Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

BAKIT naging Saksi ni Jehova ang isang matagumpay na hukom na lumaki sa isang pamilya na saradong Katoliko? Ano ang nagpakilos sa isang terorista na talikuran ang karahasan para maging ministro? Basahin ang kanilang kuwento.

“Mas Lumalim ang Pagkaunawa Ko sa Tama at Mali.”​—SEBASTIÃO ALVES JUNQUEIRA

ISINILANG: 1946

BANSANG PINAGMULAN: BRAZIL

ISANG HUKOM

ANG AKING NAKARAAN: Nakatira ang aming pamilya sa isang lugar na mga anim na kilometro mula sa bayan ng Piquete. May maliit na bukid ang mga magulang ko, at doon nagmumula ang mga pangunahin naming pangangailangan. Sa Piquete ako nag-aral, kaya bumili ako ng lumang bisikleta para mas madali akong makapunta roon. Mahihirap ang tao sa lugar namin, pero malinis ito at bihira ang krimen. Karamihan sa mga lalaki ay nagtatrabaho sa isang pagawaan ng mga sandata para sa militar.

Masipag akong mag-aral kaya nakapasok ako sa Aeronautical Military School sa kalapít na lunsod. Noong 1966, nagtapos ako bilang sarhento. Di-nagtagal, nag-aral ako at nagtapos naman ng abogasya. Pagkaraan, nag-aplay ako bilang hepe ng pulisya. Noong 1976, pumasa ako sa pagsusulit ng gobyerno at napili para sa posisyong iyon. Kung minsan, kasama sa trabaho ko ang maging administrador sa bilangguan. Noong panahong iyon, madalas humingi ng permiso ang mga Saksi ni Jehova para makapangaral sa mga bilanggo. Lagi rin nila akong kinakausap tungkol sa Bibliya. Malaki ang paggalang ko sa Diyos. Natuwa ako nang malaman kong Jehova pala ang pangalan ng Diyos, at puwede natin siyang maging kaibigan.

Noong 1981, naipasa ko ang isa pang pagsusulit ng gobyerno at naging hukom ako. At noong 2005, itinalaga naman akong maging hukom sa court of appeals ng São Paulo.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Nang makatapos ako ng abogasya, sinimulan kong basahin ang Bibliya. Nabago nito ang takbo ng aking pag-iisip. Ako ay saradong Katoliko. May kamag-anak kaming obispo at mga pari, at tumutulong ako sa pari tuwing Misa. Bago siya magbigay ng sermon, binabasa ko muna ang ilang bahagi ng aklat-dasalan. Hindi nakagawian ng mga pamilyang Katoliko na magbasa ng Bibliya. Nadismaya si Inay nang malaman niyang nagbabasa ako ng Bibliya. Gusto niya akong tumigil dahil baka raw mabaliw ako. Pero hindi ko iyon pinansin; wala naman kasi akong nakikitang masama roon.

Dahil sa aking pagkamausisa, itinuloy ko ang pagbabasa ng Bibliya. Gusto ko kasing makaalam nang higit pa tungkol sa mga pari at sa kanilang papel sa simbahan. Nagbasa rin ako ng tungkol sa kilusan ng teolohiya sa pagpapalaya (liberation theology movement). Pero para sa akin, maraming butas ang mga pangangatuwiran ng mga tagapagtaguyod nito.

Binigyan din ako ng aking dentista, na isang Budista, ng isang aklat na ibinigay lang din sa kaniya. Ang pamagat ng aklat ay Did Man Get Here by Evolution or by Creation? * Tinanggap ko ang aklat dahil iniisip kong maganda itong basahin kasabay ng The Origin of Species, ni Charles Darwin. Mapuwersa, lohikal, at nakakakumbinsi ang mga argumento sa aklat na Did Man Get Here by Evolution or by Creation? Talaga ngang mabuway ang teoriya ng ebolusyon!

Lalo akong naging mausisa nang mabasa ko ang aklat na iyon tungkol sa paglalang. Gusto kong magkaroon ng iba pang mga aklat ng mga Saksi ni Jehova. May nakapagsabi sa akin na Saksi ni Jehova ang isang mekaniko sa aeronautics school. Kinausap ko siya, at binigyan niya ako ng ilang aklat. Pero hindi ko tinanggap noon ang alok na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi dahil iniisip kong kaya ko namang pag-aralan iyon nang mag-isa.

Nang magbasa ako ng Bibliya, naisip kong dahil may pamilya na ako, magandang kasama ko rin sila sa pagbabasa nito. Linggu-linggo, nag-aaral at nagbabasa kami ng Bibliya. Bilang mga Katoliko, mataas ang respeto ng aming pamilya sa mga pari at obispo. Kaya napaisip ako nang mabasa ko ang Juan 14:6: “Sinabi ni Jesus sa kaniya [alagad na si Tomas]: ‘Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.’” Matapos ko itong pag-aralang mabuti, nakumbinsi akong kay Jehova nagmumula ang kaligtasan sa pamamagitan ni Jesus. Pinaniwala kasi kaming sa mga pari nagmumula ang kaligtasan.

May dalawa pang teksto sa Bibliya na nagpabago sa pananaw ko sa Simbahang Katoliko at sa mga turo nito. Ang isa ay ang Kawikaan 1:7: “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng kaalaman. Ang karunungan at disiplina ang siyang hinahamak ng mga mangmang.” At ang isa pa ay ang Santiago 1:5: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta; at ibibigay ito sa kaniya.” Gustung-gusto ko talagang magkaroon ng kaalaman at karunungan, pero hindi ito naibibigay ng aking relihiyon. Kaya tumigil akong magsimba.

Noong 1980, nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ang asawa ko. Kapag nasa bahay ako, sumasama ako sa pag-aaral nila. Nang maglaon, nakipag-aral na rin ako ng Bibliya. Pero matagal pa bago kami nagdesisyong magpabautismo bilang Saksi ni Jehova. Nabautismuhan ang asawa ko noong 1994, at ako naman ay noong 1998.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Ang aming apat na anak ay napalaki naming mag-asawa ayon sa mga pamantayan ni Jehova. (Efeso 6:4) Ang dalawa kong anak na lalaki ay abalang-abala sa pangangalaga ng espirituwalidad ng mga Saksi sa kani-kaniyang kongregasyon. Ang dalawa ko namang anak na babae ay masisigasig na mángangarál. Maraming oras ang ginugugol ng asawa ko sa pagtuturo ng Bibliya sa iba, at ako naman ay masayang naglilingkod bilang elder sa aming kongregasyon.

Nang ako’y maging Saksi ni Jehova, mas lumalim ang pagkaunawa ko sa tama at mali. Bilang hukom, sinisikap kong tularan si Jehova kapag humahawak ako ng kaso sa korte. Isinasaalang-alang ko ang lahat ng bagay, nagiging makatuwiran ako, at kapag ipinahihintulot ng mga kalagayan, nagpapakita ako ng awa.

Marami na akong hinawakang kaso ng karahasan, pang-aabuso sa bata, at iba pang mabibigat na krimen. Gayunman, kapag nanonood ako ng balita, nasusuklam pa rin ako sa laganap na imoralidad at kasamaan sa daigdig. Buti na lang, tinulungan ako ni Jehova na maunawaan kung bakit dumarami ang krimen at kung paano magbabago ang kalagayang ito.

“Hindi Ako Nabago ng Bilangguan.”​—KEITH WOODS

ISINILANG: 1961

BANSANG PINAGMULAN: NORTHERN IRELAND

DATING TERORISTA

ANG AKING NAKARAAN: Ipinanganak ako noong 1961 sa Portadown, isang abalang bayan sa Northern Ireland. Protestante ang relihiyong kinagisnan ko, at lumaki ako sa isang housing estate na maraming nakatirang Katoliko at Protestante. Hiráp sa buhay ang karamihan sa mga pamilya rito, pero nagkakasundo naman kaming lahat.

Hindi ko ipinagmamalaki ang naging buhay ko noon. Noong 1974, nasangkot ako sa “Troubles,” o mga kaguluhan sa relihiyon at pulitika sa Northern Ireland. Naging magulo rin sa aming lugar. Halimbawa, isang gabi, habang sinasanay ni Itay, na isang manedyer sa Ulster Carpet Factory, ang dalawang kabataang Katoliko na kapitbahay namin, may naghagis ng bomba sa loob ng bahay nila. Namatay ang kanilang tatay, nanay, at kapatid.

Lalong lumala ang mga sitwasyon. Sa mga lugar na maraming Katoliko, sinusunog ang bahay ng mga Protestante. Sa mga lugar naman ng Protestante, ginugulo ang mga Katoliko. Sa lugar namin, halos puro Protestante na lang ang natira. Di-nagtagal, inaresto ako at hinatulang makulong ng tatlong taon dahil nasangkot ako sa mga pambobomba.

Habang nakakulong, naging matalik kong kaibigan ang isang kilaláng loyalist. Para kaming magkapatid, at best man niya ako nang ikasal siya. Hindi ako nabago ng bilangguan, gayundin ang kaibigan ko. Nang makalaya kami, bumalik kami agad sa aming pulitikal na mga gawain na mas pinatindi pa namin. Dahil diyan, nakulong ulit ang kaibigan ko. At habang nasa bilangguan, pinatay siya.

Pinuntirya rin ako noon. May pagkakataon pa ngang pinasabog ang kotse ko. Pero lalo lang akong naging determinado na ipaglaban ang aking mga paniniwala.

Nang panahon ding iyon, tumulong ako sa paggawa ng isang dokumentaryo tungkol sa “Troubles,” na ipinalabas sa mga telebisyon sa Britanya. Dahil dito, nadagdagan ang mga problema ko. Isang gabi, pag-uwi ko, nadiskubre kong iniwan na ako ng aking asawa. Pagkatapos, kinuha naman sa akin ng isang ahensiya ang anak ko. Natatandaan ko pa na habang nakaharap sa salamin, sinabi ko sa Diyos na kung talagang totoo siya, tulungan niya ako.

Nang sumunod na Sabado, nakita ko ang kakilala kong si Paul, na isa nang Saksi ni Jehova. Kinausap niya ako tungkol sa Bibliya. Makalipas ang dalawang araw, pinadalhan niya ako ng Ang Bantayan. Sinipi sa isang artikulo sa magasing iyon ang sinabi ni Jesus sa Juan 18:36: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagapaglingkod ko upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.” Nabago ng mga pananalitang iyan ang buhay ko.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Sinimulan akong turuan ni Paul tungkol sa Bibliya. Nang maglaon, ipinagpatuloy ito ni Bill na isa ring Saksi. Napakarami kong tanong. Kapag nagba-Bible study kami, nagsasama rin ako ng mga ministro ng ibang relihiyon para patunayang mali si Bill. Pero nakita ko ang katotohanan ng Salita ng Diyos.

Minsa’y sinabi ko kay Bill na huwag nang pumunta sa bahay para sa aming pag-aaral dahil may mga barikada sa lugar namin at tiyak na aagawin at susunugin ang kotse niya. Pero tumuloy pa rin si Bill sakay ng kaniyang bisikleta. Wala nga naman kasing magkakainteres sa bisikleta niya! Sa isa namang pagkakataon, inaresto ako ng mga pulis at militar samantalang nagba-Bible study kami ni Bill. Habang bitbit nila ako palabas, sumigaw si Bill at nagsabing magtiwala ako kay Jehova. Tumatak sa isip ko ang dalawang pangyayaring iyon.

Noong una akong dumalo ng pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, malamang na nagulat ang ilan sa kanila. Mahaba kasi ang buhok ko, nakahikaw, at nakasuot ng leather jacket na pagkakakilanlan ng aming pulitikal na grupo. Pero pinakitunguhan ako nang maayos ng mga Saksi. Hinding-hindi ko malilimutan ang kabaitan nila.

Kahit nag-aaral na ako ng Bibliya, hindi pa rin ako kumakalas sa mga dati kong kaibigan. Pero unti-unting tumagos sa puso ko ang mga katotohanan sa Bibliya. Kung gusto kong paglingkuran si Jehova, naisip kong dapat kong baguhin ang pangmalas ko sa pulitika at iwan ang dati kong mga kaibigan. Hindi iyon madali. Pero nagawa kong magbago habang natututo ako sa Bibliya at kumukuha ng lakas kay Jehova. Nagpagupit ako, nag-alis ng hikaw, at bumili ng amerikana. Naging maganda rin ang pakikitungo ko sa iba.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Nabuhay ako noon sa karahasan at terorismo. Markado ako sa mga tagapagpatupad ng batas sa aming lugar. Pero iba na ngayon. Halimbawa, noong una akong dumalo sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa bayan ng Navan, kailangan pang may eskort akong mga awtoridad papunta roon at pabalik ng Northern Ireland. Pero ngayon, wala na akong eskort. Malaya na rin akong nakapangangaral kasama nina Paul at Bill at ng iba pang Saksi sa lugar namin.

Nakapagbagong-buhay ako at naging bahagi ng kongregasyon. Doon ko nakilala ang Saksing si Louise, at nagpakasal kami. Nakasama ko na ring muli ang aking anak.

Kapag naiisip ko ang dati kong buhay, pinagsisisihan kong nakasakit ako ng iba. Pero sa tulong ng Bibliya, ang buhay ng isang taong naligaw ng landas na gaya ko ay maaaring magbago tungo sa isang buhay na may layunin at pag-asa.

[Talababa]

^ par. 12 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na inililimbag.

[Blurb sa pahina 12]

Nadismaya si Inay nang malaman niyang nagbabasa ako ng Bibliya