Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matuto Mula sa Salita ng Diyos

Ano ang Kaharian ng Diyos?

Ano ang Kaharian ng Diyos?

Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.

1. Ano ang Kaharian ng Diyos?

Ang Kaharian ng Diyos ay isang gobyerno sa langit. Ito ang papalit sa lahat ng gobyerno at isasakatuparan nito ang kalooban ng Diyos sa langit at sa lupa. Kaya ang Kaharian ng Diyos ang sagot sa pangangailangan nating magkaroon ng mahusay na gobyerno.​—Basahin ang Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10.

Ang kaharian ay dapat na may hari. Inatasan ni Jehova ang kaniyang Anak, si Jesus, na maging Hari ng Kaniyang Kaharian.​—Basahin ang Lucas 1:30-33.

2. Bakit si Jesus ang nararapat na maging Tagapamahala?

Ang Anak ng Diyos ang nararapat na maging Hari dahil siya’y mabait at naninindigan sa kung ano ang tama. Kayang-kaya niyang tulungan ang mga tao dahil sa kaniyang kapangyarihan. (Mateo 11:28-30) Matapos buhaying muli, si Jesus ay umakyat sa langit at naupo sa kanan ni Jehova para maghintay. (Hebreo 10:12, 13) Nang dakong huli, binigyan siya ng Diyos ng kapangyarihan para magsimula nang mamahala mula sa langit.​—Basahin ang Daniel 7:13, 14.

3. Sino ang mamamahalang kasama ni Jesus?

Isang grupong tinatawag na “mga banal” ang pinili ng Diyos para mamahalang kasama ni Jesus sa langit. (Daniel 7:27) Ang unang pinili bilang mga banal ay ang tapat na mga apostol ni Jesus. Hanggang ngayon, patuloy na pumipili si Jehova ng tapat na mga lalaki at babae bilang mga banal. Gaya ni Jesus, sila’y binuhay-muli bilang mga espiritu.​—Basahin ang Juan 14:1-3; 1 Corinto 15:42-45.

Ilan ang pupunta sa langit? Tinawag sila ni Jesus na “munting kawan.” (Lucas 12:32) Ang bilang nila ay 144,000, at mamamahala sila sa buong lupa kasama ni Jesus.​—Basahin ang Apocalipsis 5:9, 10; 14:1.

4. Kailan nagsimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos?

Si Jesus ay naging Hari noong 1914. * Di-nagtagal, inihagis niya sa lupa si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. (Apocalipsis 12:7-10, 12) Mula noon, tumindi na nang tumindi ang problema ng mga tao. Ang digmaan, lindol, taggutom, epidemya, at katampalasanan ay bahagi ng tanda na nasa mga huling araw na ang sistemang ito ng mga bagay. (2 Timoteo 3:1-5) Ang lahat ng gustong makinabang sa Kaharian ng Diyos ay dapat matuto kung paano sila magiging mga tagasunod ng Hari, si Jesus.​—Basahin ang Lucas 21:7, 10, 11, 31, 34, 35.

5. Ano na ang ginagawa ng Kaharian ng Diyos?

Sa pamamagitan ng pangangaral sa buong lupa, milyun-milyon na mula sa lahat ng bansa ang natutulungan ng Kaharian ng Diyos na matuto ng mga daan ni Jehova. (Mateo 24:14) Poproteksiyunan nito ang “isang malaking pulutong” ng tapat na mga sakop ni Jesus kapag pinuksa na nito ang masamang sistema ng mga bagay sa lupa.​—Basahin ang Apocalipsis 7:9, 10, 13-17.

Sa loob ng 1,000 taon, unti-unti nitong gagawing paraiso ang lupa. Bilang panghuli, ibabalik ni Jesus sa kaniyang Ama ang Kaharian. (1 Corinto 15:24-26) Kanino mo gustong sabihin ang tungkol sa Kaharian ng Diyos?​—Basahin ang Awit 37:10, 11, 29.

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 8 at 9 ng aklat na ito, Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Talababa]

^ par. 13 Para sa detalye kung paano natukoy ang taóng 1914 batay sa hula ng Bibliya, tingnan ang pahina 215-218 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.