European Court—Pinagtibay ang Karapatang Tumangging Maglingkod sa Militar
ANG mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ay kilalá sa pagiging neutral sa pulitika at digmaan. Naninindigan sila na dapat nilang ‘pukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’ at hindi sila dapat ‘mag-aral pa ng pakikipagdigma.’ (Isaias 2:4) Hindi nila pinipigilan ang mga gustong maglingkod sa hukbong militar. Pero paano kung ang isang Saksi ay inoobliga ng kaniyang bansa na maglingkod sa militar kahit na labag ito sa kaniyang budhi? Iyan ang nangyari kay Vahan Bayatyan.
Mga Pangyayari Bago Makarating ang Kaso sa European Court
Si Vahan ay isinilang sa Armenia noong Abril 1983. Noong 1996, siya at ang iba niyang kapamilya ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nabautismuhan siya sa edad na 16. Dahil sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya, lumalim ang paggalang ni Vahan sa mga turo ni Jesu-Kristo, pati na sa utos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na huwag humawak ng sandata. (Mateo 26:52) Kaya di-nagtagal pagkatapos ng kaniyang bautismo, napaharap si Vahan sa isang mahirap na desisyon.
Ayon sa batas ng Armenia, ang lahat ng kabataang lalaki ay obligadong maglingkod sa militar pagtuntong nila ng 18. Kapag tumanggi sila, maaari silang ibilanggo nang hanggang tatlong taon. Gustong paglingkuran ni Vahan ang kaniyang mga kababayan. Pero ayaw naman niyang labagin ang kaniyang budhing sinanay sa Bibliya. Ano kaya ang ginawa niya?
Nang malapit na siyang tawagin para maglingkod sa militar noong 2001, nagsimula nang sumulat si Vahan sa mga awtoridad sa Armenia. Binanggit niya sa kaniyang mga sulat na ang gayong paglilingkod ay labag sa
kaniyang budhi at relihiyosong mga paniniwala. Binanggit din niya na handa naman siyang gumawa ng serbisyong pansibilyan bilang kapalit.Sa loob ng mahigit isang taon, patuloy na umapela si Vahan sa mga awtoridad. Pero noong Setyembre 2002, si Vahan ay inaresto dahil sa pagtangging sumunod sa utos na maglingkod sa militar. Sinentensiyahan siya ng 18-buwang pagkabilanggo. Pero hindi nakontento ang tagausig. Makalipas lang ang isang buwan, nagsumite ito ng isang mosyon sa appeal court para pabigatin ang sentensiya. Sinabi ng tagausig na ang pagtanggi ni Vahan na maglingkod sa militar dahil sa kaniyang relihiyon ay “walang batayan at mapanganib.” Kinatigan naman ng appeal court ang petisyon ng tagausig at ginawang 30 buwan ang sentensiya ni Vahan.
Iniapela ni Vahan sa pinakamataas na korte ng Armenia ang desisyong iyon. Noong Enero 2003, pinagtibay nito ang desisyon ng appeal court. Agad na inilipat ng bilangguan si Vahan at isinama sa mga mamamatay-tao, nagbebenta ng droga, at mga rapist.
Mga Pangyayari sa European Court
Ang Armenia ay miyembro ng Council of Europe mula pa noong 2001. Kaya may karapatan ang mga mamamayan nito na umapela sa European Court of Human Rights (ECHR) matapos nilang gawin ang lahat para makahanap ng hustisya sa kanilang bansa. Iyan ang ginawa ni Vahan. Sa kaniyang apela, sinabi niyang isang paglabag sa Article 9 ng European Convention on Human Rights ang naging hatol sa kaniyang kaso. Hiniling niyang maprotektahan sa ilalim ng artikulong iyon ang kaniyang karapatan na tumangging maglingkod sa militar—isang argumento na hindi pa kailanman nanalo sa korteng iyon.
Noong Oktubre 27, 2009, inilabas ng ECHR ang desisyon nito. Batay sa dati nang mga desisyon sa gayunding kaso, sinabi ng korte na hindi saklaw ng Article 9 ng European Convention ang karapatan na tumangging maglingkod sa militar dahil sa budhi.
Noong panahong iyon, matagal nang nakalaya si Vahan, at mayroon nang asawa’t anak. Nadismaya si Vahan sa naging desisyon ng korte. Iuurong na lang ba niya ang kaso o iaapela sa Grand Chamber ng ECHR? Iniapela ni Vahan ang kaso. Dahil eksepsyonal na mga kaso lang ang tinatanggap ng Grand Chamber, natuwa si Vahan nang magdesisyon iyon na repasuhin ang kaniyang kaso.
At noong Hulyo 7, 2011, sa Strasbourg, France, inilabas ng Grand Chamber ng ECHR ang desisyon nito. Sa 17 hukom, 16 ang bumotong
nilabag ng Armenia ang karapatan ni Vahan Bayatyan na sundin ang kaniyang budhi. Tanging ang hukom mula sa Armenia ang hindi pumabor kay Vahan.Bakit mahalaga ang desisyong iyan? Dahil sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng ECHR, ang karapatan na tumangging maglingkod sa militar dahil sa budhi ay itinuring na lubusang protektado ng Article 9 ng European Convention. Kaya para sa korte, ang pagbibilanggo sa mga tumatangging maglingkod sa militar dahil sa budhi ay isang paglabag sa pangunahing mga karapatan sa isang demokratikong lipunan.
Ganito ang sinabi ng Grand Chamber tungkol sa paninindigan ng mga Saksi ni Jehova: “Kaya hindi mapag-aalinlanganan ng Korte na ang pagtanggi ng aplikante na magserbisyo sa militar ay udyok ng kaniyang relihiyosong paniniwala, na taimtim niyang sinusunod at lubhang salungat sa kaniyang obligasyong mag-ukol ng serbisyo sa militar.”
Reaksiyon sa Desisyon
Sa nakalipas na dalawang dekada, mahigit 450 Saksi ni Jehova na tumangging maglingkod sa militar ang ibinilanggo sa Armenia. Habang inihahanda ang artikulong ito, 58 kabataang lalaki ang ibinilanggo sa bansang iyon dahil sa pagtangging maglingkod sa militar batay sa kanilang relihiyosong paniniwala. Lima sa mga ito ang ibinilanggo pagkatapos na ilabas ang makasaysayang desisyon sa kasong Bayatyan v. Armenia. a Sa isa sa mga kasong iyon, nang magsumite ng petisyon ang isang kabataan para iurong ang kaso laban sa kaniya, ibinasura lang ito ng tagausig. Sinabi ng tagausig: “Ang hatol ng European Court sa kasong Bayatyan v. Armenia, na may petsang Hulyo 7, 2011, ay hindi kapit sa kasong ito, dahil malinaw na magkaiba ang dalawang kaso.”
Bakit ganiyan ang sinabi ng tagausig? Noong kasuhan si Vahan Bayatyan, wala pang probisyon para sa alternatibong serbisyong pansibilyan. Iginigiit ng gobyerno ng Armenia na pagkatapos ng kaso ni Vahan, gumawa na sila ng batas para sa gayong probisyon. Kaya ang mga tumatangging maglingkod sa militar ay may opsyon nang gumawa ng serbisyong pansibilyan. Pero dahil ang batas na ito ay nasa ilalim din ng militar, hindi pa rin ito katanggap-tanggap sa marami sa mga ipinatatawag para maglingkod sa militar.
Natuwa si Vahan Bayatyan sa makasaysayang desisyon na pabor sa kaniya. Dahil sa desisyong iyon, naoobliga ngayon ang Armenia na itigil ang pang-uusig at pagbibilanggo sa mga indibiduwal na tumatangging maglingkod sa militar dahil sa kanilang relihiyosong mga paniniwala.
Hindi intensiyon ng mga Saksi ni Jehova na baguhin ang sistema ng batas ng alinmang bansa. Sa halip, gaya ng ginawa ni Vahan Bayatyan, gusto lamang nilang pagtibayin ang kanilang legal na mga karapatan ayon sa umiiral na mga batas sa kani-kanilang bansa. Bakit? Para patuloy silang makapamuhay nang payapa at malayang makasunod sa lahat ng utos ng kanilang Lider, si Jesu-Kristo.
a Dalawa sa kanila ang sinentensiyahan noong Hulyo 7, 2011, nang mismong araw na lumabas ang desisyon ng ECHR.