Hula 2. Taggutom
Hula 2. Taggutom
“Magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain.”—MARCOS 13:8.
● Isang lalaki ang lumikas sa nayon ng Quaratadji, Niger. Ang kaniyang mga pinsan at nakababatang mga kapatid ay umalis din sa kani-kanilang lugar upang takasan ang gutom. Ang lalaking ito ay mag-isang nakahiga ngayon sa banig na nakalatag sa lupa. Bakit kaya? Dahil “wala siyang maipakain [sa kaniyang pamilya] at hindi niya maatim na makita silang nagugutom,” ang paliwanag ni Sidi, na pinuno ng nayon.
ANO ANG IPINAKIKITA NG MGA ULAT? Sa buong daigdig, halos 1 sa 7 katao ang walang sapat na pagkain sa araw-araw. Mas masahol pa ang kalagayan sa timugang bahagi ng Sahara, Aprika, kung saan 1 sa 3 katao ang sinasabing dumaranas ng matinding gutom. Upang maunawaan ito, isipin ang isang pamilya na binubuo ng isang ama, ina at isang anak. Kung para sa dalawa lang ang pagkain, sino ang hindi kakain? Ang ama? ang ina? o ang anak? Araw-araw, ganito ang problema ng gayong mga pamilya.
ANO ANG KARANIWANG PAGTUTOL? Sobra-sobrang pagkain para sa lahat ang nailalaan ng lupa. Kailangan lang na mapangasiwaan nang mas mabuti ang yaman nito.
MAKATUWIRAN BA ANG PAGTUTOL NA IYAN? Totoo, ang mga magsasaka ay umaani at nagsusuplay ng mas maraming pagkain ngayon. At dapat sana’y napangangasiwaang mabuti ng mga gobyerno ang suplay ng pagkain sa daigdig. Pero sa kabila ng kanilang pagsisikap sa loob ng maraming taon, bigo pa rin sila.
ANO SA PALAGAY MO? Natutupad ba ang Marcos 13:8? Sa kabila ng mga pagsulong sa teknolohiya, may kakapusan nga ba sa pagkain sa buong daigdig?
Kadalasan na, ang kasunod ng lindol at taggutom ay mga problemang dulot ng isa pang bahagi ng tanda ng mga huling araw.
[Blurb sa pahina 5]
“Buhay pa sana ngayon ang mahigit sangkatlo ng mga batang namatay sa pulmonya, diarrhea, at iba pang sakit kung nakakain lang sila nang sapat.”—ANN M. VENEMAN, DATING EXECUTIVE DIRECTOR NG UN CHILDREN’S FUND.
[Picture Credit Line sa pahina 5]
© Paul Lowe/Panos Pictures