Ang Banal na Pangalan at ang Misyon ni Alfonso de Zamora na Magkaroon ng Tumpak na mga Teksto
Ang Banal na Pangalan at ang Misyon ni Alfonso de Zamora na Magkaroon ng Tumpak na mga Teksto
NOONG 1492, naglabas ng utos sina Ferdinand at Isabella, ang hari at reyna ng Espanya: “Iniuutos namin sa lahat ng Judio . . . na sa katapusan ng Hulyo ng taóng ito, dapat na silang umalis sa lahat ng aming teritoryo at nasasakupan kasama ang kanilang mga anak na lalaki at babae, aliping lalaki at babae, at lahat ng miyembro ng kanilang sambahayan, mayaman man o mahirap, anuman ang edad, at huwag na huwag na silang babalik pa.”
Ayon din sa utos na iyon, ang bawat pamilyang Judio sa Espanya ay makapipili—ipatapon sila o itatwa nila ang kanilang relihiyon. Baka naisip ng isang rabbi, si Juan de Zamora, na mas mabuting magpakumberte na lang sa Katolisismo at manatili sa Espanya, na naging tahanan na ng kaniyang mga ninuno. Dahil isang Judio, posibleng pinag-aral ni Juan ang kaniyang anak na si Alfonso sa kilaláng paaralan sa pag-aaral ng wikang Hebreo sa lunsod ng Zamora. Nang maglaon, pinag-aralang mabuti ni Alfonso ang mga wikang Latin, Griego, at Aramaiko. Pagkatapos ng kaniyang mga pag-aaral, nagturo siya ng wikang Hebreo sa University of Salamanca. Mula noon, ang kaniyang pagiging eksperto sa mga wika ay napakinabangan ng mga iskolar ng Bibliya sa buong Europa.
Noong 1512, inihalal si Alfonso de Zamora sa bagong-tatag na University of Alcalá de Henares para pamunuan ang pag-aaral ng wikang Hebreo. Yamang isa si Zamora sa mga nangungunang iskolar noong panahon niya, hiningi ng tagapagtatag ng unibersidad na si Jiménez Cardinal de Cisneros ang tulong niya sa paghahanda ng napakahalagang Complutensian Polyglot. Nilalaman ng anim-na-tomong Bibliyang ito ang sagradong teksto sa wikang Hebreo, Griego, Latin, at ilang bahagi sa Aramaiko. *
Hinggil sa proyektong ito, sinabi ng iskolar ng Bibliya na si Mariano Revilla Rico: “Sa tatlong nakumberteng Judio na tumulong kay Cardinal [Cisneros], ang pinakatanyag ay si Alfonso de Zamora, isang gramaryan, pilosopo, at eksperto sa Talmud, bukod pa sa pagiging iskolar ng wikang Latin, Griego, Hebreo at Aramaiko.” Sa kaniyang mga pag-aaral, natanto ni Zamora na para magkaroon ng tumpak na salin ng Bibliya, kailangan ang sapat na kaalaman sa orihinal na sinaunang mga wika nito. Sa katunayan, isa siya sa mga nanguna sa pagpapasigla ng akademikong pag-aaral sa Bibliya na nagsimula noong ika-16 na siglo.
Pero hindi ito naging madali para kay Zamora. Noong panahong iyon, kainitan ng Inkisisyong Kastila at itinuturing ng Simbahang Katoliko ang saling Latin na Vulgate bilang ang tanging “awtorisadong” bersiyon ng Bibliya. Pero noong Edad Medya, napansin na ng mga Katolikong iskolar na maraming dapat iwasto sa tekstong Latin ng Vulgate. Pagtuntong ng ika-16 na siglo, pinasimulan ni Alfonso de Zamora at ng iba pa ang isang atas para maiwasan ang gayong mga pagkakamali.
‘Kailangan ang Pagsasalin Para sa Kaligtasan’
Sa mga proyekto ni Zamora, ang pinakamahalaga ay ang edisyong Hebreo ng “Lumang Tipan,” na may kasamang salin nito sa Latin. Malamang na layunin niyang magamit ito nang husto para sa Complutensian Polyglot. Ang isa sa kaniyang mga manuskrito ay nasa aklatan ng El Escorial na malapit sa Madrid, Espanya. May katalogo itong G-I-4 at naglalaman ng kumpletong aklat ng Genesis sa wikang Hebreo at salita-por-salitang salin nito sa Latin.
Ganito ang mababasa sa paunang salita: “Para sa kaligtasan ng mga bansa, kailangang isalin ang Banal na Kasulatan sa ibang mga wika. . . . Iniisip namin na kailangang-kailangan ng mga tapat na magkaroon ng salita-por-salitang salin ng Bibliya, anupat ang bawat salitang Hebreo ay may katumbas na isang salita sa Latin.” Kuwalipikado si Alfonso de Zamora para gawin ang gayong bagong salin sa Latin dahil isa siyang kilaláng iskolar ng wikang Hebreo.
‘Hindi Makasumpong ng Pahingahang Dako ang Aking Espiritu’
Sa isang banda, ang Espanya noong ika-16 na siglo ay angkop na lugar para sa gawain ng mga iskolar na gaya ni Zamora. Noong Edad Medya, ang Espanya ay naging sentro ng kulturang Judio. Ipinaliliwanag ng The Encyclopædia Britannica: “Dahil sa dami ng mga Muslim at Judio, ang Espanya lang noong Edad Medya ang bansa sa kanlurang Europa na may iba’t ibang lahi at relihiyon, at dahil dito, sumulong nang husto noong huling bahagi ng Edad Medya ang sibilisasyong Kastila pagdating sa relihiyon, literatura, sining, at arkitektura.”
Yamang maraming Judio sa Espanya, dumami rin ang mga manuskrito ng Bibliyang Hebreo. Sinikap ng mga eskribang Judio sa iba’t ibang bahagi ng Espanya na kopyahin ang mga manuskritong iyon para sa pangmadlang pagbabasa ng Kasulatan sa mga sinagoga. Sinabi ni L. Goldschmidt sa kaniyang aklat na The Earliest Editions of the Hebrew Bible na “para sa mga Iskolar na Judio, hindi lang ang mga inimprentang Pentateuch sa wikang Kastila-Portuges ang may mataas na reputasyon sa pagiging tumpak, kundi pati ang mga manuskritong pinagkunan ng mga ito at ng iba pang polyglot.”
Bagaman may mga bentaha ang pagsasalin sa Espanya, may nagbabanta ring pagsalansang sa mga gustong magsalin ng Bibliya. Noong 1492, nalupig ng Katolikong mga hukbo nina Haring Ferdinand at Reyna Isabella ang huling lugar sa Espanya na hawak ng mga Moro. Gaya ng nabanggit na, iniutos ng mga monarkang ito noong taon ding iyon na paalisin sa Espanya ang lahat ng nanghahawakan sa relihiyong Judio. Isang katulad na utos ang nagpalayas sa mga Muslim sampung taon pagkatapos nito. Mula noon, ang Katolisismo ang naging relihiyon ng Estado ng Espanya, at ipinagbawal ang ibang relihiyon.
Ano kaya ang magiging epekto nito sa pagsasalin ng Bibliya? Isang halimbawa rito ang nangyari kay Alfonso de Zamora. Bagaman ang Judiong iskolar na ito ay nakumberte na sa Katolisismo, hindi pa rin pinalagpas ng pamunuan ng simbahan sa Espanya ang kaniyang pinagmulan. Tinuligsa ng ilang mananalansang si Cardinal Cisneros sa paggamit ng mga nakumberteng Judio sa paghahanda ng kaniyang Polyglot Bible. Ang mga pag-atakeng ito ang nagpahirap nang husto kay Zamora. Sa isang komento sa manuskrito na makikita sa University of Madrid, inihayag ni Zamora ang kaniyang hinagpis: “Ako, . . . inabandona at kinamuhian ng lahat ng aking kaibigan—na naging aking mga kaaway—ay hindi makasumpong ng
pahingahang dako para sa aking espiritu o mga talampakan.”Ang isa sa kaniyang pangunahing kaaway ay si Juan Tavera, ang arsobispo ng Toledo na naging punong inkisidor nang maglaon. Talagang nasiraan ng loob si Zamora sa mga pag-atake ni Tavera, anupat umapela siya sa papa. Ganito ang bahagi ng kaniyang liham: “Nagsusumamo kami at nagmamakaawa sa Inyong Kabanalan na tulungan kami . . . at ingatan mula sa aming kaaway na si Don Juan Tavera, ang obispo ng Toledo. Araw-araw, walang humpay siyang nagdudulot sa amin ng napakaraming kapighatian. . . . Nanggigipuspos kami dahil sa kaniyang paningin, para kaming mga hayop na kakatayin. . . . Kung pakikinggan ng Inyong Kabanalan ang petisyong ito, ‘Si Yahweh ang inyong magiging katiwasayan at iingatan niya ang inyong paa sa pagkabihag.’ (Kaw. 3:23)” *
Ang Pamana ni Alfonso de Zamora
Sa kabila ng mga pag-atake, nagpatuloy ang proyekto ni Zamora sa kapakinabangan ng maraming estudyante ng Bibliya. Bagaman hindi niya isinalin ang Kasulatan sa mga lokal na wika noong panahon niya, napakalaki naman ng naitulong niya sa ibang mga tagapagsalin. Para maintindihan kung ano ang naitulong niya, dapat nating tandaan na ang pagsasalin ng Bibliya ay nakadepende sa dalawang uri ng iskolar. Una, dapat na may mga iskolar na mag-aaral ng mga kopya ng sagradong teksto na nasa mga orihinal na wika—Hebreo, Aramaiko, at Griego—para makagawa ng malinaw at tumpak na teksto sa mga wikang iyan. Pagkatapos, magagamit na ito ng tagapagsalin para magsimula sa kaniyang pagsasalin sa lokal na wika.
Si Alfonso de Zamora ang iskolar na nanguna sa paghahanda ng malinaw na tekstong Hebreo na inilathala sa Complutensian Polyglot noong 1522. (Nakatulong din sa mga tagapagsalin ang kaniyang bokabularyong Hebreo-Latin at balarilang Hebreo.) Ganiyan din ang ginawa ni Erasmus, kakontemporaryo ni Zamora, sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na karaniwang tinatawag na Bagong Tipan. Kapag mayroon nang tumpak na mga teksto sa wikang Hebreo at Griego, masisimulan na ng ibang tagapagsalin ang napakahalagang gawain ng pagsasalin ng Bibliya sa wika ng karaniwang mga tao. Nang isalin ni William Tyndale ang Bibliya sa wikang Ingles, isa siya sa mga unang tagapagsalin na gumamit ng tekstong Hebreo ng Complutensian Polyglot.
Ang malawak na pamamahagi ng Bibliya sa ngayon ay utang natin sa mga pagsisikap ng mga taong gaya ni Zamora, na nag-alay ng kanilang buhay para mapasulong ang ating kaalaman sa Kasulatan. Gaya ng natanto ni Zamora, ang kaligtasan ay nakadepende sa pagkaunawa at pagsunod ng isang tao sa Salita ng Diyos. (Juan 17:3) Kaya kailangang maisalin ang Bibliya sa mga wikang nauunawaan ng mga tao dahil sa ganitong paraan lang maaabot ng mensahe nito ang puso’t isip ng milyun-milyong tao.
[Mga talababa]
^ par. 4 Para sa pagtalakay sa kahalagahan ng Complutensian Polyglot, tingnan ang Abril 15, 2004, isyu ng Ang Bantayan, pahina 28-31.
^ par. 15 Kapansin-pansin na ginamit ni Zamora ang banal na pangalan, hindi titulo, sa kaniyang apela sa papa ng Roma. Sa salin sa Kastila ng petisyon ni Zamora, ang pangalang ginamit ay “Yahweh.” Hindi tiyak kung ano ang ginamit sa orihinal na Latin. May kinalaman sa salin at paggamit ni Zamora ng banal na pangalan, tingnan ang kahong “Pagsasalin sa Banal na Pangalan” sa pahina 19.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 19]
Pagsasalin sa Banal na Pangalan
Kapansin-pansin na gumamit ng transliterasyon para sa banal na pangalan si Alfonso de Zamora, isang edukadong lalaki na marunong ng wikang Hebreo. Gaya ng makikita sa larawan, ang panggilid na nota ng kaniyang salita-por-salitang salin ng Genesis sa wikang Hebreo-Latin ay may nakasulat na pangalan ng Diyos, “jehovah.”
Lumilitaw na tinanggap ni Zamora ang saling ito ng banal na pangalan sa Latin. Noong ika-16 na siglo, nang isalin ang Bibliya sa pangunahing mga wika sa Europa, ang baybay na ito o isang katulad na katulad nito ay ginamit din ng maraming tagapagsalin ng Bibliya, kabilang na sina William Tyndale (sa wikang Ingles, 1530), Sebastian Münster (sa wikang Latin, 1534), Pierre-Robert Olivétan (sa wikang Pranses, 1535) at Casiodoro de Reina (sa wikang Kastila, 1569).
Kaya si Zamora ay isa sa mga naunang iskolar ng Bibliya noong ika-16 na siglo na nagbigay-liwanag sa banal na pangalan. Ang kawalang-alam tungkol sa pangalan ng Diyos ay nagsimula sa pamahiin ng mga Judio na nagbabawal sa pagbigkas ng pangalang iyon. Dahil sa impluwensiya ng tradisyong Judio na ito, pinalitan ng mga tagapagsalin ng Bibliya ng Sangkakristiyanuhan—halimbawa, si Jerome na tagapagsalin ng Latin na Vulgate—ang banal na pangalan ng mga terminong gaya ng “Panginoon” o “Diyos.”
[Larawan]
Hebreong Tetragrammaton na ginamitan ni Zamora ng saling “jehovah”
[Larawan sa pahina 18]
Utos mula sa hari at reyna ng Espanya, 1492
[Credit Line]
Decree: Courtesy of the Archivo Histórico Provincial, Ávila, Spain
[Larawan sa pahina 18]
University of Alcalá de Henares
[Larawan sa pahina 21]
Ilustrasyon sa isa sa mga unang pahina ng salita-por-salitang salin ni Zamora