Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Bakit pugo ang piniling ipakain ng Diyos sa mga Israelita sa ilang?
▪ Matapos mapalaya ang mga Israelita mula sa Ehipto, dalawang beses silang pinaglaanan ng Diyos ng napakaraming pugo bilang pagkain.—Exodo 16:13; Bilang 11:31.
Ang mga pugo ay maliliit na ibon, na mga 7 pulgada ang haba at tumitimbang nang mga 100 gramo. Nagpaparami ang mga ito sa mga lupain ng kanlurang Asia at Europa. Kapag taglamig, nandarayuhan ang mga ito sa Hilagang Aprika at Arabia. Sa kanilang pandarayuhan, binabagtas ng mga ito ang silanganing baybayin ng Dagat Mediteraneo at ang Peninsula ng Sinai.
Ayon sa The New Westminster Dictionary of the Bible, ang mga pugo ay “mabilis at mahusay lumipad, at sinasabayan nila ang direksiyon ng hangin; pero kapag nagbago ang direksiyon ng hangin, o napagod ang mga ibon sa matagal na paglipad, malamang na bumagsak sa lupa ang napakaraming ibong ito, anupat hinang-hina.” Bago sila magpatuloy sa pandarayuhan, kailangan muna nilang mamahinga sa lupa nang mga isa o dalawang araw. Kaya naman, madali silang mahuli ng mga mangangaso. Noong pasimula ng ika-20 siglo, nagluluwas ang Ehipto ng mga tatlong milyong pugo taun-taon bilang pagkain.
Parehong tagsibol nang pakainin ng Diyos ng pugo ang mga Israelita. Bagaman regular na binabagtas ng mga pugo ang Sinai kapag tagsibol, si Jehova ang nagpangyari na “isang hangin ang bumugso” para maitaboy ang mga ito patungo sa kampo ng mga Israelita.—Bilang 11:31.
Ano ang “kapistahan ng pag-aalay” na binanggit sa Juan 10:22?
▪ Tatlong pangkapanahunang kapistahan ang iniutos ng Diyos na ipagdiwang ng mga Judio—Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa (pasimula ng tagsibol), Kapistahan ng Pentecostes (pagtatapos ng tagsibol), at Kapistahan ng Pagtitipon ng Ani (taglagas). Pero ang kapistahang binanggit sa Juan 10:22 ay idinaos sa panahon ng “taglamig” at ito’y bilang pag-alaala sa muling pag-aalay ng templo ni Jehova noong 165 B.C.E. Ginanap ito sa loob ng walong araw, pasimula sa ika-25 araw ng buwan ng Kislev, malapit sa winter solstice. Paano ito nagsimula?
Determinado ang Siryanong tagapamahalang Seleucido na si Antiochus IV (Epiphanes) na burahin ang pagsamba at kostumbre ng mga Judio. Kaya noong 168 B.C.E., nagtayo siya ng paganong altar sa ibabaw ng altar ng templo ni Jehova sa Jerusalem. Naghandog siya roon ng mga hain sa Griegong diyos na si Zeus.
Dahil dito, nag-alsa ang mga Macabeo. Binawi ng Judiong lider na si Judas Maccabaeus ang Jerusalem mula sa mga Seleucido. Winasak niya ang dinungisang altar at saka nagtayo ng panibago. Eksaktong tatlong taon mula nang unang lapastanganin ang altar, muling inialay ni Judas ang nilinis na templo ni Jehova. Mula noon, ang “kapistahan ng pag-aalay” (sa Hebreo, chanuk·kahʹ) ay ipinagdiriwang na ng mga Judio tuwing Disyembre. Sa ngayon, tinatawag ang kapistahang ito na Hanukkah.
[Larawan sa pahina 14]
Larawan ni Judas Maccabaeus, Lyon, 1553
[Picture Credit Line sa pahina 14]
Mula sa aklat na Wood’s Bible Animals. 1876