Lahat ba ng “Kristiyano” ay Kristiyano?
GAANO ba karami ang mga Kristiyano? Ayon sa Atlas of Global Christianity, noong 2010, mayroon nang halos 2.3 bilyong Kristiyano sa buong daigdig. Pero sinasabi rin ng publikasyong iyan na ang mga Kristiyanong iyon ay kabilang sa mahigit 41,000 denominasyon—na may kani-kaniyang mga doktrina at tuntunin sa paggawi. Dahil sa napakaraming iba’t ibang relihiyong “Kristiyano,” natural lang na ang ilan ay malito o madismaya pa nga. Baka maitanong nila, ‘Ang lahat ba ng nagsasabing sila’y Kristiyano ay talaga ngang Kristiyano?’
Tingnan natin ito sa ibang anggulo. Ang isang nangingibang-bansa ay karaniwan nang hinihilingan ng immigration officer na sabihin kung ano ang nasyonalidad niya. Kailangan niyang patunayan ito gamit ang ilang pagkakakilanlan, gaya ng passport. Sa katulad na paraan, hindi sapat na basta sabihin lang ng isang tunay na Kristiyano na naniniwala siya kay Kristo. Kailangan niyang magpakita ng karagdagang pagkakakilanlan. Ano iyon?
Ang salitang “Kristiyano” ay unang ginamit makalipas ang 44 C.E. Sinabi ng istoryador ng Bibliya na si Lucas: “Sa Antioquia unang tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad sa pamamagitan ng patnubay mula sa Diyos.” (Gawa 11:26) Pansinin na ang tinawag na mga Kristiyano ay mga alagad ni Kristo. Paano ba nagiging alagad ni Jesu-Kristo ang isang tao? Ganito ang sinabi ng The New International Dictionary of New Testament Theology: “Ang pagsunod kay Jesus bilang alagad ay nangangahulugan ng lubusang paghahandog ng buong buhay [ng isa].” Kung gayon, ang isang tunay na Kristiyano ay yaong lubusang sumusunod sa mga turo at tagubilin ni Jesus, ang Tagapagtatag ng Kristiyanismo.
Sa ngayon, mayroon bang gayong uri ng mga tao sa gitna ng mga nagsasabing sila’y Kristiyano? Ano ang sinabi mismo ni Jesus na pagkakakilanlan ng kaniyang tunay na mga tagasunod? Hinihimok ka naming alamin ang sagot ng Bibliya sa mga tanong na ito. Sa susunod na mga artikulo, iisa-isahin natin ang limang sinabi ni Jesus na pagkakakilanlan ng kaniyang mga tunay na tagasunod. Tatalakayin natin kung ano ang ginawa ng unang-siglong mga Kristiyano. At sisikapin nating malaman kung sino sa ngayon ang nagpapamalas ng mga pagkakakilanlang ito.