Matuto Mula sa Salita ng Diyos
Bakit Binabautismuhan ang mga Kristiyano?
Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.
1. Ano ang kahulugan ng bautismo ng mga Kristiyano?
Ang bautismo ay isang kahilingan para magkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos. Kaya ang isang Kristiyano ay dapat magpabautismo, hindi kapag sanggol pa siya, kundi kapag nasa edad na siya para matuto tungkol sa Diyos at maging alagad ni Jesus. (Gawa 8:12; 1 Pedro 3:21) Tayo ay magiging alagad ni Jesus kapag natutuhan na natin at sinunod ang mga utos niya.—Basahin ang Mateo 28:19, 20.
Noong panahon ng mga apostol, marami ang kumilos agad para matuto tungkol sa Diyos at kay Jesus. Halimbawa, nang malaman ng isang tao na binuksan ng kamatayan ni Jesus ang daan para sa kaligtasan, nagdesisyon siya agad na maging alagad. Sa ngayon, pinipili ng maraming taimtim na tao na maging tagasunod ni Jesus.—Basahin ang Gawa 8:26-31, 35-38.
2. Bakit nagpabautismo si Jesus?
Si Jesus ay mga 30 anyos nang ilubog siya ni Juan na Tagapagbautismo sa Ilog Jordan. Ang bautismo ni Jesus ay sumasagisag sa kaniyang pasiya na gawin ang kalooban ng Diyos para sa kaniya. (Hebreo 10:7) Kasama rito ang paghahain ng kaniyang buhay para sa kasalanan ng mga tao. Bago pa siya bumaba sa lupa, iniibig at sinusunod na ni Jesus ang kaniyang Ama sa langit, si Jehova.—Basahin ang Marcos 1:9-11; Juan 8:29; 17:5.
3. Bakit dapat magpabautismo ang isang Kristiyano?
Iba ang sitwasyon natin kay Jesus—tayo ay ipinanganak na makasalanan. Pero dahil sa sakripisyong kamatayan ni Jesus, naging posible na magkaroon tayo ng mabuting kaugnayan sa Diyos. (Roma 5:10, 12; 12:1, 2) Ang totoo, puwede pa nga tayong maging miyembro ng Kaniyang pamilya. (2 Corinto 6:18) Paano? Sa pribadong panalangin, iniaalay ng isa ang kaniyang sarili kay Jehova, anupat nananatang gagawin niya habambuhay ang kalooban ng Diyos. Pagkatapos, para malaman ng madla na nag-alay na siya, siya ay magpapabautismo.—Basahin ang Mateo 16:24; 1 Pedro 4:2.
4. Paano ka makapaghahanda sa bautismo?
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagtuturo ng Bibliya sa sinumang gustong mápalapít sa Diyos. Ang pag-aaral mo ng Bibliya at pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong ay magpapatibay sa iyong pag-ibig at pananampalataya sa Diyos. Makatutulong din ito para magkaroon ka ng mabubuting katangian at ugali. Ang pag-ibig, pananampalataya, at iba pang mga katangian na gusto ng Diyos ay tutulong sa iyo para matupad ang iyong panatang maglingkod kay Jehova magpakailanman.—Basahin ang Juan 17:3; Hebreo 10:24, 25.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 18 ng aklat na ito, Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.