Alam Mo Ba?
Bakit tinawag na “lunsod ng pagbububo ng dugo” ang sinaunang Nineve?
Ang Nineve ang kabisera ng Imperyo ng Asirya. Ito ay isang makapangyarihang lunsod na may naggagandahang palasyo at templo, malalapad na kalye, at naglalakihang pader. Tinawag ito ng Hebreong propeta na si Nahum na “lunsod ng pagbububo ng dugo.”—Nahum 3:1.
Tamang-tama ang deskripsiyong iyan dahil pinatutunayan ng mga eskulturang makikita sa palasyo ni Senakerib sa Nineve ang kalupitan ng mga Asiryano. Makikita sa isa sa mga iyon ang isang tagapagparusa habang pinipilipit ang dila ng isang nakagapos na bilanggong inihiga sa lupa. Ipinagmamalaki naman sa mga inskripsiyon na ang mga bihag ay hinihila sa pamamagitan ng lubid na nakakabit sa mga kawit na itinusok sa kanilang ilong o labi. Ikinukuwintas pa nga sa mga bihag na opisyal ang pugót na ulo ng kanilang mga hari.
Ganito ang paglalarawan ng Asiryologong si Archibald Henry Sayce sa nangyaring kalupitan matapos sakupin ang isang bayan: “Buntun-buntong mga ulo ng tao ang inilagay sa lahat ng dinaanan ng mananakop; ang mga batang lalaki at babae ay sinunog nang buháy o kung hindi man ay mas malagim pa ang sinapit; ang mga lalaki ay ipinako, binalatan nang buháy, binulag, o pinutulan ng mga kamay at paa, ng mga tainga at ilong.”
Bakit may halang ang bubungan ng bahay ng mga Judio?
Ang mga Judio ay inutusan ng Diyos: “Kung magtatayo ka ng isang bagong bahay, gagawa ka rin ng isang halang para sa iyong bubong, upang hindi ka makapaglagay ng pagkakasala sa dugo sa iyong bahay dahil baka may sinumang mahulog . . . mula roon.” (Deuteronomio 22:8) Ang halang ay kailangan para sa kaligtasan, dahil ang mga pamilyang Judio noong panahon ng Bibliya ay madalas na nasa bubungan.
Karaniwan nang patag ang bubong ng bahay ng mga Israelita. Tamang-tama ang lugar na iyon kapag gusto nilang magpaaraw, magpahangin, o gumawa ng mga gawaing-bahay. Masarap matulog doon kapag tag-init. (1 Samuel 9:26) Ang isang magsasaka ay nagbibilad doon ng mga butil bago gilingin o ng mga igos at ubas.—Josue 2:6.
Ang bubungan ay ginamit din sa tunay na pagsamba at maging sa idolatrosong pagsamba. (Nehemias 8:16-18; Jeremias 19:13) Si apostol Pedro ay umakyat sa bubungan noong katanghalian para manalangin. (Gawa 10:9-16) Kapag ang bubungan ay may lilim ng halamang-baging o mga dahon ng palma, masarap magpahinga roon.
Ayon sa The Land and the Book, ang bahay ng mga Israelita ay may hagdanan paakyat sa bubong “sa labas ng bahay, pero nasa loob ng bakuran.” Dahil diyan, ang isa ay puwedeng bumaba mula sa bubong nang hindi na pumapasok sa bahay. Kaya naman nang magbabala si Jesus tungkol sa apurahang pagtakas sa pagkawasak ng lunsod, sinabi niya: “Ang tao na nasa bubungan ng bahay ay huwag bumaba upang kunin ang mga pag-aari mula sa kaniyang bahay.”—Mateo 24:17.