Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Ano ang “luklukan ng paghatol” na pinagdalhan kay apostol Pablo?

Sinasabi ng ulat sa Gawa 18:12, 13 na si Pablo ay inakusahan ng mga Judio sa Corinto ng ilegal na pangangaral kaya dinala nila siya sa “luklukan ng paghatol,” o beʹma (salitang Griego na nangangahulugang “baytang”). Sa sinaunang Corinto, may mataas na plataporma na malapit sa gitna ng agora, o pamilihan, na malamang na mga ilang hakbang lang mula sa sinagoga. Ang puwesto nito ay akma para makapagsalita ang isa sa harap ng maraming tagapakinig. Yari ito sa asul at puting marmol at napapalamutian ng magagandang ukit. Mayroon itong dalawang silid-hintayan na may mga bangkóng marmol at sahig na moseyk.

Lumilitaw na ang platapormang ito ang luklukan ng paghatol kung saan tumayo si Pablo sa harap ni proconsul Galio, Romanong gobernador ng Acaya. Mula sa mismong lugar na ito, dinirinig ng mga nakaupong opisyal ang mga kaso at inihahayag ang kanilang hatol sa harap ng madla.

Sa mga Griegong estadong-lunsod, karaniwan nang nagtitipon ang mga tao sa beʹma, kung saan dinirinig ang lahat ng kanilang usapin. Sa ulat tungkol sa paglilitis kay Jesus, parehong binabanggit sa mga tekstong Griego ng Mateo 27:19 at Juan 19:13 na si Poncio Pilato ay nagsalita sa madla mula sa kaniyang beʹma.​—Ihambing din ang Gawa 12:21.

Bakit ikinatisod ng ilang Judio ang paraan ng pagkamatay ni Jesus?

Sinabi ni apostol Pablo hinggil sa unang mga Kristiyano: “Ipinangangaral namin si Kristo na ibinayubay, sa mga Judio ay sanhi ng ikatitisod ngunit sa mga bansa ay kamangmangan.” (1 Corinto 1:23) Bakit ikinatisod ng ilan ang paraan ng pagkamatay ni Jesus?

Tungkol sa paraan ng pagkamatay ni Jesus at sa kultura ng mga taga-Gitnang Silangan noong unang siglo, ang komentarista sa Bibliya na si Ben Witherington III ay nagsabing iyon “ang pinakakahiya-hiyang kamatayan [sa Gitnang Silangan]. Hindi iyon itinuturing na marangal na paraan ng pagkamartir.” Sinabi pa ni Witherington: “Ang mga tao roon ay naniniwalang isinisiwalat ng paraan ng iyong kamatayan kung anong uri ka ng tao. Batay rito, si Jesus ay masama, isang taong nagtaksil sa estado, isang taong nararapat sa parusang iginagawad sa mga rebeldeng alipin.” Dahil sa ganiyang kultura, mukhang hindi makatuwiran na sabihing gawa-gawa lang ng unang mga Kristiyano ang mga ulat tungkol sa kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus.