Ano ang Dapat Matutuhan ng mga Bata?
Ano ang Dapat Matutuhan ng mga Bata?
“Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.”—2 TIMOTEO 3:16.
KAILANGANG ituro sa mga bata ang katotohanan tungkol sa Diyos. Saan nila ito matututuhan? Mula sa pinakarespetadong aklat sa daigdig, ang Bibliya.
Ito ay parang isang liham mula sa Diyos. Sa liham na iyan, isiniwalat ng Diyos ang kaniyang personalidad at naglaan siya ng patnubay para sa lahat ng kaniyang anak, bata man o matanda. Pansinin ang ilan sa mga turo sa Bibliya at ang mga aral na puwedeng matutuhan dito kahit ng mga bata.
Ano ang gusto ng Diyos na malaman natin tungkol sa kaniya?
▪ Ang itinuturo ng Bibliya: “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”—Awit 83:18.
Aral: Ang Diyos ay hindi lang basta isang puwersa, kundi isang tunay na Persona na may pangalan.
▪ Ang itinuturo ng Bibliya: “Ang lahat ng puso ay sinasaliksik ni Jehova, at ang bawat hilig ng mga kaisipan ay kaniyang natatalos. Kung hahanapin mo siya, hahayaan niyang masumpungan mo siya.”—1 Cronica 28:9.
Aral: Ang Diyos na Jehova ay nagmamalasakit sa ating lahat, pati na sa maliliit na bata. (Awit 10:14; 146:9) Gusto niyang matuto tayo tungkol sa kaniya.
▪ Ang itinuturo ng Bibliya: “Huwag ninyong pipighatiin ang sinumang . . . batang lalaking walang ama. Kung pipighatiin mo siya, kapag dumaing nga siya sa akin ay walang pagsalang diringgin ko ang kaniyang daing.”—Exodo 22:22-24.
Aral: Pinakikinggan ni Jehova ang mga panalangin maging ng maliliit na bata. Puwede tayong laging makipag-usap sa Diyos at sabihin sa kaniya ang ating niloloob at nadarama.
▪ Ang itinuturo ng Bibliya: “Paulit-ulit nilang inilalagay ang Diyos sa pagsubok, at pinasakitan nila maging ang Banal ng Israel.”—Awit 78:41.
Aral: Nakaaapekto sa damdamin ni Jehova ang ating sinasabi at ginagawa, kaya dapat muna tayong mag-isip bago magsalita at kumilos.
Paano natin dapat pakitunguhan ang iba?
▪ Ang itinuturo ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
Aral: Kung tinatanggap ng Diyos ang lahat ng uri ng tao, dapat na tanggapin din natin ang iba anuman ang kanilang kulay o hitsura.
▪ Ang itinuturo ng Bibliya: “[Maging] laging handang gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.”—1 Pedro 3:15.
Aral: Dapat nating ipaliwanag nang may paninindigan ang ating mga relihiyosong paniniwala pero sa mabait na paraan. Dapat din nating igalang ang mga taong iba ang paniniwala.
Paano natin dapat pakitunguhan ang ating mga kapamilya?
▪ Ang itinuturo ng Bibliya: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay, sapagkat ito ay lubhang kalugud-lugod sa Panginoon.”—Colosas 3:20.
Aral: Kapag masunurin ang mga anak, pinatutunayan nilang mahal nila ang kanilang mga magulang at gusto rin nilang mapaluguran ang Diyos.
▪ Ang itinuturo ng Bibliya: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.”—Colosas 3:13.
Aral: Kung minsan, nagkakasala sa atin ang ibang tao, pati na ang ating kapamilya. Pero kung gusto nating patawarin tayo ng Diyos, dapat din tayong matutong magpatawad sa iba.—Mateo 6:14, 15.
Bakit dapat na maging tapat at mabait?
▪ Ang itinuturo ng Bibliya: ‘Alisin ninyo ang kabulaanan at magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa.’—Efeso 4:25.
Aral: Kapag nagsasabi tayo ng totoo, tinutularan natin ang Diyos at pinasasaya natin siya. Kung nakagawian na nating magsinungaling, magiging katulad tayo ng kaaway ng Diyos, ang Diyablo, na “ama ng kasinungalingan.”—Juan 8:44; Tito 1:2.
▪ Ang itinuturo ng Bibliya: “Pakitunguhan ang iba na gaya ng pakikitungong nais mong gawin nila sa iyo.”—Mateo 7:12, Revised English Bible.
Aral: Dapat tayong maging makonsiderasyon sa damdamin, iniisip, at pangangailangan ng ating mga kapamilya at ng iba. Kapag marunong tayong ‘makipagkapuwa-tao,’ malamang na maging mabait din sa atin ang iba.—1 Pedro 3:8; Lucas 6:38.
Gaya ng makikita sa mga halimbawa, ang mga aral sa Bibliya ay makatutulong sa mga bata na maging magalang at makonsiderasyon paglaki nila. Pero sino kaya ang dapat magturo ng mga ito sa kanila?