Matuto Mula sa Salita ng Diyos
Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Kasamaan at Pagdurusa?
Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.
1. Paano nagsimula ang kasamaan?
Nagsimula ang kasamaan sa lupa nang sambitin ni Satanas ang unang kasinungalingan. Nang lalangin siya, hindi pa siya masama, kundi isang perpektong anghel. Pero “hindi siya nanindigan sa katotohanan.” (Juan 8:44) Hinangad niya ang pagsambang para lamang sa Diyos. Nagsinungaling si Satanas sa unang babae, si Eva, at inudyukan itong sumunod sa kaniya sa halip na sa Diyos. Sumuway din sa Diyos si Adan gaya ni Eva. Nagdulot ito ng pagdurusa at kamatayan.—Basahin ang Genesis 3:1-6, 17-19.
Sa pag-udyok kay Eva na sumuway sa Diyos, ipinakita ni Satanas na nagrerebelde siya sa soberanya ng Diyos. Nakisama rin kay Satanas ang karamihan ng mga tao sa pagtanggi sa Diyos bilang Tagapamahala. Kaya si Satanas ang naging “tagapamahala ng sanlibutan.”—Basahin ang Juan 14:30; Apocalipsis 12:9.
2. May depekto ba ang nilalang ng Diyos?
Ang mga tao at mga anghel ay nilalang ng Diyos na may kakayahang sumunod sa lahat ng kahilingan niya. (Deuteronomio 32:5) Nilalang tayo ng Diyos na may kalayaang pumili sa pagitan ng paggawa ng mabuti at masama. Dahil dito, may pagkakataon tayong ipakita ang pag-ibig natin sa Diyos.—Basahin ang Santiago 1:13-15; 1 Juan 5:3.
3. Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa?
Sa loob ng ilang panahon, pinahintulutan ni Jehova ang paghihimagsik sa kaniyang soberanya. Bakit? Upang ipakita na walang idudulot na mabuti ang pamamahala ng tao kung hiwalay sa Kaniya. (Jeremias 10:23) Matapos ang 6,000 taon ng kasaysayan ng tao, nalutas na ang usapin. Bigo ang mga tagapamahalang tao na alisin ang digmaan, krimen, kawalang-katarungan, at sakit.—Basahin ang Eclesiastes 7:29; 8:9; Roma 9:17.
Pero ang mga tumatanggap sa Diyos bilang kanilang Tagapamahala ay pinagpapala. (Isaias 48:17, 18) Malapit nang wakasan ni Jehova ang lahat ng gobyerno ng tao. Ang mga tao lamang na pumipili sa pamamahala ng Diyos ang maninirahan sa lupa.—Isaias 2:3, 4; 11:9; basahin ang Daniel 2:44.
4. Paano tayo nakikinabang sa pagkamatiisin ng Diyos?
Inaangkin ni Satanas na walang tao ang mananatiling tapat kay Jehova. Ang pagkamatiisin ng Diyos ay nagbibigay sa ating lahat ng pagkakataong ipakita kung alin ang gusto natin—ang pamamahala ng Diyos o ng tao. Ipinakikita natin ito sa paraan ng ating pamumuhay.—Basahin ang Job 1:8-11; Kawikaan 27:11.
5. Paano natin maipakikitang pinipili natin ang Diyos bilang Tagapamahala?
Pinipili natin ang Diyos bilang Tagapamahala kung hinahanap natin at isinasagawa ang tunay na pagsamba batay sa kaniyang Salita, ang Bibliya. (Juan 4:23) At gaya ni Jesus, iniiwasan din nating masangkot sa pulitika at digmaan.—Basahin ang Juan 17:14.
Ginagamit ni Satanas ang kaniyang kapangyarihan upang itaguyod ang imoral at nakapipinsalang mga gawain. Kapag iniiwasan natin ang gayong mga gawain, maaari tayong tuyain o salansangin ng ating mga kaibigan at kamag-anak. (1 Pedro 4:3, 4) Kaya alin ang pipiliin natin? Makikisama ba tayo sa mga taong umiibig sa Diyos? Susundin ba natin ang kaniyang matalino at maibiging mga kautusan? Kung oo, mapatutunayan nating sinungaling si Satanas nang sabihin niyang walang sinumang susunod sa Diyos.—Basahin ang 1 Corinto 6:9, 10; 15:33.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 16]
Pinili ni Adan ang masama
[Larawan sa pahina 17]
Ipinakikita ng ating pinipili kung gusto nating maging Tagapamahala ang Diyos