Matuto Mula sa Salita ng Diyos
Maglalaan Ba ang Diyos ng Isang Pandaigdig na Gobyerno?
Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.
1. Bakit kailangan ng mga tao ang isang pandaigdig na gobyerno?
Sa ngayon, ang mga problema ng tao ay kadalasan nang pambuong daigdig. Sa ilang bansa, karamihan ay mahihirap at inaapi. Sa ibang mga bansa naman, marami ang parang saganang-sagana sa buhay. Kung may isang pandaigdig na gobyerno, maipamamahagi nang patas ang likas na yaman ng lupa.—Basahin ang Eclesiastes 4:1; 8:9.
2. Kanino maipagkakatiwala ang pandaigdig na gobyerno?
Hindi katanggap-tanggap sa marami ang ideya na isa lang ang mamamahala sa daigdig dahil wala namang sinumang tao na makagagawa nito. Isa pa, karaniwan nang nagiging tiwali ang isang tao kapag may awtoridad na siya. Nakakatakot isipin na isang mapaniil na pinuno ang mamamahala sa lahat ng tao.—Basahin ang Kawikaan 29:2; Jeremias 10:23.
Pinili ng Diyos na Jehova ang kaniyang Anak, si Jesus, para mamahala magpakailanman sa lahat ng tao. (Lucas 1:32, 33) Naranasan ni Jesus na mamuhay sa lupa. Nagpagaling siya ng maysakit, nagturo sa maaamo, at gumugol ng panahon sa mga bata. (Marcos 1:40-42; 6:34; 10:13-16) Kaya si Jesus ang karapat-dapat na maging Tagapamahala natin.—Basahin ang Juan 1:14.
3. Posible ba ang isang pandaigdig na gobyerno?
Inatasan ng Diyos ang kaniyang Anak na mamahala sa lupa mula sa langit. (Daniel 7:13, 14) Kung paanong ang isang taong tagapamahala ay hindi naman kailangang nasa lahat ng lunsod na kaniyang nasasakupan, hindi rin kailangang nasa lupa si Jesus para mapamahalaan ang mga tao.—Basahin ang Mateo 8:5-9, 13.
Tatanggapin ba ng lahat si Jesus bilang Tagapamahala? Hindi. Ang mga tao lang na umiibig sa kabutihan ang tatanggap sa kaniya. Aalisin ni Jehova sa lupa ang mga tumatanggi sa maibigin at makatuwirang Tagapamahala na inatasan niya.—Basahin ang Mateo 25:31-33, 46.
4. Ano ang gagawin ng pandaigdig na Tagapamahala?
Gaya ng pagtitipon ng isang pastol sa kaniyang mga tupa, tinitipon na ni Jesus ang maaamong tao mula sa lahat ng bansa at tinuturuan sila tungkol sa pag-ibig ng Diyos. (Juan 10:16; 13:34) Ang mga taong ito ay nagiging masisigasig na tagasuporta ni Jesus at ng kaniyang paghahari. (Awit 72:8; Mateo 4:19, 20) Sa buong daigdig, ang mga tapat na sakop ni Jesus ay nagkakaisa sa paghahayag na si Jesus ay Hari na.—Basahin ang Mateo 24:14.
Malapit nang kumilos si Jesus para sagipin ang mga tao mula sa tiwaling gobyerno. Pumili siya ng ilan sa kaniyang tapat na mga tagasunod para mamahala sa lupa bilang mga haring kasama niya sa langit. (Daniel 2:44; 7:27) Sa pamamagitan ng Kaharian ni Jesus, ang lupa ay mapupuno ng kaalaman tungkol kay Jehova at magiging paraiso na gaya ng naiwala noong pasimula ng kasaysayan ng tao.—Basahin ang Isaias 11:3, 9; Mateo 19:28.