Moises—May Kapakumbabaan
ANO ANG KAPAKUMBABAAN?
Ito ay kabaligtaran ng kapalaluan o pagmamapuri. Hindi itinuturing ng isang mapagpakumbabang tao na nakahihigit siya sa iba. Inaamin niyang makasalanan siya at kinikilala ang kaniyang mga limitasyon.
PAANO NAGPAKITA NG KAPAKUMBABAAN SI MOISES?
Hindi lumaki ang ulo ni Moises nang bigyan siya ng awtoridad. Kadalasan nang kapag nagkaroon ng kaunting awtoridad ang isang tao, nakikita agad kung mapagpakumbaba siya o hindi. Ganito ang sinabi ng ika-19-na-siglong awtor na si Robert G. Ingersoll: “Karamihan ng tao ay nakapagtitiis sa mga hamon ng buhay. Pero kung gusto mong malaman ang tunay na pagkatao ng isa, bigyan mo siya ng kapangyarihan.” Kung gayon, si Moises ay masasabing nagpakita ng mahusay na halimbawa ng kapakumbabaan. Paano?
Inatasan ni Jehova si Moises na manguna sa Israel. Pero hindi naging mayabang si Moises. Pansinin kung paano siya tumugon sa mahirap na tanong tungkol sa mga karapatan sa pagmamana. (Bilang 27:1-11) Maselan ang isyung ito, dahil magiging basehan na sa susunod na mga henerasyon ang desisyon hinggil dito.
Ano kaya ang ginawa ni Moises? Inisip kaya niya na bilang lider ng Israel, alam na alam niya ang dapat na maging pasiya? Umasa lang ba siya sa kaniyang sariling abilidad, mga karanasan, o sa kaniyang malalim na pagkaunawa sa kaisipan ni Jehova?
Malamang na ganiyan ang gagawin ng isang mayabang na tao. Pero hindi ganiyan si Moises. Sinasabi ng Bibliya: “Dinala ni Moises ang . . . usapin sa harap ni Jehova.” (Bilang 27:5) Pag-isipan: Kahit mga 40 taon nang pinangungunahan ni Moises ang bansang Israel, hindi siya umasa sa kaniyang sarili, kundi kay Jehova. Talagang napakamapagpakumbaba ni Moises!
Hindi rin inisip ni Moises na siya lang ang dapat na may awtoridad. Natuwa siya nang hayaan ni Jehova na maging propeta rin ang ibang mga Israelita. (Bilang 11:24-29) Nang magmungkahi ang kaniyang biyenan na pumili siya ng mga lalaking tutulong sa kaniya, sinunod iyon ni Moises. (Exodo 18:13-24) Noong matanda na si Moises, bagaman malakas pa, hiniling na niya kay Jehova na mag-atas ng hahalili sa kaniya. Nang piliin ni Jehova si Josue, lubusang sinuportahan ni Moises ang nakababatang lalaking ito, anupat hinimok ang bayan na sumunod sa pangunguna ni Josue tungo sa Lupang Pangako. (Bilang 27:15-18; Deuteronomio 31:3-6; 34:7) Tiyak na itinuring ni Moises na isang pribilehiyong manguna sa mga Israelita sa pagsamba. Pero hindi niya isinaisantabi ang kapakanan ng iba dahil sa kaniyang awtoridad.
ANO ANG MATUTUTUHAN NATIN?
Tiyak na ayaw nating maging mayabang dahil sa taglay nating awtoridad o natural na abilidad. Tandaan: Para magawa natin ang atas ni Jehova sa pinakamabuting paraan, mas mahalaga ang ating kapakumbabaan kaysa sa ating kakayahan. (1 Samuel 15:17) Kung talagang mapagpakumbaba tayo, sisikapin nating ikapit ang payong ito ng Bibliya: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa.”—Kawikaan 3:5, 6.
Itinuturo din sa atin ng halimbawa ni Moises na huwag masyadong bigyang-halaga ang estado natin sa buhay o taglay nating awtoridad.
Tiyak na makikinabang tayo kung tutularan natin ang kapakumbabaan ni Moises! Kapag sinisikap nating maging tunay na mapagpakumbaba, nagiging mas magaan tayong kasama para sa iba, anupat napapamahal tayo sa kanila. Ang mas mahalaga pa, napapamahal tayo sa Diyos na Jehova, na nagpapakita rin ng magandang katangiang ito. (Awit 18:35) “Sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.” (1 Pedro 5:5) Isa ngang matibay na dahilan para tularan ang kapakumbabaan ni Moises!