Paano Ilalarawan ang Matinding Kahirapan?
Paano Ilalarawan ang Matinding Kahirapan?
ISANG banta sa buhay ang matinding kahirapan. Nangangahulugan ito ng kawalan ng sapat na pagkain, tubig, gatong, tirahan, pangangalaga sa kalusugan, at edukasyon. Apektado nito ang isang bilyong tao, halos katumbas ng populasyon ng dalawang kontinente ng Amerika. Pero may mga tao sa ibang mga lugar na walang ideya kung ano ang nararanasan ng mga nasa matinding kahirapan. Tingnan natin ang kalagayan ng ilan sa kanila.
Si Mbarushimana ay nakatira sa Rwanda, Aprika, kasama ang kaniyang asawang babae at limang anak. Ang ikaanim na anak ay namatay dahil sa malarya. Sinabi niya: “Kailangang hatiin ng tatay ko ang kaniyang lupa sa anim na parte. Napakaliit ng napunta sa akin kaya lumipat kami ng aking pamilya sa bayan. Kaming mag-asawa ay kargador ng mga sako ng bato at buhangin. Ang aming bahay ay walang bintana. Sumasalok kami ng tubig sa isang balon sa istasyon ng pulis. Karaniwan nang isang beses lang kaming kumakain sa isang araw, pero kung walang trabaho, wala kaming pagkain. Kaya lumalabas na lang ako—hindi ko kasi matiis kapag naririnig kong humihingi ng pagkain ang mga anak ko.”
Sina Victor at Carmen ay mga sapatero. Nakatira sila sa isang liblib na bayan sa Bolivia kasama ang kanilang limang anak. Nangungupahan sila sa isang silid sa lumang gusaling yari sa adobe na may tumutulong bubong at walang kuryente. Siksikan sa paaralan ng kaniyang anak na babae kaya si Victor na ang gumawa ng desk para magamit nito. Ang mag-asawa ay kailangang maglakad nang 10 kilometro para lang mangahoy upang may magamit sa pagluluto at pagpapakulo ng maiinom na tubig. “Wala kaming palikuran,” ang sabi ni Carmen. “Kaya nagpupunta kami sa ilog, kung saan naliligo ang mga tao at nagtatapon ng basura. Madalas magkasakit ang mga bata.”
Sina Francisco at Ilídia ay nakatira sa liblib na lugar sa Mozambique. May lima silang maliliit na anak, pero ang isa ay namatay dahil sa malarya pagkatapos itong tanggihan sa ospital. Nagtatanim sila ng palay at kamote sa kanilang maliit na lupa para may makain sa loob ng tatlong buwan. Sinabi ni Francisco: “Kung minsan ay walang ulan o ninanakaw ang mga pananim, kaya namumutol ako ng kawayan at ibinebenta iyon para sa
konstruksiyon. Dalawang oras din kaming naglalakad na mag-asawa para mangahoy. Bawat isa sa amin ay may pasang bigkis ng kahoy. Ang isang bigkis ay para sa isang linggong pagluluto at ang isa naman ay para ipagbili.”Nadarama ng marami na may mali at hindi makatarungan sa isang daigdig kung saan 1 sa bawat 7 katao ay gaya nina Mbarushimana, Victor, at Francisco, samantalang bilyun-bilyong iba pa ang namumuhay nang sagana. Sinikap ng ilan na lutasin ang matinding kahirapan. Tatalakayin ng susunod na artikulo ang kanilang mga pagsisikap at pangarap.
[Larawan sa pahina 2, 3]
Si Carmen at ang dalawa niyang anak habang sumasalok ng tubig sa ilog