Bakit Kaya Parang Walang Kabuluhan ang Buhay?
Bakit Kaya Parang Walang Kabuluhan ang Buhay?
BAKIT dapat kang maniwala na ang buhay ay hindi mananatiling isang “maikling yugto ng walang-kabuluhang pag-iral” na lumilipas na “tulad ng isang anino,” gaya ng paglalarawan ni Haring Solomon? (Eclesiastes 6:12, The New English Bible) Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya—isang maaasahang pinagmumulan ng impormasyon—ay nangangako na ang buhay sa hinaharap ay talagang magiging makabuluhan.—2 Timoteo 3:16, 17.
Sinasabi ng Bibliya ang orihinal na layunin ng Diyos para sa lupa. Ipinaliliwanag din nito kung bakit laganap ang kawalang-katarungan, pang-aapi, at pagdurusa. Bakit dapat nating maintindihan ang mga ito? Sapagkat ang pangunahing dahilan kung bakit iniisip ng tao na walang kabuluhan ang buhay ay dahil hindi nila alam o sadyang binabale-wala nila ang layunin ng Diyos para sa lupang ito at sa mga naninirahan dito.
Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa?
Ginawa ng Diyos na Jehova * ang lupa para maging napakagandang paraisong tahanan ng tao—isang lugar kung saan ang mga perpektong tao ay lubusang masisiyahan magpakailanman sa kanilang buhay. Ang katotohanang ito ay ibang-iba sa karaniwang paniniwala na hindi naman itinuturo ng Bibliya—na nilalang ng Diyos ang lupa para doon subukin ang mga tao kung karapat-dapat sila sa mas makabuluhang buhay sa daigdig ng mga espiritu.—Tingnan ang kahong “Kailangan ba Nating Lisanin ang Lupa Para Maging Makabuluhan ang Ating Buhay?” sa pahina 6.
Nilalang ng Diyos ang lalaki at babae ayon sa Kaniyang larawan. Binigyan Niya sila ng kakayahang tularan ang Kaniyang mga katangian. (Genesis 1:26, 27) Sila ay perpekto. Nasa kanila na ang lahat para maging masaya at makabuluhan ang kanilang buhay magpakailanman. Pupunuin nila ang lupa at susupilin ito at gagawing paraiso gaya ng hardin ng Eden.—Genesis 1:28-31; 2:8, 9.
Ano ang Naging Problema?
Maliwanag na nagkaroon ng problema. Hindi tinutularan ng halos lahat ng tao ang mga katangian ng Diyos. Hindi naging paraiso ang lupa. Ano ang nangyari? Inabuso ng ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ang kanilang kalayaang magpasiya. Hinangad nilang ‘maging tulad ng Diyos,’ anupat nagpasiya kung ano ang “mabuti at masama.” Sa paggawa nito, tinularan nila ang rebeldeng si Satanas na Diyablo.—Genesis 3:1-6.
Hindi nilayon ng Diyos na umiral ang kasamaan. Nagsimula lang ito nang magrebelde si Satanas—at pagkatapos, sina Adan at Eva—laban sa pamamahala ng Diyos. Bilang resulta, naiwala ng ating unang mga magulang ang Paraiso at ang pagiging perpekto. Nagdulot ito ng kasalanan at kamatayan hindi lang sa kanila kundi sa lahat ng kanilang inapo—ang buong pamilya ng tao. (Genesis 3:17-19; Roma 5:12) Ito ang dahilan kung bakit ganito ang kalagayan sa ngayon, kaya naman nagiging parang walang kabuluhan ang buhay.
Bakit Hindi Agad Inalis ang Kasamaan?
Iniisip ng ilan, ‘Bakit hindi agad inalis ng Diyos ang kasamaan? Bakit hindi niya agad pinuksa si Satanas at ang iba pang rebelde at nagsimula na lang ulit?’ Iyan nga kaya ang dapat na ginawa ng Diyos? Ano ang magiging reaksiyon mo kung mabalitaan mong pinapatay agad ng isang makapangyarihang gobyerno ang sinumang lumalaban sa awtoridad nito? Magugustuhan kaya ito ng makatuwirang mga tao? Ano kaya ang magiging tingin mo sa gobyernong iyon?
Pinili ng Diyos na huwag agad puksain ang mga rebelde. Hinayaan muna niyang lumipas ang panahon para masagot ang mga isyung bumangon sa Eden tungkol sa kaniyang pamamahala.
Aalisin ang Lahat ng Kasamaan
Ito ang dapat nating tandaan: Hinahayaan ng Diyos na umiral ang kasamaan sa isang limitadong panahon lang. Alam niya kasi na maaalis niya ang lahat ng masasamang epekto ng kasamaan kapag nasagot na ang mahahalagang isyu na ibinangon ng mga rebelde tungkol sa kaniyang pamamahala.
Hindi kinalilimutan ng Diyos ang layunin niya sa lupa at sa mga tao. Sa pamamagitan ni propeta Isaias, tiniyak ni Jehova na Siya ang Maylikha ng lupa, ang isa na ‘hindi lumalang nito na walang kabuluhan, na nag-anyo nito upang tahanan.’ (Isaias 45:18) Napakalapit na niyang ibalik ang lupa sa perpektong kalagayan nito ayon sa kaniyang orihinal na layunin. Kapag napatunayan nang tama ang kaniyang pamamahala, makatuwiran na niyang magagamit ang kaniyang kapangyarihan para isagawa ang kaniyang kalooban at lipulin ang lahat ng kasamaan. (Isaias 55:10, 11) Sa panalanging itinuro sa atin ni Jesu-Kristo, isinama niya ang pakiusap sa Diyos na isagawa na ito nang sabihin niya: “Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Ano ang kasangkot dito?
Ang Kalooban ng Diyos Para sa Lupa
Kalooban ng Diyos na ‘ang maaamo ang magmay-ari ng lupa.’ (Awit 37:9-11, 29; Kawikaan 2:21, 22) “Ililigtas [ni Jesu-Kristo] ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati.” Ililigtas niya sila “mula sa paniniil at mula sa karahasan.” (Awit 72:12-14) Mawawala na ang digmaan, kamatayan, luha, kirot, o pagdurusa. (Awit 46:9; Apocalipsis 21:1-4) Bubuhaying muli sa lupa ang mga namatay at bibigyan ng pagkakataong makinabang sa lahat ng pagpapala ng Diyos.—Juan 5:28, 29.
Sa katunayan, aalisin ni Jehova ang pinsalang dulot ng pagrerebelde ni Satanas. Lubusan niya itong aalisin anupat “ang mga dating kabagabagan [lahat ng bagay na nagdudulot ng pighati at kirot sa ngayon] ay malilimutan.” (Isaias 65:16-19) Tiyak na mangyayari ito. Hindi nagsisinungaling ang Diyos. Tinutupad niya ang lahat ng kaniyang pangako. Ang ating buhay ay hindi na magiging “walang kabuluhan at paghahabol sa hangin.”—Eclesiastes 2:17.
Pero kumusta sa ngayon? Magiging makabuluhan ba ang iyong buhay kung malalaman mo ang itinuturo ng Bibliya at mauunawaan ang layunin ng Diyos para sa lupa? Sasagutin iyan ng huling artikulo ng seryeng ito.
[Talababa]
^ par. 5 Sa Bibliya, Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.
[Kahon sa pahina 6]
Kailangan ba Nating Lisanin ang Lupa Para Maging Makabuluhan ang Ating Buhay?
Napakatagal nang itinuturo ng mga taong walang alam sa layunin ng Diyos para sa lupa na kailangan nating lisanin ang lupa para maging makabuluhan ang ating buhay.
Sinasabi ng ilan na ang kaluluwa ay “nasa mas mataas na kalagayan ng pag-iral bago pumasok sa katawan ng tao.” (New Dictionary of Theology) Sinasabi naman ng iba na ang kaluluwa ay “ikinukulong sa loob ng katawan bilang parusa sa mga kasalanang ginawa nito nang ito’y nasa langit.”—Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature.
Itinuro ng mga pilosopong Griego na sina Socrates at Plato ang ideyang ito: Kapag nakatakas na ang kaluluwa sa mga limitasyon ng pisikal na katawan ng tao, saka lang ito “makalalaya sa pagpapagala-gala at kahibangan at takot, sa kung anu-anong pagnanasa at lahat ng iba pang problemang nagpapahirap sa tao” at mananahanang “kasama ng mga diyos magpakailan-kailanman.”—Plato’s Phaedo, 81, A.
Nang maglaon, isinama ng tinatawag na Kristiyanong mga lider sa kanilang mga turo ang “mga palagay [ng mga pilosopong Griego] tungkol sa likas na pagiging imortal ng kaluluwa.”—Christianity—A Global History.
Ikumpara ang mga ideyang ito sa mga katotohanang nasa Bibliya:
1. Layunin ng Diyos na ang lupa ay maging permanenteng tahanan ng tao, at hindi isang lugar para subukin ang mga tao kung karapat-dapat silang mabuhay sa langit kasama niya. Kung sinunod lang nina Adan at Eva ang mga utos ng Diyos, buháy pa sana sila sa paraisong lupa.—Genesis 1:27, 28; Awit 115:16.
2. Bagaman itinuturo ng maraming relihiyon na ang tao ay may kaluluwa—di-pisikal na elemento sa loob ng katawan ng tao—mas simple naman ang itinuturo ng Bibliya. Ang tao ay “isang kaluluwang buháy” na inanyuan mula sa “alabok ng lupa.” (Genesis 2:7) Hindi kailanman inilarawan ng Bibliya ang kaluluwang ito bilang imortal. Sinasabi nito na ang kaluluwa ay puwedeng patayin o puksain, anupat lubusan nang titigil sa pag-iral. (Awit 146:4; Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4, 20) Ang unang taong si Adan ay namatay at bumalik sa alabok kung saan siya nagmula. Siya ay bumalik sa hindi pag-iral.—Genesis 2:17; 3:19.
3. Ang pag-asa ng tao sa hinaharap ay nakadepende, hindi sa pagkakaroon ng imortal na kaluluwang humihiwalay at nagtutungo sa dako ng mga espiritu, kundi sa pangako ng Diyos na pagkabuhay-muli ng mga patay sa isang paraisong lupa.—Daniel 12:13; Juan 11:24-26; Gawa 24:15.