Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Magandang Kinabukasan—Paano Makakamit?

Isang Magandang Kinabukasan—Paano Makakamit?

PAANO ka magkakaroon ng magandang buhay? Puwede mong gamitin ang iyong kakayahan na alamin ang pangmatagalang kalalabasan ng mga desisyon mo ngayon.

Totoo, baka nahihirapan kang gumawa ng mga desisyong pakikinabangan mo habambuhay. Bakit? Dahil karaniwan nang nais ng mga tao na makuha agad ang kanilang gusto. Halimbawa, baka mapag-isip-isip mong makatutulong ang pagkakapit ng payo ng Bibliya para tumibay ang inyong pamilya. (Efeso 5:22–6:4) Pero para magawa ito, kailangan mong maglaan lagi ng panahon sa iyong pamilya, at huwag masyadong tumutok sa trabaho o sa paglilibang. Sa maraming pitak ng buhay, dapat kang pumili sa pagitan ng panandaliang kasiyahan o pangmatagalang tagumpay. Paano ka magiging determinadong piliin ang tama? Gawin ang sumusunod na apat na hakbang.

1 Isipin ang Kalalabasan ng Desisyon Mo

Kung magdedesisyon, isipin ang malamang na maging resulta nito. Nagpapayo ang Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) Kung pag-iisipan mo ang masasamang ibubunga nito, malamang na mauudyukan kang umiwas sa isang landasin na posibleng magpahamak sa iyo. Sa kabilang banda, kung pag-iisipan mo naman ang pangmatagalang pakinabang, magiging determinado kang gumawa ng tamang desisyon.

Tanungin ang sarili: ‘Ano kaya ang kalalabasan ng aking desisyon pagkalipas ng isang taon, 10, o 20 taon pa nga? Ano ang magiging epekto nito sa aking emosyonal at pisikal na kalusugan? Ano ang magiging epekto nito sa aking pamilya at sa ibang mahal ko sa buhay?’ Higit sa lahat, itanong: ‘Matutuwa ba ang Diyos sa aking desisyon? Ano ang magiging epekto nito sa aking pakikipagkaibigan sa kaniya?’ Yamang ang Bibliya ay mula sa Diyos, matutulungan ka nitong malaman kung ano ang nakalulugod sa kaniya at bababalaan ka nito hinggil sa mga patibong na maaaring hindi mo napapansin.​—Kawikaan 14:12; 2 Timoteo 3:16.

2 Alamin ang Iyong Mapagpipilian

Sa halip na gumawa ng sariling desisyon, marami ang gumagaya na lang sa iba. Pero hindi dahil popular ang isang paraan ng pamumuhay, magtatagumpay na ito. Alamin ang iyong mapagpipilian. Kuning halimbawa si Natalie. a Sinabi niya: “Gusto kong magkaroon ng maligayang pag-aasawa. Pero nakita kong hindi iyon mangyayari dahil sa istilo ng buhay ko. Noong nasa kolehiyo ako, puro matatalino ang mga kaibigan ko. Pero lagi pa rin silang nagkakamali sa kanilang mga desisyon sa buhay. Papalit-palit sila ng kasintahan. Gaya nila, papalit-palit din ako ng kasintahan. Kaya puro samâ ng loob ang inabot ko.”

Si Natalie ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. “Sa mga Saksi,” ang sabi niya, “nakita ko ang masasayang kabataan at matitibay na pag-aasawa. Bagaman hindi madali, unti-unti kong binago ang aking mga prinsipyo at istilo ng pamumuhay.” Ang resulta? “Matagal ko nang pangarap na makapag-asawa ng isang lalaking talagang igagalang ko,” ang sabi ni Natalie. “Nang maglaon, nakapag-asawa ako ng karelihiyon ko. Binigyan ako ng Diyos ng isang pamilya na higit pa sa aking pinapangarap.”

3 Isaisip ang Iyong Walang-Hanggang Kinabukasan

Kailangang maging malinaw sa iyo kung ano ang kinabukasang gusto mo at kung paano mo iyon makakamit. (Kawikaan 21:5) Huwag limitahan ang isip mo sa 70 o 80 taon, na karaniwang haba ng buhay ng tao. Sa halip, gunigunihin mo ang iyong sarili habang tinatamasa ang walang-hanggang kinabukasan na inilalarawan sa Bibliya.

Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay naglaan sa mga tao ng walang-hanggang buhay sa pamamagitan ng haing pantubos ni Kristo Jesus. (Mateo 20:28; Roma 6:23) Nangako ang Diyos na malapit na niyang tuparin ang orihinal na layunin niya para sa mga tao at sa lupa. Ang mga umiibig sa Diyos ay magkakaroon ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan sa isinauling Paraiso. (Awit 37:11; Apocalipsis 21:3-5) Kaya mahalagang isaisip mo ang iyong walang-hanggang kinabukasan.

4 Abutin ang Iyong mga Tunguhin

Paano mo maaabot ang ipinangakong kinabukasang iyan? Magsimula sa pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos. (Juan 17:3) Patitibayin ng tumpak na kaalaman sa Bibliya ang iyong pagtitiwala na talagang mangyayari ang kinabukasang ipinangako ng Diyos. Mauudyukan ka ng gayong pananampalataya na magbago para matamo ang pagsang-ayon ng Diyos.

Tingnan ang karanasan ni Michael. Ang sabi niya: “Dose anyos ako nang maging sugapa sa alak at droga. Miyembro ako ng isang gang at iniisip kong mamamatay ako nang wala pang 30 anyos. Dahil sa galit at kabiguan, ilang beses kong tinangkang magpakamatay. Alam kong may maganda pang bukas para sa akin, pero hindi ko iyon matagpuan.” Noong haiskul si Michael, nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang isa niyang kasamahan sa gang. Nakipag-aral din ng Bibliya si Michael.

Dahil sa mga natutuhan sa Bibliya, nabago ang pangmalas ni Michael sa kinabukasan. “Natutuhan ko na gagawing paraiso ang lupa at na ang mga tao ay mabubuhay sa kapayapaan at hindi na mababalisa. Ito ang gusto kong kinabukasan. Ginawa kong tunguhin na maging kaibigan ni Jehova. Nagkakamali pa rin ako paminsan-minsan. Kahit nag-aaral na ako ng Bibliya, ilang beses pa rin akong nalasing. May isang pagkakataon pa ngang nakipag-sex ako sa isang babae.”

Paano ito napagtagumpayan ni Michael? Ang sabi niya: “Hinimok ako ng nagtuturo sa akin ng Bibliya na basahin ang Bibliya araw-araw at makisama sa mga gusto ring mapasaya ang Diyos. Napag-isip-isip kong naiimpluwensiyahan pa rin ako ng aking mga kasama sa gang. Kaya kahit parang pamilya ko na sila, umiwas na ako sa kanila.”

Gumawa si Michael ng panandaliang mga tunguhin at priyoridad na tumulong sa kaniya para maabot ang mas malaki niyang tunguhin na maiayon ang kaniyang buhay sa mga pamantayan ng Diyos. Magagawa mo rin iyan. Isulat ang iyong pangmatagalang tunguhin at ang mga dapat mong gawin para maabot iyon. Sabihin ang iyong mga tunguhin sa mga susuporta sa iyo, at magpatulong sa kanila para masubaybayan ang iyong pagsulong.

Kumuha na agad ng kaalaman tungkol sa Diyos at ikapit ito sa iyong buhay. Patibayin ang iyong pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Tungkol sa isang taong nagkakapit ng mga simulain sa Bibliya, sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.”​—Awit 1:1-3.

[Talababa]

a Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.