa patnubay ng Diyos daan-daang taon na ang nakalipas: “Ang salapi ay pananggalang.” Pero binanggit din niya na mas malaki ang halaga ng karunungan dahil ‘iniingatan nitong buháy ang mga nagtataglay nito.’ (Eclesiastes 7:12) Makukuha ang gayong karunungan sa Bibliya.

Tinulungan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na magkaroon ng timbang na pangmalas sa salapi nang sabihin niya: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Tulad ng mga unang-siglong alagad ni Jesus, maipakikita rin natin ang karunungan kung magiging responsable tayo at matapat sa paggamit ng salapi, at iiwasang ibigin ito.​—1 Timoteo 6:9, 10.

[Talababa]

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 26]

 Mga Sinaunang Barya

● Ang isa sa pinakamaliit na baryang ginamit noong unang siglo sa Palestina ay ang tansong lepton. Ang isang manggagawa ay kumikita ng dalawang lepta sa loob lamang ng 15 minuto. Malamang na dalawang lepta ang inihulog ng babaing balo sa kabang-yaman ng templo.​—Marcos 12:42.

● Ang pilak na drakma ay isang baryang Griego na ibinabayad sa isang manggagawa para sa halos maghapong pagtatrabaho. (Lucas 15:8, 9) Taun-taon, dalawang drakma ang ibinabayad ng lahat ng lalaking Judio bilang buwis sa templo.​—Mateo 17:24.

● Ang pilak na denario ay isang baryang Romano na may larawan ni Cesar, kaya ito ang “tributo” na ipinapataw sa mga lalaking Judio noong panahon ng mga Romano. (Roma 13:7) Isang denario ang ibinabayad para sa 12-oras na pagtatrabaho sa loob ng isang araw.​—Mateo 20:2-14.

● Noong nasa lupa si Jesus, isang purong pilak na siklo na gawa sa lunsod ng Tiro ang ginagamit sa Palestina. Maaaring mga siklong gawa sa Tiro ang 30 “pirasong pilak” na ibinayad ng mga punong saserdote kay Hudas Iscariote para ipagkanulo si Jesus.​—Mateo 26:14-16.

Makikita sa larawan ang aktuwal na sukat ng mga barya