Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kahatulan ng Diyos—Malupit ba ang mga Ito?

Mga Kahatulan ng Diyos—Malupit ba ang mga Ito?

PARA masagot iyan, isaalang-alang natin ang dalawang halimbawa ng kahatulan ng Diyos sa Bibliya—ang Baha noong panahon ni Noe at ang paglipol sa mga Canaanita.

ANG BAHA NOONG PANAHON NI NOE

ANG SINASABI NG ILAN: “Malupit ang Diyos dahil nagpasapit siya ng baha na pumuksa sa lahat ng tao maliban kay Noe at sa kaniyang pamilya.”

ANG SINASABI NG BIBLIYA: Sinabi ng Diyos: “Ako ay nalulugod, hindi sa kamatayan ng balakyot, kundi sa panunumbalik ng balakyot mula sa kaniyang lakad upang patuloy nga siyang mabuhay.” (Ezekiel 33:11) Kaya hindi ikinatuwa ng Diyos ang pagkapuksa ng masasama noong panahon ni Noe. Pero bakit niya ginawa iyon?

Sinasabi ng Bibliya na sa pagpapasapit ng Diyos ng gayong mga kahatulan sa masasamang tao noon, siya ay “naglalagay ng isang parisan para sa mga taong di-makadiyos tungkol sa mga bagay na darating.” (2 Pedro 2:5, 6) Anong parisan iyon?

Una, ipinakita ng Diyos na kahit masakit sa kaniya na puksain ang mga tao, binibigyang-pansin niya ang malulupit na taong nagdudulot ng pagdurusa at pinananagot niya sila sa kanilang mga ginagawa. Darating ang panahon na wawakasan niya ang lahat ng kawalang-katarungan at pagdurusa.

Ikalawa, maibiging nagbababala muna ang Diyos bago maglapat ng hatol. Binabalaan ni Noe ang mga tao, pero binale-wala siya ng mga ito. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.”—Mateo 24:39.

Nanghawakan ba ang Diyos sa parisang iyan? Oo. Halimbawa, nagbabala siya sa kaniyang bayang Israel na kung magpapakasamâ silang gaya ng mga bansa sa palibot nila, hahayaan niyang sakupin sila ng mga kaaway; wasakin ang Jerusalem; at gawin silang bihag. Nagpakasamâ nga ang Israel, at naghain pa ng mga bata. Kumilos ba si Jehova? Oo, pero nagsugo muna siya ng mga propeta para paulit-ulit na babalaan ang kaniyang bayan na magbago hangga’t may panahon pa. Sinabi pa nga niya: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng anumang bagay malibang naisiwalat na niya ang kaniyang lihim na bagay sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.”—Amos 3:7.

KUNG PAANO KA NASASANGKOT: Ang parisan ng nakaraang mga paghatol ni Jehova ay nagbibigay sa atin ng pag-asa. Makatitiyak tayo na hahatulan ng  Diyos ang malulupit na taong nagdudulot ng pagdurusa. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin . . . Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:9-11) Ano ang masasabi mo sa isang kahatulang mag-aalis ng pagdurusa ng mga tao? Malupit o maawain?

ANG PAGLIPOL SA MGA CANAANITA

ANG SINASABI NG ILAN: “Ang pagpuksa sa mga Canaanita ay isang malupit na digmaang maitutulad sa lansakang pagpatay ngayon.”

ANG SINASABI NG BIBLIYA: ‘Ang lahat ng mga daan ng Diyos ay katarungan. Siya ay isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan.’ (Deuteronomio 32:4) Ang paglalapat ng katarungan ng Diyos ay hindi maitutulad sa digmaan ng tao. Bakit? Dahil di-tulad ng mga tao, ang Diyos ay nakababasa ng puso.

Halimbawa, nang hatulan ng Diyos ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra at ipasiyang puksain ang mga ito, gustong matiyak ng tapat na lalaking si Abraham kung makatarungan nga ito. Hindi siya makapaniwalang magagawa ng kaniyang makatarungang Diyos na ‘lipulin ang matuwid na kasama ng balakyot.’ Tiniyak sa kaniya ng Diyos na kung may makikitang kahit sampung matuwid na tao sa Sodoma, hindi Niya pupuksain ang lunsod alang-alang sa mga ito. (Genesis 18:20-33) Maliwanag na sinuri ng Diyos ang puso ng mga tagaroon at nakita niyang nakaugat na rito ang kasamaan.—1 Cronica 28:9.

Sa katulad na paraan, nakita ng Diyos na napakasama ng mga Canaanita at makatuwiran lang na puksain sila. Kilalá ang mga Canaanita sa kanilang kalupitan, gaya ng pagsunog sa kanilang mga anak bilang handog. * (2 Hari 16:3) Alam ng mga Canaanita na iniutos ni Jehova sa Israel na ariin ang buong lupain. Ang mga nagpasiyang manatili at makipagdigma ay sadyang lumalaban hindi lang sa mga Israelita kundi pati na rin kay Jehova na nagbigay ng matibay na ebidensiyang pinapatnubayan niya ang mga Israelita.

Magkagayunman, nagpakita ng awa ang Diyos sa mga Canaanita na nagsisi at sumunod sa mataas na pamantayang moral ni Jehova. Halimbawa, si Rahab, isang patutot na Canaanita, ay naligtas kasama ang kaniyang pamilya. Gayundin, nang humingi ng awa ang mga tagalunsod ng Gibeon sa Canaan, sila at ang lahat ng kanilang mga anak ay naligtas.—Josue 6:25; 9:3, 24-26.

KUNG PAANO KA NASASANGKOT: May matututuhan tayong mahalagang aral sa ginawang paghatol sa mga Canaanita. Napakalapit na natin sa inihulang “araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” (2 Pedro 3:7) Kung mahal natin si Jehova, makikinabang tayo kapag inalis na niya ang pagdurusa sa pamamagitan ng pagpuksa sa mga tumatanggi sa kaniyang makatarungang pamamahala.

Kilalá ang mga Canaanita sa kanilang kalupitan at tahasan nilang sinalansang ang Diyos at ang kaniyang bayan

Maibiging ipinaaalaala sa atin ni Jehova na nakaaapekto sa mga anak ang ginagawang pagpili ng mga magulang. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Piliin mo ang buhay upang manatili kang buháy, ikaw at ang iyong supling, sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos, sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang tinig at sa pamamagitan ng pananatili sa kaniya.” (Deuteronomio 30:19, 20) Pananalita ba iyan ng isang malupit na Diyos o ng isang Diyos na nagmamahal sa mga tao at nagnanais na makagawa sila ng tamang pagpili?

^ par. 15 Nahukay ng mga arkeologo ang mga ebidensiya na nagpapakitang kabilang sa pagsamba ng mga Canaanita ang paghahandog ng mga sanggol.