Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Ika-131 Gradwasyon ng Gilead

“Pangitiin si Jehova”

“Pangitiin si Jehova”

NOONG Setyembre 10, 2011, ang pamilya at mga kaibigan ng mga magtatapos, kasama ang iba pang mga bisita, ay nagtipon para sa gradwasyon ng ika-131 klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Maaga pa lang, kabado na ang mga tagapagsalita at ang mga estudyante. Pero sa pagtatapos ng programa, ang lahat ng 9,063 dumalo ay nakangiti, anupat nasiyahan sa mga pahayag, pagtatanghal, at mga interbyu.

Si Stephen Lett, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova at chairman ng programa, ang unang nagpahayag. Ipinaliwanag niya ang mga talata sa Bibliya na tumutukoy sa Diyos na Jehova na parang may literal na katawan. Nagpokus din siya sa mga tekstong tumatalakay kung paano ginagamit ni Jehova ang Kaniyang makasagisag na mga mata, tainga, kamay, at mga bisig.

Una, tinalakay niya ang 2 Cronica 16:9 na nagsasabing ang “mga mata [ni Jehova] ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” Napatibay ang mga estudyante na panatilihing lubusang nakaalay kay Jehova ang kanilang puso. Sinabi rin ni Brother Lett na matutularan nila ang Diyos kung ang mabubuting katangian ng mga tao ang hahanapin nila. Pagkatapos, tinalakay niya ang 1 Pedro 3:12 na nagsasabing ang tainga ni Jehova ay nakatuon sa pagsusumamo ng matuwid. Hinimok niya ang mga estudyante na laging manalangin kay Jehova dahil gustung-gusto ni Jehova na marinig ang kanilang mga panalangin.

Ipinaliwanag din ng tagapagsalita ang Isaias 41:13 kung saan nangako si Jehova: “Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.’” Buong-kataimtimang sinabi ni Brother Lett: “Pansinin ang nakaaantig na mga salitang iyan ni Jehova. Iniuunat niya ang kaniyang kamay para hawakan ang ating kamay.” Pagkatapos ay sinabi niya sa mga estudyante na laging hayaang tulungan sila ni Jehova at huwag kailanman tatanggihan ang tulong Niya. Sinabi rin niya na matutularan ng mga estudyante si Jehova kung iuunat din nila ang kanilang mga kamay para tulungan ang iba.

Bilang panghuli, binasa ni Brother Lett ang Isaias 40:11. Inanyayahan niya ang mga tagapakinig na ilarawan sa isipan ang magiliw na pagmamahal na binabanggit sa teksto. “Tinitipon tayo ni Jehova sa kaniyang mga bisig,” ang sabi ni Brother Lett. “Binubuhat niya tayo sa kaniyang dibdib.” Paano tayo dapat tumugon? Pinayuhan ang mga estudyante na manatiling maamo tulad ng isang maliit na kordero para buhatin sila ni Jehova sa kaniyang dibdib.

“Taglay Namin ang Kayamanang Ito sa mga Sisidlang Luwad”

Ipinaliwanag ni David Splane ng Lupong Tagapamahala ang paksang iyan mula sa Kasulatan. (2 Corinto 4:7) Ano ba ang kayamanang iyon? Ito ba ay kaalaman o karunungan? “Hindi,” ang sagot ng tagapagsalita. “Ang kayamanang tinutukoy ni apostol Pablo ay ang ‘ministeryong ito’ ng ‘paghahayag ng katotohanan.’” (2 Corinto 4:1, 2, 5) Ipinaalaala ni Brother Splane sa mga estudyante na ang kanilang limang-buwang pag-aaral ay pagsasanay para sa isang espesyal na atas sa ministeryo​—isang atas na dapat na lubusang pahalagahan.

Ipinaliwanag ng tagapagsalita na ang “sisidlang luwad” ay tumutukoy sa ating pisikal na katawan. Pinaghambing niya ang isang sisidlang yari sa luwad at ang isang yari sa ginto. Ang sisidlang ginto ay hindi madalas gamitin. Pero ang sisidlang luwad ay gamít na gamít. Kapag naglagay tayo ng kayamanan sa sisidlang ginto, baka mas mapansin natin ang sisidlan kaysa sa kayamanang naroroon. “Hindi ninyo gustong sa inyo mapunta ang atensiyon,” ang sabi ni Brother Splane. “Bilang mga misyonero, gusto ninyong akayin kay Jehova ang mga tao. Kayo ay mga sisidlang luwad.”

Bilang pagpapatuloy, sinabi ng tagapagsalita na ang ilang sisidlang luwad noong panahon ng Bibliya ay di-tinatablan ng apoy at ang iba naman ay pinahiran ng pampakintab para hindi matungkab. Ang punto? Sa unang mga buwan ng kanilang atas, ang mga misyonero ay tiyak na daranas ng mga problemang magtuturo sa kanila ng pagbabata. Dahil dito, hindi na sila gaanong magiging sensitibo o maramdamin. “Matutuklasan ninyong mas matatag kayo kaysa sa inaakala ninyo,” ang sabi ni Brother Splane. Ipinagkatiwala ni Jehova ang kayamanang ito ng ministeryo, hindi sa mga anghel, kundi sa mga sisidlang luwad. “Ipinakikita lang niyan na may tiwala si Jehova sa inyo,” ang pagtatapos ng tagapagsalita.

‘Tumakbo Kayong Kasama ng mga Tagatakbo, Kaya ba Ninyong Makipagkarera sa mga Kabayo?’

“Gaano kayo kabilis tumakbo at gaano katagal ang kaya n’yo?” ang tanong ni Samuel Herd ng Lupong Tagapamahala. Bakit niya iyan itinanong? Pinaghambing ng tagapagsalita ang mga karanasan ng mga estudyante at ng kay propeta Jeremias. Nahirapan ang tapat na taong iyon na harapin ang mga problemang dumating sa kaniya. Pero mas malalaki pang problema ang haharapin niya. Kaya tinanong siya ni Jehova: “Sapagkat tumakbo kang kasama ng mga tagatakbo, at pinapagod ka nila, kaya paano ka ngang makikipagkarera sa mga kabayo?”​—Jeremias 12:5.

Hinggil dito, sinabi ni Brother Herd sa mga estudyante: “Baka pakiramdam n’yo ay nakipagkarera na kayo sa mga kabayo dahil sa lahat ng inyong exam. Pero ang totoo, tumakbo lang kayong kasama ng mga tagatakbo at hindi ng mga kabayo. Sa inyong mga atas, makikipagkarera kayo sa mga kabayo, o daranas ng mas malalaking problema kaysa sa naiisip ninyo ngayon. Kakayanin n’yo kaya iyon? Inihanda kayo ng pagsasanay sa Gilead para makipagkarera sa mga kabayo nang hindi napapagod.” Hinimok niya ang mga estudyante na patuloy na sanayin ang kanilang espirituwalidad, anupat pinananatili ang magandang rutin sa pag-aaral ng Bibliya at pananalangin.

Sinabi ni Brother Herd na ang ilan sa aatasang misyonero ay masisiraan ng loob o mapapaharap sa mga taong walang interes sa kanilang ipinangangaral. Ang iba naman ay magkakasakit o makadaramang hindi nila kayang gawin ang kanilang atas. Pero tiniyak niya sa mga estudyante na may mapagkukunan sila ng lakas para malampasan ang anumang problema nang hindi napapagod. “Nakikipagkarera man kayo sa mga tagatakbo o sa mga kabayo,” ang sabi ng tagapagsalita, “magtiwalang aalalayan kayo ng makapangyarihang kamay ng Diyos hanggang sa finish line. Kung gayon, kayo ay magiging matagumpay na mga misyonero para sa karangalan at kapurihan ni Jehova.

Iba Pang Tampok na Bahagi ng Programa

“Huwag Kang Masiyahan sa Iilan.” Tinalakay ni John Ekrann, miyembro ng United States Branch Committee, ang ulat tungkol kay propeta Eliseo at sa isang babaing balo na kukunin na sana sa kaniya ang mga anak niya para gawing mga alipin. (2 Hari 4:1-7) Ang balo ay mayroon lang isang maliit na sisidlan ng langis. Inutusan siya ni Eliseo na mangolekta ng mga sisidlan sa kaniyang mga kapitbahay, at sinabi: “Huwag kang masiyahan sa iilan.” Sa pamamagitan ni Eliseo, pinunô ni Jehova ng langis ang lahat ng sisidlang nakolekta ng balo. Pagkatapos, ipinagbili ng balo ang langis kaya nabayaran niya ang kaniyang mga utang at pansamantalang nagkaroon ng pansuporta sa kaniyang pamilya.

Ano ang matututuhan ng mga misyonero sa ulat na ito? Nang mangolekta ang balo ng karagdagang mga sisidlan, malamang na hindi siya naging mapamili. “Kinolekta niya ang anumang sisidlan na puwedeng paglagyan ng langis,” ang sabi ng tagapagsalita, “at malamang na mas malaki, mas mainam.” Pagkatapos, hinimok ni Brother Ekrann ang mga estudyante na tanggapin ang anumang atas, maliit man o malaki. “Huwag maging mapamili,” ang sabi niya. Ipinaalaala rin niya sa mga estudyante na ang pagpapala ng balo ay tuwirang may kaugnayan sa pagsisikap niyang masunod ang mga tagubilin ni Eliseo. Ang aral? Ang ating mga pagpapala ay direktang may kaugnayan sa ating sigasig at pananampalataya. “Huwag unahin ang sariling kaalwanan,” ang sabi ng tagapagsalita.

“Sila ay Tinapay sa Atin.” Si William Samuelson, tagapangasiwa ng Theocratic Schools Department, ang nagpaliwanag ng paksang ito mula sa Bilang 14:9. Itinampok niya ang magandang halimbawa nina Josue at Caleb. Ang salitang “tinapay” sa tekstong ito ay nangangahulugan na madaling malulupig ang mga taga-Canaan at mapalalakas ng karanasang ito ang Israel. Ano ang matututuhan dito ng mga estudyante? “Sa inyong mga atas sa hinaharap,” ang sabi ng tagapagsalita, “ituring ninyo ang mga hamon bilang mga bagay na magpapalakas sa inyo.”

“Ang Kanila Bang Pananampalataya ay Matibay na Maiaangkla Kapag May Bagyo?” Tinalakay ni Sam Roberson, isa sa mga instruktor sa Gilead, ang babala ni apostol Pablo hinggil sa ilang “dumanas ng pagkawasak may kinalaman sa kanilang pananampalataya.” (1 Timoteo 1:19) Hinimok niya ang mga estudyante na tulungan ang iba na magkaroon ng pananampalatayang matibay na nakaangkla sa Diyos na Jehova. “Ang inyong gawain,” ang sabi niya, “ay tulad sa ginagawa ng isang panday.” Sa paanong paraan? Hinihinangan ng isang panday ang mga kawing ng isang tanikala para matibay nitong maiangkla ang barko. Sa katulad na paraan, tinutulungan ng mga misyonero ang kanilang mga estudyante sa Bibliya na magkaroon ng mga katangiang gusto ni Jehova at kailangan para sa kaligtasan.

Ang mga kawing ng tanikala ay iniugnay ng tagapagsalita sa walong katangiang mababasa sa 2 Pedro 1:5-8. Sinabi ni Brother Roberson na kapag tinutulungan ng mga misyonero ang kanilang mga estudyante sa Bibliya na maunawaan kung paano ipinakikita ni Jehova ang mga katangiang iyon, malamang na magkaroon ng matibay na kaugnayan kay Jehova ang mga estudyante nila. Makakayanan ng mga ito ang anumang bagyo na puwedeng sumubok sa kanilang pananampalataya.

Mga Karanasan at Interbyu

Hinilingan ni Michael Burnett, isa ring instruktor sa Gilead, ang mga estudyante na ilahad at isadula ang kanilang mga karanasan sa pangangaral. Tuwang-tuwa ang mga dumalo nang marinig nila kung paano nangaral ang mga estudyante sa mall, airport, bahay-bahay, at kahit na sa isang taong nagkamali ng tinawagang numero sa telepono.

Pagkatapos, ininterbyu ni Michael Hansen ng United States Bethel ang tatlong matatagal nang misyonero​—sina Stephen McDowell (Panama), Mark Noumair (Kenya), at William Yasovsky (Paraguay). Ang kanilang mga sinabi ang nagpatingkad sa paksang “Nalulugod sa Paggawa ng Kalooban ni Jehova.” (Awit 40:8) Halimbawa, bumanggit si Mark Noumair ng espesipikong mga dahilan ng kagalakang natamo nilang mag-asawa habang naglilingkod sa kanilang atas. Ang isa rito ay ang pagkakaibigang nabuo nila at ng mga Saksi sa kanilang teritoryo. Ang iba pa ay ang makitang sinusunod ng mga kapatid ang mga tagubilin, binabago ang kanilang buhay, at kung paano pinagpapala ni Jehova ang kanilang pagsisikap. Tiniyak niya sa mga estudyante na mararanasan din nila ang ganitong kagalakan.

Pagkatapos basahin ng isang miyembro ng ika-131 klase ang kanilang liham ng pasasalamat, tinapos ni Brother Lett ang programa sa pagpapasigla sa mga nagsipagtapos na kumilos nang may karunungan. Kung gagawin nila iyan, ang sabi niya, magagawa nilang “pangitiin si Jehova.” Tiyak na mapangingiti ng mga misyonerong ito si Jehova habang tapat silang naglilingkod sa kaniya sa kanilang atas.​—Isaias 65:19.

[Chart/Mapa sa pahina 31]

ESTADISTIKA NG KLASE

10 bansa ang may kinatawan

34.7 katamtamang edad

19.0 katamtamang taon mula nang mabautismuhan

13.5 katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo

[Mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Inatasan ang klase sa mga bansang nasa ibaba

MGA ATAS NG KLASE

BENIN

BRAZIL

BULGARIA

BURUNDI

CAMEROON

CANADA

CENTRAL AFRICAN REPUBLIC

GERMANY

GHANA

HONG KONG

INDONESIA

KENYA

LIBERIA

LITHUANIA

MALAYSIA

MOZAMBIQUE

NEPAL

PANAMA

PARAGUAY

SIERRA LEONE

SLOVAKIA

SOUTH AFRICA

UNITED STATES OF AMERICA

VENEZUELA

[Larawan sa pahina 30]

Isinadula ng mga estudyante ng Gilead ang isa sa mga karanasan nila sa pangangaral

[Larawan sa pahina 31]

Ang Ika-131 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead

Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.

(1) Lesch, C.; Lesch, N.; Shakarjian, P.; Shakarjian, T.; Budden, R.; Budden, K.; Nash, T.; Nash, L.

(2) Tremblay, E.; Tremblay, C.; Garvey, D.; Garvey, G.; Gaunt, R.; Gaunt, P.; Lau, J.; Lau, J.

(3) Davis, S.; Davis, S.; Sargeant, J.; Sargeant, J.; Fonseca, C.; Fonseca, S.; Thenard, E.; Thenard, A.

(4) Petratyotin, A.; Petratyotin, R.; Reyes, N.; Reyes, N.; Eisiminger, B.; Eisiminger, S.; Hacker, J.; Hacker, C.

(5) Hartman, E.; Hartman, T.; Goolia, W.; Goolia, K.; Thomas, J.; Thomas, E.; Okazaki, N.; Okazaki, M.

(6) Mills, C.; Mills, A.; Benning, L.; Benning, T.; Sobiecki, S.; Sobiecki, T.; Gagnon, L.; Gagnon, E.

(7) Hansen, B.; Hansen, M.; Fahie, A.; Fahie, M.; Dalgaard, J.; Dalgaard, J.; Andersson, M.; Andersson, R.