Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

“Ang Sinauna sa mga Araw ay Umupo”

“Ang Sinauna sa mga Araw ay Umupo”

“WALANG taong nakakita sa Diyos kailanman,” ang sabi ng Bibliya. (Juan 1:18) Napakaluwalhati ng anyo ng Diyos, anupat walang nilalang sa lupa ang makakakita sa kaniya at mabubuhay pa. (Exodo 33:20) Pero sa ilang iniulat na pangyayari, binigyan ni Jehova ang ilang lalaki ng pangitain tungkol sa langit. Isa na riyan si propeta Daniel. Talagang nakadama siya ng matinding paggalang dahil sa kaniyang nakita​—at dapat na gayundin tayo. Pansinin kung paano inilarawan ni Daniel ang kaniyang nakita sa pangitain. *​—Basahin ang Daniel 7:9, 10.

“Ang Sinauna sa mga Araw.” Ang titulong iyan, na si Daniel lang ang gumamit, ay nagpapahiwatig ng “isa na may kalaunan na (o matanda na) sa mga araw.” (Daniel 7:9, 13, 22) Gaano na ba katagal umiiral si Jehova? Yamang siya ang “Haring walang hanggan,” napakatagal na panahon na siyang umiiral​—at patuloy siyang iiral magpakailanman. (1 Timoteo 1:17; Judas 25) Tinitiyak sa atin ng walang-hanggang pag-iral ng Diyos na walang limitasyon ang kaniyang karunungan, yamang iniuugnay ng Bibliya ang edad sa karunungan. (Job 12:12) Siyempre pa, ang ideya ng walang-hanggang pag-iral ng Diyos ay hindi natin lubusang mauunawaan.​—Roma 11:33, 34.

Pansinin na ang Sinauna sa mga Araw ay “umupo.” Bakit? Makatutulong sa atin ang katabing mga talata dahil gumamit ang mga ito ng mga salitang gaya ng “Hukuman” at “kahatulan.” (Daniel 7:10, 22, 26) Kaya sa pangitaing ito, si Jehova ay umupo bilang isang Hukom. Sino ang hahatulan niya? Ang mga bansa sa lupa na una nang inilarawan sa pangitain ni Daniel bilang mga hayop. * (Daniel 7:1-8) Anong uri ng Hukom si Jehova?

“Ang kaniyang pananamit ay puti na parang niyebe, at ang buhok ng kaniyang ulo ay gaya ng malinis na lana.” Ang puti ay simbolo ng pagiging matuwid at dalisay. Ang ilang uri naman ng lana ay puti rin. Kaya ang buhok na gaya ng lana ay maputi. Naiisip mo ba kung ano ang nakita ni Daniel? Para mo na rin bang nakikita ang isang Hukom na puti ang buhok at marahil ay may mahabang damit na puting parang niyebe? Ang mga paglalarawang iyan ay katiyakan na ang mga kahatulan ni Jehova ay matuwid at matalino. Siya ang uri ng Hukom na nararapat sa ating lubos na pagtitiwala at paggalang.

Siya ang uri ng Hukom na nararapat sa ating lubos na pagtitiwala at paggalang

“May isang libong libu-libo na patuloy na naglilingkod sa kaniya, at sampung libong tigsasampung libo na patuloy na nakatayo sa mismong harap niya.” Sino ang mga lingkod na iyan? Tinutukoy ng Bibliya ang mga anghel bilang “kaniyang [Diyos] mga lingkod.” (Awit 104:4) Marahil ay daan-daang milyon ang anghel ng Diyos, at abalang-abala sila sa ‘pagtupad ng kaniyang salita’ at ‘paggawa ng kaniyang kalooban.’ (Awit 103:20, 21) Hindi ba’t isang katibayan iyan ng walang-limitasyong karunungan ng Diyos? Bukod kay Jehova, may iba pa bang makapag-oorganisa sa ganiyan kalaking hukbo sa langit sa loob ng napakahabang panahon?

Ang pangitain ni Daniel ay nag-uudyok sa atin na magtiwala kay Jehova, ang Sinauna sa mga Araw. Ang kaniyang mga kahatulan ay matuwid, at ang kaniyang karunungan ay mapagkakatiwalaan. Bakit hindi mo alamin kung paano ka higit na mápapalapít sa kaniya?

Pagbabasa ng Bibliya para sa Oktubre:

Daniel 4-12Oseas 1-14

^ par. 1 Hindi literal na nakita ni Daniel ang Diyos. Sa halip, ginawa ng Diyos na maging buháy na buháy sa isipan ni Daniel ang kaniyang nakikita. Kaya nang ilarawan ni Daniel ang kaniyang nakita, gumamit siya ng makasagisag na mga pananalita, gaya ng anthropomorphism​—ang pag-uukol ng mga katangiang pantao sa Diyos. Ang mga iyan ay nakatutulong para mailarawan ang Diyos sa paraang nauunawaan natin, at hindi dapat ituring na literal.

^ par. 3 Para sa pagtalakay ng pangitain ni Daniel tungkol sa mga hayop, tingnan ang kabanata 9 ng aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.