Paano Mananatiling Malapít ang Ama sa Kaniyang Anak na Lalaki?
Paano Mananatiling Malapít ang Ama sa Kaniyang Anak na Lalaki?
“DADDY, ba’t po ang dami-dami n’yong alam?” Nasabi na ba iyan sa iyo ng anak mong lalaki? Malamang na natuwa ka. Pero tiyak na mas mag-uumapaw ang puso mo sa kagalakan kapag sinunod ng anak mo ang iyong matalinong payo at napabuti siya dahil dito. *—Kawikaan 23:15, 24.
Pero sa paglipas ng mga taon, ganoon pa rin ba ang paghanga sa iyo ng anak mo? O unti-unti na itong nawawala? Paano ka mananatiling malapít sa iyong anak na lalaki hanggang sa paglaki niya? Talakayin muna natin ang ilang hamong napapaharap sa mga ama.
Tatlong Karaniwang Hamon
1. WALANG PANAHON: Sa maraming bansa, ang mga ama ang bumubuhay sa pamilya. Kaya madalas ay wala sila sa bahay dahil sa trabaho. Sa ilang lugar, halos walang panahon ang mga ama sa kanilang mga anak. Halimbawa, sa isang kamakailang surbey sa Pransiya, natuklasan na halos wala pang 12 minuto sa isang araw ang ginugugol ng mga ama sa pag-aalaga sa kanilang mga anak.
PAG-ISIPAN: Gaano karaming panahon ang ginugugol mo sa iyong anak na lalaki? Sa susunod na isa o dalawang linggo, bakit hindi mo itala kung ilang oras mong nakasama ang iyong anak sa araw-araw? Baka magulat ka sa resulta.
2. WALANG MABUTING HALIMBAWA: May ilang lalaki na hindi masyadong nákasáma ang kanilang ama. “Bihira kaming magkasáma ng tatay ko,” ang sabi ni Jean-Marie na taga-Pransiya. Ano ang naging epekto nito kay Jean-Marie? “Lumikha ito ng mga problemang hindi ko inaasahan,” ang sabi niya. “Halimbawa, nahihirapan akong magkaroon kami ng aking mga anak na lalaki ng makabuluhang pag-uusap.” Sa ibang mga kaso, bagaman kilalang-kilala ng mga anak ang kanilang ama, hindi naman maganda ang ugnayan nila. Sinabi ni Philippe, 43 anyos: “Hiráp si Tatay na magpakita ng pagmamahal sa akin. Kaya nahihirapan din akong magpakita ng pagmamahal sa anak kong lalaki.”
PAG-ISIPAN: Sa tingin mo, nakaaapekto ba sa pakikitungo mo ngayon sa iyong anak ang pakikitungo sa iyo ng iyong ama? Napapansin mo bang nagagaya mo ang magaganda o mga pangit na ugali ng iyong ama? Paano?
3. WALANG TIMBANG NA PAYO: Sa ilang kultura, itinuturing na walang gaanong papel ang ama sa pagpapalaki ng mga anak. “Sa lugar namin,” ang sabi ni Luca na lumaki sa Kanlurang Europa, “iniisip ng mga tao na ang pag-aalaga
sa mga anak ay trabaho ng asawang babae.” Sa ibang kultura naman, pagdidisiplina lang ang papel ng mga ama. Halimbawa, sinabi ni George na lumaki sa isang bansa sa Aprika: “Sa kultura namin, hindi nakikipaglaro ang mga ama sa kanilang anak dahil baka mawala ang paggalang ng mga ito sa kanila. Kaya hindi tuloy kami makapag-enjoy na mag-ama.”PAG-ISIPAN: Sa inyong lugar, ano ang inaasahang papel ng mga ama? Itinuro ba sa kanila na trabaho lang ng mga babae ang pag-aalaga sa anak? Inaasahan bang magpapakita ng pagmamahal ang mga ama sa kanilang mga anak na lalaki, o itinuturing itong hindi katanggap-tanggap?
Kung ganiyan din ang mga hamong napapaharap sa iyo, paano mo ito mapagtatagumpayan? Tingnan ang ilang mungkahi.
Magsimula Habang Bata Pa ang Iyong Anak
Likas sa mga anak na lalaki na tularan ang kanilang ama. Kaya habang bata pa sila, samantalahin ito. Paano? At sa anong mga pagkakataon mo ito magagawa?
Hangga’t posible, isali ang iyong anak sa mga gawain mo sa araw-araw. Halimbawa, bigyan mo siya ng maliit na walis kapag may nililinis ka o maliit na pala kapag may hinuhukay ka. Tiyak na matutuwa siyang gumawang kasama ng taong hinahangaan niya, ang kaniyang tatay! Baka hindi mo agad matapos ang iyong ginagawa, pero mapatitibay mo ang ugnayan ninyong mag-ama at matuturuan mo pa siyang magkaroon ng magandang saloobin sa pagtatrabaho. Matagal na panahon na ang nakalipas, hinimok ng Bibliya ang mga ama na isali ang kanilang mga anak sa kanilang pang-araw-araw na gawain at gamitin ang mga pagkakataong ito para kausapin sila at turuan. (Deuteronomio 6:6-9) Makatutulong pa rin ang payong ito sa ngayon.
Bukod sa paggawang kasama ng iyong anak, makipaglaro din sa kaniya. Ang paglalaro ay hindi lang basta isang pagkakataon para magsaya. Ipinakikita ng pagsasaliksik na kapag nakikipaglaro ang mga ama sa kanilang anak, natuturuan nila ito na maging malakas ang loob at matapang.
May mas mahalaga pang naitutulong ang paglalaro. “Sa paglalaro,” ang sabi ng mananaliksik na si Michel Fize, “mas nakakausap ng anak ang kaniyang ama.” Habang naglalaro, naipahahayag ng ama ang pagmamahal niya sa kaniyang anak sa salita at sa gawa. Sa paggawa nito, natuturuan niya ang kaniyang anak na magpahayag din ng pagmamahal. “Noong bata pa ang anak ko,” ang sabi ni André na taga-Alemanya, “madalas kaming maglaro. Niyayakap ko siya, kaya natutuhan din niyang magpadama ng pagmamahal sa akin.”
Ang panahon ng pagtulog ay isa ring pagkakataon para mapatibay ang ugnayan ninyong mag-ama. Lagi mong basahan ng kuwento ang iyong anak, at pakinggan siya habang sinasabi ang mga nangyari sa kaniya sa maghapon. Kung gagawin mo ito, magiging mas madali sa kaniya na makipag-usap sa iyo habang lumalaki siya.
Magkaroon ng Magkatulad na Interes
May ilang tin-edyer na lalaki na parang hindi interesado sa pagsisikap ng ama nila na makipag-usap sa kanila. Kung sa tingin mo ay iniiwasan ng iyong anak ang mga tanong mo, huwag mong isipin na ayaw niyang makipag-usap sa iyo. Baka mas makipag-usap siya sa iyo kung babaguhin mo ang iyong paraan.
Si Jacques na taga-Pransiya ay nahihirapan kung minsan na makipag-usap sa kaniyang anak na si Jérôme. Pero sa halip na pilitin ang kaniyang anak na magsalita, binago niya ang kaniyang paraan—nakipaglaro siya ng soccer kay Jérôme. “Pagkatapos maglaro,” ang sabi ni Jacques, “nauupo kami sa damuhan para magpahinga. Madalas ay nagkukuwento siya. Dahil kami lang dalawa ang magkasama, naging mas malapít kami sa isa’t isa.”
Paano kung hindi mahilig sa isport ang iyong anak? Naalaala ni André na magkasama nilang pinagmamasdan ng kaniyang anak ang mga bituin. “Sa malamig na gabi, nauupo kami sa labas,” ang sabi ni André. “Nakakumot kami habang umiinom ng tsa at nakatingin sa langit. Pinag-uusapan namin ang tungkol sa Isa na Isaias 40:25, 26.
lumalang sa mga bituin. Pinag-uusapan din namin ang personal na mga bagay at marami pang iba.”—Paano kung hindi mo gusto ang mga hilig ng iyong anak? Baka kailangan mong isaisantabi ang mga bagay na gusto mo. (Filipos 2:4) “Mas mahilig ako sa isport kaysa sa anak kong si Vaughan,” ang sabi ni Ian na taga-Timog Aprika. “Mahilig siya sa mga eroplano at computer. Kaya sinikap kong magustuhan din ang mga ito. Nanonood kami ng mga air show at naglalaro ng flight simulator sa computer. Dahil magkasama kami sa kasiya-siyang mga gawain, madali nang nasasabi sa akin ni Vaughan ang gusto niyang sabihin.”
Tulungan Siyang Magtiwala sa Sarili
“Daddy, tingnan n’yo po!” Ganiyan din ba ang sinasabi ng iyong anak kapag may bago siyang natututuhan? Ngayong tin-edyer na siya, gusto pa rin ba niyang pinupuri o sinasang-ayunan mo siya? Baka hindi na. Pero tiyak na kailangan niya ito para lumaki siyang maygulang.
Pansinin ang halimbawa mismo ng Diyos na Jehova sa pakikitungo sa isa sa kaniyang mga anak. Bago magsimula ang isang mahalagang yugto ng buhay ni Jesus sa lupa, inihayag ng Diyos sa madla ang pagmamahal niya kay Jesus: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:17; 5:48) Oo, obligasyon mong disiplinahin at turuan ang iyong anak. (Efeso 6:4) Pero humahanap ka rin ba ng mga pagkakataon para purihin ang magagandang sinasabi at ginagawa ng iyong anak?
May ilang lalaki na nahihirapang magpahayag ng pagsang-ayon at pagmamahal. Baka lumaki sila sa pamilyang mas pinapansin ang mga pagkakamali kaysa sa magagandang nagagawa nila. Kung ganiyan ang iyong kalagayan, kailangan mong pagsikapang mabuti na tulungan ang iyong anak na magkaroon ng tiwala sa sarili. Paano? Laging katulong ni Luca ang kaniyang 15-anyos na anak na si Manuel sa mga gawaing-bahay. “Kung minsan,” ang sabi ni Luca, “sinasabi ko kay Manuel na simulan na niyang mag-isa ang gawain at tutulungan ko na lang siya kapag kailangan niya ako. Kadalasan, nagagawa na niya itong mag-isa. Dahil dito, nakadarama siya ng kasiyahan at pagtitiwala sa sarili. Kapag natatapos niya ang gawain, pinupuri ko siya. Kapag hindi naman siya kontento sa kinalabasan ng ginawa niya, sinasabi ko pa rin sa kaniya na pinahahalagahan ko ang pagsisikap niya.”
Mapatitibay mo rin ang iyong anak na magkaroon ng kumpiyansa sa sarili kung tutulungan mo siyang umabót ng malalaking tunguhin sa buhay. Paano kung nababagalan ka sa pag-abót ng iyong anak sa mga tunguhin? O paano kung ang mga tunguhin niya, bagaman hindi naman masama, ay iba sa gusto mo para sa kaniya? Sa ganitong kaso, baka kailangan mong pag-isipang muli ang iyong mga inaasahan. Sinabi ni Jacques: “Tinutulungan ko ang aking anak na magtakda ng mga tunguhing madaling abutin. Pero tinitiyak ko ring ang mga iyon ay sa kaniya, hindi sa akin. Saka ko pinaaalalahanan ang aking sarili na hayaan siyang abutin ang kaniyang mga tunguhin nang hindi siya inaapura.” Kapag pinakikinggan mo ang opinyon ng iyong anak, pinapupurihan ang kaniyang magagandang nagagawa, at pinasisigla siyang pagtagumpayan ang kaniyang mga pagkakamali, matutulungan mo siyang maabot ang kaniyang mga tunguhin.
Ang totoo, posible pa ring magkaproblema kayong mag-ama. Gayunman, malamang na gugustuhin pa rin ng iyong anak na manatiling malapít sa iyo. Sino nga ba ang hindi gustong manatiling malapít sa isang taong tumutulong sa kaniya para magtagumpay?
[Talababa]
^ par. 2 Bagaman ang artikulong ito ay nakapokus sa ugnayan ng ama at ng anak na lalaki, kapit din ang mga simulaing tinatalakay rito sa ugnayan ng ama at ng anak na babae.