Liham Mula sa Ireland
Ang Pinakamasayang Bakasyon Ko!
“KAILANGAN mo ng break para hindi mo laging naiisip ang mga exam mo,” ang sabi ng mga magulang ko. “Dalawin natin ang mga pinsan mo sa Ireland at sumama tayo sa pangangaral sa mga bihirang mapaabutan ng mabuting balita ng Kaharian.”
Hindi ako interesado sa ideyang iyon. Kailangan ko kasing mag-aral para sa mga exam at nag-aalala rin ako dahil ngayon lang ako lalabas ng England o sasakay ng eroplano. Paano kaya kakayanin ng isang 17-anyos na kabataang nakatira sa isang abalang karatig-pook ng London ang mabagal na takbo ng buhay sa isang maliit na bayan sa dulong timog-kanluran ng Ireland?
Hindi naman pala ako dapat mag-alala. Paglapag pa lang ng eroplano, nagustuhan ko na ang Ireland. Pero dahil napakaaga ng biyahe namin, nakatulog ako habang nasa kotse. Paminsan-minsan ay nagigising ako at natatanaw ko ang magagandang kabukiran habang dumaraan kami sa makikipot na lansangang may mabababang bakod na bato.
Sa bayan ng Skibbereen kami nagpalipas ng unang gabi, sa bahay ng isang pamilyang lumipat sa Ireland para tumulong sa pangangaral ng Kaharian. Masaya at nakapagpapatibay ang gabing iyon. Naglaro kami ng mga Bible game. Ang bawat isa ay bubunot ng pangalan ng isang tauhan sa Bibliya at iaarte niya ang isang pangyayaring may kaugnayan sa tauhang iyon. Huhulaan naman ng iba kung sino iyon.
Kinabukasan, ako, ang aking mga magulang, nakababatang kapatid na lalaki, mga pinsan, at isa pang pamilya ay sumakay ng ferry patungong Heir Island, na wala pang 30 ang naninirahan. Kung sa bagay, sinabi ni Jesus na ang mabuting balita ay dapat ipangaral sa buong tinatahanang lupa. Kaya maghapon kaming nangaral ng nakapagpapatibay na mensahe ng Bibliya sa palakaibigan at mapagpatuloy na mga tagaroon. Gandang-ganda rin kami sa likas na mga tanawin.
Maaliwalas ang asul na kalangitan. Malalanghap sa simoy ng hangin ang amoy ng niyog mula sa kulay-dilaw na mga palumpong ng gorse. Nalalatagan ng mga bulaklak sa tagsibol ang latian sa gitna ng isla. Makikita mula sa mabuhanging look ang mabatong mga dalisdis na pinamumugaran ng mga cormorant at gannet. Matatanaw rin ang maliliit na isla na karamihan ay walang nakatira. Ang mga ito ay bahagi ng Roaringwater Bay. Talagang hangang-hanga kami sa lahat ng nilalang na ito ni Jehova!
Marami akong naging kaibigan sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Skibbereen
at sumubok ako ng mga bagay na hindi ko pa nagagawa kailanman. Gustung-gusto ko ang kayaking. Napakagandang pagmasdan ang baybayin ng Ireland habang nakasakay sa kayak! Nangisda kami para sa aming hapunan, pero bago pa namin mahuli ang mga isda, naunahan na kami ng mga seal. Nag-imbento kami ng mga beach game, at sinubukan ko pa nga ang sayaw ng mga taga-Ireland.Napag-usapan din namin ang ilang bagay tungkol sa Skibbereen. Nang masira ang pananim na patatas sa Ireland noong dekada ng 1840, ang bayang ito at karatig na mga lugar ang pinakaapektado. Libu-libo ang namatay sa gutom, at mga 9,000 ang sama-samang inilibing sa isang malaking hukay. Nakaaaliw malaman na sa nalalapit na pamamahala ng Kaharian ng Diyos, mawawala na ang taggutom at bubuhaying muli ang mga patay tungo sa isang paraisong lupa.
Sumama kami sa mga Saksing tagaroon sa pagdalaw sa mga taong bihira nilang mapangaralan dahil sa laki ng kanilang teritoryo. Dumaan ang aming sasakyan sa makitid at matarik na lansangan papunta sa mga bahay sa gilid ng isang bangin kung saan matatanaw ang Irish Sea. Palakaibigan din at mapagpatuloy ang mga tagaroon. Gaya ng ginawa namin sa Heir Island, sinasabi muna namin na nagbabakasyon lang kami pero gusto rin naming ibahagi sa kanila ang nakaaaliw na mensahe mula sa Bibliya.
May nakausap si Inay na isang babaing tumanggap agad ng dala naming magasing Ang Bantayan at Gumising! Nang balikan namin siya makalipas ang ilang araw, sinabi niyang nagustuhan niya ang mga iyon.
“Bumalik kayo ha, magdala pa kayo ng mga magasin at mag-usap ulit tayo,” ang hiling niya. Sinabi namin na malapit na kaming umuwi sa England pero titiyakin naming may ibang dadalaw sa kaniya.
“Sige,” ang sabi niya, “pero kapag bumalik kayo rito, puntahan n’yo ako ha. Matandain sa mukha ang mga taga-Ireland!”
Noong huling araw ng bakasyon namin, nag-beach kami ng mga Saksing tagaroon. Nag-barbecue kami gamit ang mga bato at inanod na kahoy, at iniluto namin ang napulot naming mga tahong na natangay sa batuhan. Nag-enjoy talaga ako kahit pa lakíng-siyudad ako!
Ang isang linggo ko sa Ireland ang pinakamasaya kong bakasyon! Hindi lang dahil sa nag-enjoy ako, kundi dahil alam kong mayroon din akong ginawang nakapagpasaya at nagdulot ng papuri kay Jehova. Gustung-gusto kong paglingkuran ang Diyos, at lalo itong nagiging kasiya-siya kapag kasama mo ang iyong pamilya at mga kaibigan. Pag-uwi ko, nagpasalamat ako kay Jehova dahil binigyan niya ako ng napakaraming mapagmahal at makadiyos na kaibigan at dahil sa magagandang alaala na hinding-hindi ko malilimutan.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
An Post, Ireland