Maging Malapít sa Diyos
“Ako ay Hindi Makalilimot sa Iyo”
NAGMAMALASAKIT ba talaga si Jehova sa kaniyang bayan? Kung oo, gaano ito katindi? Malalaman lang natin ang sagot mula sa sinasabi mismo ng Diyos na isiniwalat niya sa Bibliya. Isaalang-alang ang Isaias 49:15.
Para ilarawan kung gaano katindi ang pagmamalasakit niya sa kaniyang bayan, gumamit si Jehova, sa pamamagitan ni Isaias, ng isa sa pinakanakaaantig na halimbawang maiisip natin. Itinanong niya: “Malilimutan ba ng asawang babae ang kaniyang pasusuhin anupat hindi niya kahahabagan ang anak ng kaniyang tiyan?” Parang madali naman itong sagutin. Paano nga naman malilimutan ng isang ina ang kaniyang pasusuhin? Ang sanggol ay lubusang nakadepende sa ina araw at gabi—at ipinaaalam ng sanggol sa ina kung kailan siya nito kailangan! Pero hindi lang iyan ang ibig sabihin ng tanong ni Jehova.
Bakit ba pinasususo ng ina ang kaniyang sanggol at ibinibigay ang lahat ng pangangailangan nito? Para lang ba patahanin ang sanggol? Hindi. Natural sa isang ina na ‘kahabagan’ ang “anak ng kaniyang tiyan.” Ang pandiwang Hebreo na isinaling ‘kahabagan’ ay isinalin ding ‘pagpakitaan ng awa.’ (Exodo 33:19; Isaias 54:10) Ipinakikita ng salitang iyan ang magiliw na pagkamahabagin para sa isa na walang kalaban-laban o mahina. Ang damdamin ng isang ina sa kaniyang pasusuhin ang isa sa pinakamatinding emosyon na maiisip natin.
Pero nakalulungkot, hindi lahat ng ina ay nahahabag sa kaniyang sanggol na sabik na sabik sumuso sa kaniya. “Maging ang mga babaing ito ay makalilimot,” ang sabi ni Jehova. Nabubuhay tayo sa daigdig kung saan maraming lalaki at babae ang “mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal.” (2 Timoteo 3:1-5) Paminsan-minsan, nababalitaan natin na pinababayaan, inaabuso, o inaabandona ng ilang ina ang kanilang bagong-silang na sanggol. Ganito ang paliwanag ng isang reperensiya sa Bibliya hinggil sa Isaias 49:15: “Ang mga ina ay makasalanan at, kung minsan, ang kanilang pag-ibig ay nadaraig ng kasamaan. Maaaring mabigo kahit na ang pinakamasidhing pag-ibig ng tao.”
“Ngunit,” tinitiyak ni Jehova, “ako ay hindi makalilimot sa iyo.” Naiintindihan na natin ngayon ang punto ng tanong ni Jehova sa Isaias 49:15. Hindi lang pala ito isang paghahambing. Di-tulad ng makasalanang ina na maaaring hindi makapagpakita ng habag sa kaniyang walang kalaban-labang sanggol, hindi kailanman makalilimot si Jehova na magpakita ng pagkamahabagin sa kaniyang mga nangangailangang mananamba. Kaya naman, angkop ang sinabi ng nabanggit nang reperensiya tungkol sa Isaias 49:15: “Ito ang isa sa pinakamasisidhi, kung hindi man pinakamasidhing kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos na nasa Matandang Tipan.”
Talagang nakaaaliw malaman ang tungkol sa “magiliw na pagkamahabagin ng ating Diyos.” (Lucas 1:78) Bakit hindi mo alamin kung paano ka higit na mápapalapít kay Jehova? Tinitiyak ng ating maibiging Diyos sa kaniyang mga mananamba: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.”—Hebreo 13:5.
Pagbabasa ng Bibliya para sa Pebrero: