TURUAN ANG IYONG MGA ANAK
Ano ang Matututuhan Natin sa Isang Kriminal?
Ang kriminal na tinutukoy rito ay ang kausap ni Jesus sa larawan. Nalulungkot ang kriminal na iyon sa kaniyang mga kasalanan. Nakikiusap siya kay Jesus: “Alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Gaya ng nakikita mo sa larawan, kinakausap ni Jesus ang kriminal na iyon. Alam mo ba kung ano ang sinasabi ni Jesus sa kaniya?— * Nangangako si Jesus sa kaniya: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, makakasama kita sa Paraiso.”
Ano kaya ang magiging hitsura ng Paraisong iyon?— Para malaman ang tamang sagot, pag-usapan muna natin ang Paraisong ginawa noon ng Diyos para sa unang mga taong sina Adan at Eva. Nasaan ang Paraisong iyon? Nasa langit, o nasa lupa?—
Tama ka kung ang sagot mo ay nasa lupa. Kaya kapag sinasabing “nasa Paraiso” ang kriminal, ibig sabihin, naririto siya sa lupa kapag ito ay paraiso na. Ano kaya ang magiging hitsura ng Paraisong iyon?— Tingnan natin.
Matapos lalangin ng Diyos na Jehova sina Adan at Eva, sinasabi sa Bibliya na inilagay niya sila sa isang paraiso dito mismo sa lupa. Tinawag iyon na “hardin sa Eden.” Gaano kaya kaganda ang “hardin sa Eden”?— Tiyak na mas maganda iyon kaysa sa lahat ng lugar ngayon!
Sa panahong iyon, naririto kaya si Jesus sa lupa kasama ng kriminal na iyon?— Wala, si Jesus ay nasa langit at mamamahala sa Paraisong lupa bilang Hari. Kaya nang sabihin ni Jesus na makakasama niya ang kriminal, ibig niyang sabihin, bubuhayin niya itong muli at titiyaking naaalagaan ito sa Paraisong lupa. Pero bakit papayagan ni Jesus na mabuhay sa Paraiso ang isang kriminal?— Pag-usapan natin ito.
Totoong napakasama ng mga ginawa ng kriminal na iyon. Pero gayundin naman ang bilyun-bilyong taong nabuhay sa lupa. Gayunman, karamihan sa kanila ay nakagawa ng masama dahil hindi sila naturuan tungkol kay Jehova at kung ano ang gusto ni Jehova na gawin nila.
Kaya ang gayong mga tao, pati na ang kriminal na kausap ni Jesus sa tulos, ay bubuhaying muli sa Paraiso dito mismo sa lupa. Ituturo sa kanila kung ano ang kalooban ng Diyos. Sa gayon, mapatutunayan nila na iniibig nila si Jehova.
Alam mo ba kung paano nila iyon mapatutunayan?— Sa pamamagitan ng paggawa sa gusto ng Diyos na gawin nila. Napakasarap ngang mabuhay sa Paraiso at makasama ang mga taong may pag-ibig kay Jehova at sa isa’t isa!
Basahin sa iyong Bibliya
^ par. 3 Kapag binabasa mo ito sa isang bata, ang gatlang pagkatapos ng tanong ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kaniyang sagot.