Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Liham Mula sa Gresya

Pangangaral sa Pinakadulong Timog ng Europa

Pangangaral sa Pinakadulong Timog ng Europa

HABANG papalayo ang aming bangka, unti-unting naglalaho sa aming paningin ang kahanga-hangang Kabundukan ng Levká sa isla ng Crete. Patungo kami sa isang maliit na talampas sa Mediteraneo. Labintatlo kaming sakay ng bangka, at sabik na kaming mangaral sa isla ng Gavdos. Gatuldok lang ito sa mapa, at nasa pinakadulong timog ng Europa.

Akala namin, magiging maganda ang aming paglalayag dahil tag-araw naman noon. Pero biglang lumakas ang hangin at naging maalon ang dagat. Samantalang hilung-hilo, naalaala ko si apostol Pablo, na nakaranas din ng malakas na bagyo sa mismong dagat na ito daan-daang taon na ang nakalipas​—noong ang Gavdos ay tinatawag pang Cauda. (Gawa 27:13-17) Iniisip kong sana’y makarating kami nang ligtas sa Gavdos.

Trypití Cape, ang pinakadulong timog ng Europa

Sa wakas, natanaw na rin namin ang aming destinasyon, isang mabatong isla na may mga bangin sa gilid. Mga 300 metro lang ang taas nito at may sukat na halos 26 na kilometro kuwadrado. Ang malaking bahagi nito ay natatamnan ng mayayabong na pine tree at mga palumpong. Sa ilang bahagi naman, mga punong juniper ang makikita hanggang sa dalampasigan.

May panahong umabot nang mga 8,000 ang naninirahan sa islang ito. Pero sa ngayon, wala pang 40 ang permanenteng nakatira dito. Waring napag-iwanan ng panahon ang Gavdos. Kahit madalas na may dumaraang mga cargo ship sa baybayin nito, madalang ang biyahe ng ferry papunta’t pabalik ng Crete. Kadalasa’y naaatraso o nakakansela pa nga iyon dahil sa masamang lagay ng panahon.

Layunin naming masabi sa mga taga-Gavdos ang isang bagay na magpapasaya at magpapatibay sa kanila​—isang tiyak na pag-asa tungkol sa magandang kinabukasan at pangakong buhay na walang hanggan na may perpektong kalusugan. Habang papadaong ang aming bangka, lalo kaming nasabik na masabi ang dala naming mabuting balita.

Mga apat at kalahating oras din kaming naglayag sa maalong dagat, kaya kitang-kita sa mapuputla naming mukha ang hirap na aming pinagdaanan. Pero nang makaidlip na kami at makapagkape, okey na kami. Pinag-usapan namin sandali ang tungkol sa paglalakbay ni apostol Pablo, taimtim na nanalangin, at humanda na sa pangangaral.

Palakaibigan at mapagpatuloy ang mga taga-Gavdos. Pinapapasok nila kami sa kanilang bahay at pinamemeryenda. Bukod sa pagsasabi sa kanila ng mabuting balita mula sa Bibliya, tinutulungan din namin sila sa ilang praktikal na paraan. Habang nakikipag-usap sa isang babae sa puwesto nito sa negosyo, napansin ng kasamahan namin, na isang elektrisyan, ang sirang appliance at nagprisinta siyang ayusin iyon. Natuwa ang babae. Tinanggap niya ang literatura sa Bibliya na inialok namin at pinuri kami pati na ang aming pangangaral. Sinabi naman ng isa pang babae, “Ang gawain n’yo ay mula sa Diyos, hindi sa tao, at kitang-kita ’yon dahil sumadya pa kayo sa liblib na lugar na ito para mangaral.”

Napansin naming gustung-gusto ng mga tagaroon ang dala naming mga literatura sa Bibliya. Isang lalaking tumanggap ng mga magasing Bantayan at Gumising! ang humingi pa ng ilang literatura para may mabasa siya sa panahon ng taglamig. Ang isa namang lalaki ay humingi ng ilang literatura hindi lang para sa kaniyang sarili, kundi para may mabasa rin ang mga kostumer niya sa shop. Ibinigay niya sa amin ang kaniyang adres para mapadalhan namin siya ng mga magasin buwan-buwan. Hangang-hanga naman ang isang pamilya nang ipakita sa kanila na ang maliit nilang isla ay binanggit sa Bibliya. Tumanggap din sila ng aming mga magasin.

Sarakíniko Bay, kung saan makikita ang isang gusali na pinagdalhan sa mga ipinatapon at isang plake bilang paggunita sa kanila

Talagang napatibay kami ng gayong mga karanasan. Gayunman, ang Gavdos ay nagpaalaala rin ng malungkot na pangyayari sa ilan sa amin. Malapit sa Sarakíniko Bay, may isang gusali na dating pinagdadalhan ng mga ipinatapon dahil sa pulitika. Si Emmanuel Lionoudakis, isang Saksi ni Jehova, ay ipinatapon dito noong mga huling taon ng dekada ’30 dahil sa kaniyang pangangaral. * Ang Gavdos daw noon ay “isang tigang na isla na pinamumugaran ng makamandag na mga alakdan, kung saan marami . . . ang namamatay sa gutom, kahirapan at sakit, anupat angkop itong tawaging isla ng kamatayan.” Si Lionoudakis ay nangingisda para may makain, bagaman abala rin siya sa pangangaral sa ibang mga bilanggo dahil siya lang ang Saksi roon. Parang kinurot ang puso ng kaniyang anak na babae, manugang, at apo nang makita nila ang tinuluyan niya mga 70 taon na ang nakararaan. Naging inspirasyon sa amin ang kaniyang katapatan at sigasig sa pangangaral.

Para sa mga ipinatapon sa Gavdos, hindi ito isang paraiso. Pero para sa amin, isa itong magandang lugar dahil nakapangaral kami sa bawat sulok ng isla at nakapamahagi ng 46 na magasin at 9 na brosyur sa mga tagaroon. Sana’y madalaw naming muli ang aming mga bagong kaibigan!

Ang bilis ng oras, dapat na pala kaming umuwi. Pero masungit na naman ang panahon, kaya hindi natuloy ang alis namin ng 5:00 n.h. Hatinggabi na nang sumakay kami ng bangka, anupat inihanda ang aming sarili sa isa na namang mahirap na biyahe. Sa wakas, nakaalis kami ng 3:00 n.u., at matapos naming suungin ang malalaking alon sa dagat sa loob ng limang oras, nakarating din kami sa Crete. Kahit pagód na pagód kami at nangangatog pa ang mga tuhod nang bumaba ng bangka, masaya naman kami dahil naipakilala namin ang pangalan ni Jehova sa isla ng Gavdos. (Isaias 42:12) Wala kaming pinagsisisihan. Malilimutan din namin ang mga hirap na aming dinanas, pero ang magagandang alaala ng biyaheng ito ay tiyak na mapapaukit sa aming puso.

^ par. 11 Para sa talambuhay ni Emmanuel Lionoudakis, tingnan ang Bantayan, Setyembre 1, 1999, pahina 25-29.