Ang Kapangyarihan ng Salita ng Diyos sa Isang Pamilyang Hindu
HINDING-HINDI ko malilimutan ang sama-samang pag-aalmusal ng aming pamilya noong Lunes ng Agosto 22, 2005. May malaking tumor ako sa utak, at nasa peligro ang buhay ko. Pagkapanalangin ng asawa kong si Krishna, kinausap ko ang aming pamilya.
“Magpapaopera ako at napakadelikado nito,” ang paliwanag ko, “kaya ihanda ninyo ang inyong sarili sa anumang puwedeng mangyari. Inihanda ko na ang lahat para sa libing ko, sakaling mamatay ako. Para sa inyo na sumasamba na kay Jehova, huwag sana kayong titigil. Sa inyo naman na mga hindi pa, nakikiusap akong mag-aral na kayo ng Bibliya at dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Tulad ko, makapagtitiwala rin kayo sa pagdating ng isang bagong sanlibutan kung saan ang tunay na mga mananamba ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman sa paraisong lupa at hindi na magkakasakit.”
Bago ko ikuwento ang mga nangyari pagkatapos ng operasyon ko, gusto ko munang sabihin sa inyo ang ilang bagay tungkol sa akin at kung paano ko nakilala ang tunay na Diyos.
Isang Pamilyang Hindu
Ang aming pamilya ay nakatira sa isang malaking bahay na yari sa kahoy at bakal sa isang burol sa baybaying lunsod ng Durban, South Africa. Para makarating sa tarangkahan ng aming bahay, kailangan muna naming akyatin ang isang hagdanang may 125 baytang mula sa isang kalsada sa ibaba ng burol. Pagkaakyat ng hagdanan, dadaan kami sa isang maikling landas na may mga halaman sa magkabilang panig bago makarating sa tarangkahang bakal. Sa isang panig ng tarangkahan, makikita ang dambana ng lola ko. Ito ay punô ng mga larawan at imahen ng mga diyos ng Hindu. Sinabi sa akin ni Lola na ako raw ay “anak ng dambana” (mandir kī baccā, sa Hindi) dahil ang mga diyos namin ang nagpangyaring maipanganak ako. Sa kabilang panig naman ng dambana, may makintab na pulang hagdanan papunta sa pinto ng aming bahay. Malaki ang bahay namin. Mayroon itong mahabang pasilyo, malaking kusina na may de-uling na kalan, pitong kuwarto, at isa pang kuwarto na karugtong ng bahay. Dalawampu’t pito kaming nakatira doon, kasama sina Lolo’t Lola, si Itay, ang kaniyang tatlong nakababatang kapatid na lalaki, ang kaniyang bunsong kapatid na babae, at ang kani-kanilang pamilya.
Hindi madaling tustusan ang gayon kalaking pamilya na sama-samang nakatira sa iisang bahay. Pero marami kaming masasayang alaala. Magkakatulong sa gawaing bahay ang apat na manugang na babae, kasama ang nanay kong si Gargee Devi. Naghahalinhinan sila sa pagluluto at paglilinis. Si Lolo ang ulo ng tahanan, at siya ang bumibili ng pagkain para sa buong pamilya. Tuwing Miyerkules, namamalengke sina Lolo’t Lola at bumibili ng karne, prutas, at gulay para sa isang linggong pagkain namin. Karaniwan nang nauupo kami sa lilim ng isang pine tree kung saan matatanaw ang ibaba ng burol para hintayin ang pag-uwi nila. Kapag nakita na namin silang bumababa sa bus bitbit ang malalaking basket, tumatakbo na kami pababa sa 125-baytang na hagdanan para tulungan sila sa pagbubuhat.
Sa aming hardin, may isang mataas na puno ng palma na may pugad ng mga mayna. Nakikita namin silang pabalik-balik sa pugad at
naririnig ang kanilang mga huni. Madalas na nauupo si Lola sa hagdanan sa may pinto ng bahay at nagkukuwento sa amin, na para bang ipinaliliwanag ang huni ng mga mayna. Napakarami kong magagandang alaala sa bahay na iyon! Nagtatawanan kami, nag-iiyakan, naglalaro, nagbibigayan—masaya kami bilang isang malaking pamilya. Higit sa lahat, dito kami natuto tungkol sa ating Maylalang, si Jehova, at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.Bago namin nakilala si Jehova, marami kaming ritwal sa araw-araw bilang mga Hindu. Regular din kaming nagkakaroon ng malalaking selebrasyon, at nag-aanyaya ng mga bisita para sumamba sa iba’t ibang diyos at diyosa. Sa ilang selebrasyong ito, nawawala sa diwa si Lola at nakakausap ang mga espiritu. Pagsapit ng hatinggabi, may mga hayop na inihahandog para payapain ang mga espiritung iyon. Kilalang-kilala rin si Lolo sa aming komunidad dahil sa kaniyang pagkakawanggawa para sa mga pampublikong paaralan at mga dambana ng Hindu.
Kung Paano Namin Nalaman ang Katotohanan Tungkol kay Jehova
Noong 1972, nagkasakit si Lolo at namatay. Pagkalipas ng ilang buwan, si Tiya Indervathey, kilala rin bilang Jane, ay tumanggap ng mga magasing Bantayan at Gumising! mula sa dalawang Saksi ni Jehova. Nakonsiyensiya siya dahil hindi man lang niya pinatuloy ang mga ito para makausap sila. Lagi kasi naming itinataboy ang mga Saksi. Pero nang dumalaw ulit ang mga ito, pinatuloy na sila ng tiyahin ko. Ipinakipag-usap niya sa kanila ang tungkol sa paglalasing ng tiyuhin ko. Pinapayuhan na nga siya ng aming mga kapitbahay at kamag-anak na makipagdiborsiyo. Ipinaliwanag ng mga Saksi kung ano ang pangmalas ng Diyos sa pag-aasawa. (Mateo 19:6) Humanga si Tiya sa payo ng Bibliya at sa pangako nitong isang magandang buhay sa lupa. * Nagpasiya siyang huwag nang hiwalayan si Tiyo, at nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Habang nag-aaral sila sa sala, nakikinig naman ang iba pang manugang na babae mula sa kani-kanilang kuwarto.
Nang maglaon, sumama na rin sa pag-aaral ng Bibliya ang lahat ng manugang na babae. Sinimulan nang ibahagi ni Tiya Jane ang kaniyang natututuhan at madalas niyang binabasa at ipinaliliwanag sa amin ang mga kuwento mula sa aklat na Pakikinig sa Dakilang Guro. * Nang malaman ng mga tiyuhin ko na nag-aaral ng Bibliya ang mga tiyahin ko, nagalit sila. Kinuha ng isang tiyuhin ko ang lahat ng aming literatura, pati na ang Bibliya, at sinunog ang mga ito. Pinagsasalitaan nila kami ng masama at sinasaktan kapag dumadalo kami sa mga pulong. Si Itay lang ang hindi nagalit; hindi siya tumutol sa aming pag-aaral tungkol kay Jehova. Ang lahat ng manugang na babae ay patuloy na dumalo sa mga pulong at umibig sa Diyos na Jehova.
Noong 1974, nabautismuhan si Tiya Jane bilang Saksi ni Jehova. Di-nagtagal, nabautismuhan din si Inay at ang iba ko pang tiyahin. Nang maglaon, iniwan na ni Lola ang mga relihiyosong gawain ng mga Hindu. Sa loob ng maraming taon, sumasama-sama lang ako sa pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Minsan, sa isang malaking kombensiyon ng mga Saksi ni
Jehova, tinanong ako ng Saksing si Shameela Rampersad, “Kailan ka magpapabautismo?” Sumagot ako, “Hindi ako puwede dahil wala pa namang nagtuturo sa akin ng Bibliya.” Sinabi niyang siya ang magtuturo sa akin. Nang sumunod na kombensiyon, noong Disyembre 16, 1977, nabautismuhan ako. Nang maglaon, 18 na sa 27 miyembro ng aming pamilya ang nabautismuhan. Pero noong operahan ako, ang tatay kong si Sonny Deva ay isa pa ring Hindu.“Huwag Kayong Mabalisa sa Anumang Bagay”
Malaking tulong sa akin ang sinasabi sa Filipos 4:6, 7, lalo na noong matuklasang may malaking tumor ako sa utak. Sinasabi roon: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Napakahirap na hindi “mabalisa sa anumang bagay,” lalo na kung may nagsabi sa iyo na posible kang mamatay anumang oras. Napaiyak ako noong una, pagkatapos ay nanalangin ako kay Jehova. Mula noon, nakadama ako ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”
Parang hinawakan ng Diyos na Jehova ang aking kanang kamay, at nadama kong hindi niya ako iniwan. (Isaias 41:13) Binigyan niya ako ng lakas ng loob na maipaliwanag sa mga doktor ang aking paninindigang sundin ang utos ng Bibliya na umiwas sa dugo. (Gawa 15:28, 29) Dahil dito, pumayag ang mga doktor na operahan ako nang walang pagsasalin ng dugo. Pagkatapos ng operasyon, sinabi ng doktor na tagumpay ito at naalis na ang buong tumor. Sinabi rin niya na ngayon lang siya nakakita ng pasyenteng napakabilis na naka-recover pagkatapos ng isang maselang operasyon sa utak.
Pagkaraan lang ng tatlong linggo, nakapagturo na ako ng Bibliya sa iba mula sa aking higaan. Bago mag-ikawalong linggo, nakapagmaneho na ulit ako, nakapangaral, at nakadalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Salamat sa tulong ng aking mga kapatid na Kristiyano na nakasama ko sa pangangaral. Tiniyak nilang hindi ako nag-iisa at ligtas na nakauuwi sa bahay. Nakatulong din sa aking mabilis na paggaling ang pakikinig sa mga rekording ng Bibliya at pagtutuon ng pansin sa aking espirituwalidad.
Natuwa rin ako nang malaman kong pagkatapos ng aking operasyon, pumayag na si Itay na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Nabautismuhan siya sa edad na 73 at masigasig na naglilingkod ngayon kay Jehova. Mahigit 40 sa mga kamag-anak namin ang sumasamba na rin kay Jehova. Bagaman naapektuhan ang kaliwang paningin ko at metal na lang ang nakasuporta sa aking bungo, alam kong ‘babaguhin ni Jehova ang lahat ng bagay’ sa paraisong lupa, at pinananabikan ko iyon.—Apocalipsis 21:3-5.
Pinagpala ako ng Diyos na Jehova ng isang mapagmahal na asawa na naglilingkod bilang isang Kristiyanong tagapangasiwa, at ng isang magandang anak, si Clerista, na katulong ko sa aking patuloy na paglilingkod bilang buong-panahong mángangarál. Pinagpala rin ni Jehova ang aking ministeryo. Natulungan ko ang marami sa aking mga estudyante sa Bibliya na maranasan din ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos. Mahigit 30 sa kanila ang nag-alay ng kanilang sarili sa Diyos at nagpabautismo.
Nag-uumapaw ang aking puso sa pag-asa at pananabik sa panahong sasagipin na tayo ng Diyos na Jehova mula sa malupit na sistemang ito at aakayin patungo sa isang paraisong lupa.
^ par. 12 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa layunin ng Diyos para sa lupa, tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 13 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na ngayon inililimbag.