Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

“Banal, Banal, Banal si Jehova”

“Banal, Banal, Banal si Jehova”

KUNG papipiliin ka ng isang salita para ilarawan ang Diyos na Jehova, ano ang pipiliin mo? Noong ikawalong siglo B.C.E., si propeta Isaias ay nagkaroon ng pangitain kung saan narinig niyang pinupuri ng mga espiritung nilalang si Jehova, gamit ang salitang naglalarawan ng Kaniyang napakahalagang katangian​—ang kabanalan. Ang nakita at narinig ni Isaias ay dapat mag-udyok sa atin na maging mapagpitagan at mas malapít kay Jehova. Habang isinasaalang-alang natin ang mga salita sa Isaias 6:1-3, isipin mong naroroon ka.

Ano ang nakikita ni Isaias? “Nakita ko . . . si Jehova, na nakaupo sa isang trono na matayog at nakataas,” ang sabi ni Isaias. (Talata 1) Hindi naman aktuwal na nakikita ni Isaias ang Soberanong Panginoong Jehova. Hindi kayang makita ng pisikal na mata ang mga espiritu. Tuwirang sinasabi ng Bibliya: “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman.” (Juan 1:18) Ang nakikita ni Isaias ay isang pangitain. * Napakalinaw ng pangitain​—parang totoong-totoo anupat nasindak si Isaias dahil waring nakikita niya mismo si Jehova.

Pagkatapos, may nakita si Isaias sa pangitain na marahil ay walang ibang tao ang nagkapribilehiyong makakita. Isinulat niya: “May mga serapin na nakatayo sa itaas niya [si Jehova]. Bawat isa ay may anim na pakpak. Ang dalawa ay itinatakip niya sa kaniyang mukha, at ang dalawa ay itinatakip niya sa kaniyang mga paa, at ang dalawa ay ginagamit niya sa paglipad.” (Talata 2) Ang mga serapin ay espiritung nilalang na napakataas ng ranggo. Si Isaias lang ang manunulat ng Bibliya na bumanggit sa kanila. Ang mga serapin ay laging handang gumawa ng kalooban ni Jehova. Tinatakpan nila ang kanilang mukha at mga paa bilang pagpipitagan at paggalang sa presensiya ng Isa na kanilang pinaglilingkuran.

Nasindak si Isaias hindi lang sa kaniyang nakita kundi gayundin sa kaniyang narinig. Ang mga serapin ay sabay-sabay na umaawit sa langit. Isinulat ni Isaias: “Ang isang ito ay tumawag sa isang iyon at nagsabi: ‘Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo.’” (Talata 3) Ang salitang Hebreo na isinaling “banal” ay nagpapahiwatig ng pagiging malinis at dalisay. Kasama rin diyan ang “ideya ng pagiging lubusang malaya at hiwalay sa kasalanan.” Sa tuluy-tuloy na sagutang pag-awit ng mga serapin, tatlong beses nilang inawit ang salitang “banal,” anupat idiniriin ang sukdulang kabanalan ni Jehova. (Apocalipsis 4:8) Kung gayon, ang kabanalan ay isang napakahalagang katangian ni Jehova. Siya ay lubos na dalisay, malinis, at walang-dungis.

Ang pagkaalam na banal si Jehova ay dapat magpakilos sa atin na maging mas malapít sa kaniya. Bakit? Di-tulad ng mga tagapamahalang tao na karaniwan nang nagiging tiwali at abusado, si Jehova ay hinding-hindi nagkakamali. Ang kaniyang kabanalan ay garantiya na mananatili siyang huwarang Ama, matuwid na Tagapamahala, at patas na Hukom. Lubos tayong makapagtitiwala na hindi tayo kailanman bibiguin ng ating banal na Diyos.

Pagbabasa ng Bibliya para sa Disyembre:

Isaias 1-23

[Talababa]

^ par. 2 Ipinaliliwanag ng Kaunawaan sa Kasulatan: “Kapag ang isang tao ay tumanggap ng pangitain mula sa Diyos habang siya’y gising, waring inilalagay iyon sa kaniyang may-malay na isip. Pagkatapos, maaari niyang alalahanin iyon at ilarawan o isulat gamit ang kaniyang sariling pananalita.”​—Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 26]

Ang pagkaalam na banal si Jehova ay dapat magpakilos sa atin na maging malapít sa kaniya