Tanong ng mga Mambabasa
Magugunaw ba ang Lupa?
▪ Ang ilan ay naniwalang magugunaw ang lupa noong Oktubre 21, 2011. Pero hindi iyon nangyari. Kaya hindi nagkatotoo ang prediksiyon ni Harold Camping, isang brodkaster sa radyo sa Estados Unidos. Sinabi niyang magaganap ang Araw ng Paghuhukom noong Mayo 21, 2011—isang napakalakas na lindol ang yayanig sa buong daigdig, at pagkaraan ng limang buwan, Oktubre 21, magugunaw ang lupa.
Pero ang lupa ay hindi kailanman magugunaw. Hindi iyon pahihintulutan ng Maylalang ng lupa. Sinabi niya: “Itinatag mong matibay ang lupa, upang ito ay mamalagi.”—Awit 119:90.
Gayunman, maaaring tutulan iyan ng ilang mambabasa ng Bibliya, yamang naniniwala silang wawasakin ang planetang ito sa pamamagitan ng apoy. Ginagamit nila ang 2 Pedro 3:7, 10 bilang patunay: “Sa pamamagitan ng gayunding salita ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos. . . . Gayunman ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw, na dito ang mga langit ay lilipas na may sumasagitsit na ingay, ngunit ang mga elemento na nag-iinit nang matindi ay mapupugnaw, at ang lupa at ang mga gawang naroroon ay mahahantad.” Literal ba ang sinabing iyan ni apostol Pedro?
Hindi. Bakit? Dahil ang interpretasyon sa mga talatang iyan ay dapat na nakaayon sa konteksto ng liham ni Pedro at sa iba pang bahagi ng Bibliya. Kung literal iyan, mangangahulugan na ang mga langit, o uniberso—bilyun-bilyong bituin at iba pang materya—ay susunugin dahil lang sa napakasasamang tao na naninirahan sa isang pagkaliit-liit na bahagi ng napakalawak na unibersong ito. Wawasakin mo ba ang kilu-kilometrong dalampasigan dahil lang sa may isang butil ng buhangin doon na hindi mo gusto? Siyempre hindi! Kaya naman, hindi rin wawasakin ni Jehova ang buong uniberso dahil lang sa nagkaroon ng rebelyon sa lupa.
Bukod diyan, ang ganiyang pananaw ay salungat sa sinabi ni Jesu-Kristo: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5; Awit 37:29) Igagawa ba ng isang maibiging ama ng isang komportableng bahay ang kaniyang pamilya at pagkatapos ay susunugin lang ito? (Awit 115:16) Hinding-hindi! Si Jehova ay hindi lang ang Maylalang, kundi isa rin siyang maibiging Ama.—Awit 103:13; 1 Juan 4:8.
Ginamit ni Pedro ang terminong “lupa” sa isang makasagisag na paraan upang tumukoy sa mga tao—sa kasong ito, sa napakasasamang tao. Pansinin na inihambing ito ni Pedro sa Baha noong panahon ni Noe. (2 Pedro 3:5, 6) Noon, napakasasamang tao lang ang nilipol; ang lupa at ang matuwid na si Noe pati na ang kaniyang pamilya ay iniligtas. Sa katulad na paraan, makasagisag din ang paggamit ni Pedro ng “mga langit.” Dito, ang “mga langit” ay tumutukoy sa pamamahala ng tao. Kaya mawawala na ang napakasasamang tao na ayaw magsisi, pati na ang lahat ng napakasasamang pamahalaan, na lilipulin at papalitan ng Kaharian, o pamahalaan ng Diyos sa langit.—Daniel 2:44.
Kung gayon, magugunaw ba ang planetang Lupa? Hindi. Ang magugunaw ay ang makasagisag na lupa, o ang napakasasamang tao. Ang lupa mismo at ang makadiyos na mga tao ay mananatili magpakailanman.—Kawikaan 2:21, 22.