Alam Mo Ba?
Anong klaseng panulat at tinta ang ginamit noong panahon ng Bibliya?
Sa pagtatapos ng ikatlo sa kaniyang tatlong liham na nasa Bibliya, sinabi ni apostol Juan: “Marami akong mga bagay na isusulat sa iyo, gayunma’y hindi ko nais na patuloy kang sulatan sa tinta at panulat.” Ang literal na salin ng orihinal na mga salitang Griego na ginamit ni Juan ay nagpapahiwatig na ayaw niyang patuloy na sumulat gamit ang “itim [tinta] at tambo.”—3 Juan 13, The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures.
Ang panulat ng eskriba ay isang matigas na tangkay ng halamang tambo. Ang isang dulo nito ay pinuputol nang pahilis at hinihiwaan sa pinakatulis nito. Puwedeng patulising muli ng eskriba ang dulo nito gamit ang isang batong mula sa bulkan. Ang panulat na tambo ay maihahalintulad sa fountain pen sa ngayon.
Ang tinta, o “itim,” ay kadalasan nang gawa sa pinaghalong abo at malagkit na dagta, na nagsisilbing pandikit. Ang tintang ito ay tuyô kapag ipinagbibili at kailangang haluan ng tamang dami ng tubig bago gamitin. Natutuyo ito sa ibabaw ng papiro o pergamino at hindi ito tumatagos. Kaya madaling naiwawasto ng sumusulat ang anumang pagkakamali gamit ang isang basáng espongha, na isa rin sa mga kagamitan ng eskriba. Ipinaliliwanag ng detalyeng ito kung ano ang maaaring nasa isip ng mga manunulat ng Bibliya nang banggitin nila ang tungkol sa pagpawi, o pag-aalis, ng mga pangalan mula sa aklat ng alaala ng Diyos.—Exodo 32:32, 33; Apocalipsis 3:5, Kingdom Interlinear.
Anong klaseng mga tolda ang ginagawa noon ni apostol Pablo?
Sinasabi sa Gawa 18:3 na si apostol Pablo ay manggagawa ng tolda. Noong panahon ng Bibliya, ang mga manggagawa ng tolda ay naghahabi ng mga balahibo ng kamelyo o kambing para maging mga piraso ng tela. Pagkatapos, tinatahi nila ang mga ito para gawing tolda ng mga manlalakbay. Pero karamihan sa mga tolda noong panahong iyon ay yari sa katad. Ang iba naman ay yari sa lino na ginagawa sa Tarso, ang bayan ni Pablo. Maaaring isa sa mga materyales na ito, o lahat ng ito, ang ginamit ni Pablo. Pero noong magkasama sila ni Aquila, si Pablo ay maaaring gumawa ng mga linong pananggalang sa sinag ng araw na ginagamit sa mga pribadong bahay.
Malamang na natutuhan ni Pablo ang trabahong ito noong kabataan niya. Makikita sa mga papiro mula sa Ehipto na noong panahon ng pananakop ng mga Romano, natututo nang magtrabaho ang mga kabataang 13 anyos. Kung sa edad na iyan nagsimulang magtrabaho si Pablo, pagtuntong niya ng 15 o 16, maaaring eksperto na siya sa pagtabas ng kaniyang materyales at pagtahi sa mga ito gamit ang iba’t ibang pambutas at mga teknik sa pananahi. “Nang matuto na si Pablo, maaaring binigyan na siya ng kaniyang sariling mga kagamitan,” ang sabi ng aklat na The Social Context of Paul’s Ministry. “Dahil mga kutsilyo lang at pambutas ang kailangan,” ang sabi pa ng aklat, “ang paggawa ng tolda ay isang praktikal na trabaho,” isa na makatutustos kay Pablo sa paglalakbay niya bilang misyonero.