Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kailan Isinulat ang Bibliya?

Kailan Isinulat ang Bibliya?

Kailan Isinulat ang Bibliya?

Ang Bibliya ay isang natatanging aklat. Itinuturing itong sagrado ng mahigit tatlong bilyong tao. Sinasabing ito ang pinakamabiling aklat sa buong kasaysayan​—tinatayang 6,000,000,000 kopya na ang naimprenta (buo o bahagi nito) sa mahigit 2,400 wika.

BAGAMAN ang Bibliya ang aklat na may pinakamaraming mambabasa sa kasaysayan, maraming teoriya kung kailan ito isinulat, lalo na ang Hebreong Kasulatan, na kadalasang tinatawag na Lumang Tipan. Maaaring nabasa mo na sa mga magasin at aklat ang ilan sa mga teoriyang ito, o baka napanood mo sa mga dokumentaryo sa telebisyon ang paliwanag ng ilang iskolar. Narito ang ilan:

“Ang malaking bahagi ng Bibliya ay isinulat noong ikawalo hanggang ikaanim na siglo B.C.E., o, sa pagitan ng panahon nina propeta Isaias at Jeremias.”

“Sa nakalipas na dalawang daang taon, ipinalagay ng maraming iskolar sa Bibliya na ang kalakhang bahagi ng Bibliyang Hebreo ay isinulat at inayos noong panahon ng Persia at Gresya (mula ikalima hanggang ikalawang siglo B.C.E.).”

“Ang lahat ng nilalaman ng Bibliyang Hebreo sa kasalukuyang anyo nito ay isinulat noong panahon ng Gresya (mga ikalawa hanggang unang siglo [B.C.E.]).”

Ano ang dapat na maging pangmalas dito ng isang Kristiyanong naniniwala na “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos”? (2 Timoteo 3:16) Para malaman ang sagot, tingnan natin ang dalawang panig ng isyu.

Ang Talaorasan ng Bibliya

Maraming kronolohikal na impormasyon sa Bibliyang Hebreo. Ipinahihiwatig ng mga ito na ang mga unang aklat ay isinulat noong panahon nina Moises at Josue, mga 3,500 taon na ang nakalipas. * Ang ibang aklat naman ay isinulat nina Samuel, David, Solomon, at iba pa noong ika-11 siglo B.C.E. Sinundan ito ng mga aklat ng kasaysayan, tula, at hula, na sinasabing isinulat noong ikasiyam hanggang ikalimang siglo B.C.E.

Ang mga kopya o ilang bahagi ng mga aklat na ito ng Bibliya, maliban sa Esther, ay kasama sa Dead Sea Scrolls. Ayon sa pagsusuri gamit ang carbon 14 (radioactive carbon) at paleograpiya (pag-aaral ng sinaunang mga dokumento), ang pinakamatanda sa mga balumbong ito ay isinulat noong mga 200 B.C.E. hanggang 100 B.C.E.

Ang Sinasabi ng mga Kritiko

Kinukuwestiyon ng mga kritiko ang talaorasan ng Bibliya pangunahin nang dahil inaangkin nito na pinatnubayan ng Diyos ang pagsulat nito. Hinggil dito, ganito ang isinulat ni Propesor Walter C. Kaiser, Jr. sa kaniyang aklat na The Old Testament Documents tungkol sa pananaw na ito: “Ang nilalaman [ng Bibliya] ay hindi kapani-paniwala dahil sinasabi nitong pinatnubayan ito ng Diyos at bumabanggit ito ng mga himala ng Diyos.” Iginigiit ng mga iskolar na may ganitong pananaw na ang Bibliya ay dapat ding suriing mabuti gaya ng ibang aklat.

Noon, ginagamit ang teoriya ng ebolusyon ni Darwin para ipaliwanag na ang mga relihiyon ay nagbago mula sa pagiging simple tungo sa pagiging komplikado, mula sa animismo tungo sa politeismo, at nauwi sa monoteismo nang bandang huli. Dahil ang mga unang aklat ng Bibliya ay bumabanggit tungkol sa monoteismo o pagsamba sa iisang Diyos, ikinakatuwiran ng ilan na isinulat ang mga iyon nang mas dakong huli kaysa sa inaangkin nito.

Mula noon, marami nang ginawang pagsusuri sa Bibliya. Halimbawa, isang diksyunaryo ng Lumang Tipan na inilathala kamakailan ang naglalaman ng mga artikulo tungkol sa paraan ng pagkakasulat ng Bibliya, katumpakan ng mga ulat ng kasaysayan nito, kaugnayan ng ulat nito sa tradisyonal na mga paniniwala, at iba pa.

Bagaman iba-iba ang petsang ibinibigay ng mga iskolar kung kailan isinulat ang mga aklat ng Bibliya, pabor ang marami sa teoriya ni Propesor R. E. Friedman. Isinulat niya: “Ang sinaunang mga manunulat ay gumawa ng mga dokumento ng mga tula, prosa, at batas sa loob ng daan-daang taon. Pagkatapos, ginamit ng iba pang manunulat ang mga dokumentong ito bilang reperensiya, na pinagbatayan naman ng ginawa nilang Bibliya.”

Tinatalakay ng aklat na Faith, Tradition, and History ang marami sa mga nabanggit na pagsusuri at iba pang kritisismo sa Bibliya. Gayunman, bilang sumaryo, sinasabi nito: “Ang mga iskolar ay pare-parehong walang tiwala sa Kasulatan at bilib na bilib sa kanilang sariling teoriya, pero tinutuligsa naman nila ang teoriya ng isa’t isa.”

Pagtatanggol sa Talaorasan ng Bibliya

Ang mga unang aklat ng Bibliya ay isinulat sa materyales na nasisira. Kaya hindi makatuwirang asahan na matatagpuan pa ang orihinal na isinulat nina Moises, Josue, Samuel, o David, o ang mga unang kopya nito. Pero posibleng pag-aralan ang di-tuwirang mga ebidensiya sa kasaysayan, na nagpapahiwatig na makatotohanan ang mga petsang ibinibigay ng Bibliya, gaya ng ginagawa ng maraming respetadong iskolar at arkeologo. Ano ang ipinakikita ng mga ebidensiyang ito? Tingnan ang ilang halimbawa.

May nasusulat na bang literatura sa Gitnang Silangan noong panahong sinasabi ng Bibliya na nabuhay sina Moises at Josue (3,500 taon na ang nakalipas)? May mga akda tungkol sa kasaysayan, relihiyon, batas, at panitikan na isinulat sa sinaunang Mesopotamia at Ehipto. Kumusta naman noong panahon ni Moises at ng mga Israelita? Ganito ang sagot ng Dictionary of the Old Testament: Pentateuch: “Tiyak na may mga akdang isinulat noong Late Bronze Age [mga 1550 hanggang 1200 B.C.E.] sa Canaan.” Sinabi pa nito: “Batay sa paraan ng pagsulat noon, walang-alinlangang isinulat ni Moises ang kaniyang mga akda [sa panahong sinasabi ng Bibliya]. Totoo rin ito sa mga akda ng ibang manunulat.”​—Exodo 17:14; 24:4; 34:27, 28; Bilang 33:2; Deuteronomio 31:24.

Gumamit ba ng sinaunang mga reperensiya ang mga manunulat ng Bibliya? Oo. Kasama rito ang mga ‘aklat,’ na maaaring mga dokumento ng estado, rekord ng talaangkanan, akda tungkol sa kasaysayan, at dokumento ng mga tribo at pamilya.​—Bilang 21:14; Josue 10:13; 2 Samuel 1:18; 1 Hari 11:41; 2 Cronica 32:32.

Bakit walang nasumpungang sinaunang mga dokumento sa Bibliya na mas matanda kaysa sa Dead Sea Scrolls? Ipinaliliwanag ng magasing Biblical Archaeology Review: “Sa malaking bahagi ng Palestina, ang mga dokumentong isinulat sa papiro at pergamino ay nasira na, maliban sa mga natagpuan sa mga tuyung-tuyong rehiyon gaya ng lugar na nakapalibot sa Dagat na Patay. Nabubulok ang mga materyales na ito sa mamasa-masang lupa. Kung gayon, hindi komo walang natagpuang ganitong mga dokumento ay hindi na ito umiral.” Sa katunayan, daan-daang tatak na luwad na ginamit sa mga dokumento ang natagpuan. Ang mga dokumentong isinulat sa papiro at pergamino ay nasunog o kaya’y nabulok sa mamasa-masang lupa, pero hindi naman nasira ang mga tatak na luwad. Ang mga tatak na ito ay tinatayang mula pa noong ikasiyam hanggang ikalimang siglo B.C.E.

Paano naingatan ang mga manuskrito ng Bibliya? Sinasabi ng aklat na The Bible as It Was: “Ang mga kuwento, awit, kautusan, at hulang nababasa natin ngayon sa Bibliya ay tiyak na napakaraming ulit nang kinopya, maging noong panahon mismo ng Bibliya. . . . Kung ang mga akdang ito ay paulit-ulit na kinopya noong panahon mismo ng Bibliya, iyon ay dahil ginagamit ang mga ito; kapaki-pakinabang ito sa pang-araw-araw na buhay. . . . Walang sinuman ang magpapakahirap na kopyahin ito nang wala namang layunin.”​—Deuteronomio 17:18; Kawikaan 25:1.

Ibig sabihin, ang mga unang aklat ng Bibliya ay ilang ulit na kinopya sa loob ng halos 1,500 taon hanggang noong unang siglo C.E. Nasasangkot sa prosesong ito ng tumpak na pagkopya ang “pagbago sa mga lumang anyo ng balarila at pagbaybay, isang prosesong karaniwan sa sinaunang Gitnang Silangan,” ang sabi ng aklat na On the Reliability of the Old Testament. * Kung gayon, may basehan ba ang pagkuwestiyon sa Bibliya ayon sa anyo at istilo ng pagkakasulat nito?

Kailan Isinulat ang Bibliya?

Makatuwiran bang igiit na yamang walang natagpuang mga manuskrito na isinulat noong panahon nina Moises, Josue, Samuel, at iba pa, ang mga aklat ng Bibliya ay hindi isinulat noong panahon nila? Sumasang-ayon ang maraming iskolar na hindi komo walang natagpuang sinaunang mga manuskrito ay nangangahulugan nang hindi umiral ang mga ito. Sa katunayan, maraming dokumento ang hindi naingatan dahil isinulat ang mga ito sa materyales na nasisira. Halimbawa, tinataya ng Ehiptologong si K. A. Kitchen na halos lahat ng mga papiro mula sa Ehipto na isinulat bago ang panahong Griego-Romano ay naglaho na.

Maaari ding tanungin ng mga gumagalang sa Bibliya ang kanilang sarili, ‘Ano ang pangmalas ni Jesus sa Bibliyang Hebreo?’ Hindi pinagtalunan noon kung kailan isinulat ang Bibliya. Gaya ng karamihan ng mga Judio, maliwanag na tinanggap ni Jesus ang kronolohiyang nasa Kasulatan. Tinanggap ba niya ang sinasabing sumulat ng mga unang aklat ng Bibliya?

Tinukoy ni Jesus ang mga akda ni Moises. Halimbawa, binanggit niya ang “aklat ni Moises.” (Marcos 12:26; Juan 5:46) Tinukoy niya ang mga ulat ng Genesis (Mateo 19:4, 5; 24:37-39); Exodo (Lucas 20:37); Levitico (Mateo 8:4); Mga Bilang (Mateo 12:5); at Deuteronomio (Mateo 18:16). Sinabi niya: “Kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat sa kautusan ni Moises at sa mga Propeta at Mga Awit tungkol sa akin.” (Lucas 24:44) Kung kinilala niya si Moises at ang iba pang manunulat ng Bibliya, tiyak na tinanggap din niya na tumpak ang kronolohiya ng Bibliyang Hebreo.

Kung gayon, kailan isinulat ang Bibliya? Mapananaligan ba ang talaorasan ng Bibliya? Tinalakay natin ang pagsusuri ng maraming iskolar pati na ang impormasyon mismo ng Bibliya, ang di-tuwirang mga ebidensiya sa kasaysayan, at ang pangmalas ni Jesus. Batay sa mga ito, sasang-ayon ka kaya sa sinabi ni Jesus sa panalangin niya sa kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova: “Ang iyong salita ay katotohanan”?​—Juan 17:17.

[Mga talababa]

^ par. 9 Para sa detalyadong pagtalakay sa kronolohiya ng Bibliya, tingnan ang aklat na Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 447-467, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 23 Tingnan ang artikulong “Ang Sinaunang mga Eskriba at ang Salita ng Diyos” sa Ang Bantayan, isyu ng Marso 15, 2007, pahina 18-20.

[Chart/Mga larawan sa pahina 20-23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

(Ipinakikita rito ang tinatayang mga taon kung kailan natapos isulat ang mga aklat ng Bibliya)

2000 B.C.E.

1800

[Larawan]

Sumusulat na ng mga akda ang mga Ehipsiyo bago pa ang panahon ni Moises

[Credit Line]

© DeA Picture Library/Art Resource, NY

1600

[Larawan]

Natapos isulat ni Moises ang Genesis noong 1513 B.C.E., sa materyales na nasisira

Genesis 1513 B.C.E.

Josue

1400

1200

Samuel

1000 B.C.E.

[Larawan]

Daan-daang tatak na luwad ang hindi nasira

Tinatayang mula pa noong 900 hanggang 500 B.C.E.

Jonas

800

Isaias

600

Jeremias

Daniel

[Larawan]

Dokumentong isinulat sa papiro na nakatupi at may panali at tatak na luwad

Tinatayang mula pa noong 449 B.C.E.

[Credit Line]

Brooklyn Museum, Bequest of Theodora Wilbour from the collection of her father, Charles Edwin Wilbour

400

200

[Larawan]

Ang Dead Sea Scrolls ay binalot ng lino at iningatan sa mga banga. Ito ang pinakamatandang mga akda ng Bibliya na natagpuan

Tinatayang mula pa noong 200 hanggang 100 B.C.E.

[Credit Line]

Shrine of the Book, Photo © The Israel Museum, Jerusalem