PAKIKIPAG-USAP SA IBA
Nababahala ba ang Diyos sa Ating Pagdurusa?
Ang sumusunod ay ang karaniwang eksena kapag nakikipag-usap sa iba ang isang Saksi ni Jehova. Kunwari, si Michelle ang Saksing dumadalaw kay Sophia.
BAKIT NIYA HINAYAANG MANGYARI IYON?
Michelle: Namamahagi ako ng tract na Gusto Mo Bang Malaman ang Katotohanan? sa mga tao dito sa lugar ninyo. Ito ang kopya mo.
Sophia: Tungkol ba iyan sa relihiyon?
Michelle: Oo. May anim na tanong sa harap ng tract na ito. Alin sa mga ito—
Sophia: Maputol kita sandali. Mag-aaksaya ka lang ng panahon sa akin.
Michelle: Bakit mo naman nasabi iyan?
Sophia: Sa totoo lang, parang hindi ako naniniwala sa Diyos.
Michelle: Salamat sa pagsasabi niyan sa akin. Iyan ba ang paniniwala mo noon pa man?
Sophia: Hindi. Bata pa ako, nagsisimba na ako. Pero matagal na akong huminto.
Michelle: Ganoon ba. Ako nga pala si Michelle.
Sophia: Ako si Sophia.
Michelle: Ang totoo, dumadalaw ako hindi para ipilit ang paniniwala ko, Sophia. Puwede ko bang malaman kung bakit nag-aalinlangan ka sa pag-iral ng Diyos?
Sophia: Kasi, naaksidente sa kotse ang nanay ko, 17 taon na ang nakararaan.
Michelle: Nalulungkot akong marinig iyan. Kumusta na siya?
Sophia: Paralisado na siya mula noon.
Michelle: Siguradong napakasakit niyan para sa iyo.
Sophia: Totoo ’yan. Kaya nga naiisip ko, Kung may Diyos, bakit niya hinayaang mangyari iyon? Bakit niya pinapayagang magdusa tayo nang ganito?
MASAMA BANG MAGTANONG KUNG BAKIT?
Michelle: Nauunawaan ko kung bakit ganiyan ang nadarama mo. Kapag nagdurusa tayo, normal lang na magtanong kung bakit nangyayari iyan. Sa katunayan, naitanong din iyan ng ilang tapat na lalaki at babae noong panahon ng Bibliya.
Sophia: Talaga?
Michelle: Oo. Puwede ko bang ipakita sa iyo ang isang halimbawa mula sa Bibliya?
Sophia: Sige.
Michelle: Pansinin mo ang itinanong sa Diyos ng tapat na propetang si Habakuk, na nakaulat dito sa Habakuk, kabanata 1, mga talata 2 at 3: “O Jehova, hanggang kailan ako hihingi ng tulong, at hindi mo diringgin? Hanggang kailan ako hihingi sa iyo ng saklolo dahil sa karahasan, at hindi ka magliligtas? Bakit mo ipinakikita sa akin yaong nakasasakit?” Parang ganito rin ba ang mga naitanong mo?
Sophia: Oo.
Michelle: Nang itanong iyan ni Habakuk, hindi siya pinagalitan ng Diyos, ni sinabihan man siyang kailangan lang niya ng higit na pananampalataya.
Sophia: Talaga?
NAPOPOOT SI JEHOVA SA PAGDURUSA
Michelle: Itinuturo ng Bibliya na nakikita ng Diyos ang ating pagdurusa at nababahala siya rito.
Sophia: Anong ibig mong sabihin?
Michelle: Tingnan natin ang isang halimbawa dito sa Exodo 3:7. Puwedeng pakibasa mo?
Sophia: Sige. Sabi rito: “At isinusog ni Jehova: ‘Walang pagsalang nakita ko ang kapighatian ng aking bayan na nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing dahilan doon sa mga sapilitang nagpapatrabaho sa kanila; sapagkat nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis.’”
Michelle: Salamat. Ayon sa tekstong ito, nakikita ba ng Diyos kapag nagdurusa ang bayan niya?
Sophia: Mukhang ganoon nga.
Michelle: At hindi niya basta napapansin lang kung ano ang nangyayari. Tingnan mo ulit ang huling bahagi ng talatang iyon. Sinabi ng Diyos: “Nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis.” Inilalarawan ba niyan ang isang Diyos na walang malasakit?
Sophia: Hindi.
Michelle: Pero siyempre, magkaiba ang basta alam mo ang isang bagay kaysa sa naaapektuhan ka na nito, ’di ba?
Sophia: Oo naman.
Michelle: Basahin naman natin ang isa pang pagkakataon na nagdusa ang bayan ng Diyos. Dito iyon sa Isaias 63:9. Sinasabi sa unang bahagi ng talata: “Sa lahat ng kanilang kapighatian ay napipighati siya.” Masasabi ba natin na naaapektuhan ang Diyos sa pagdurusa ng kaniyang bayan?
Sophia: Oo, parang ganoon nga.
Michelle: Ang totoo, Sophia, talagang nagmamalasakit sa atin ang Diyos, at ayaw niyang makitang nagdurusa tayo. Kapag nasasaktan tayo, nasasaktan din siya.
BAKIT SIYA NAGHIHINTAY?
Michelle: Bago ako umalis, mayroon pa akong gustong ibahagi sa iyo.
Sophia: O sige.
Michelle: Tingnan mo ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kapangyarihan ng Diyos. Mababasa natin iyon sa Jeremias 10:12. Puwede bang pakibasa mo?
Sophia: Sige. Sabi rito: “Siya ang Maylikha ng lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, ang Isa na matibay na nagtatatag ng mabungang lupain sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, at ang Isa na sa pamamagitan ng kaniyang unawa ay nag-unat ng langit.”
Michelle: Salamat. Pag-isipan natin sandali ang tekstong ito. Kinailangan kaya ng Diyos ng malakas na kapangyarihan para malalang ang malawak na uniberso at ang lahat ng narito?
Sophia: Tiyak iyan.
Michelle: Kaya, kung may kapangyarihan ang Diyos na lalangin ang lahat ng bagay, hindi ba aasahan natin na may kapangyarihan din siyang kontrolin ang kaniyang mga nilalang?
Sophia: Oo naman.
Michelle: Isipin mo ulit ang iyong nanay. Bakit hindi mo matiis na makita siyang nagdurusa?
Sophia: Kasi mahal ko siya. Nanay ko siya.
Michelle: At kung may kapangyarihan kang pagalingin siya ngayon, gagawin mo ba iyon?
Sophia: Siyempre.
Michelle: Isipin mo kung ano ang kahulugan niyan. Itinuturo ng Bibliya na nakikita ng Diyos ang ating pagdurusa, nasasaktan siya kapag nasasaktan tayo, at mayroon siyang napakalakas na kapangyarihan. Naiisip mo ba kung gaano katindi ang pagpipigil ng Diyos para hindi agad kumilos at wakasan ang pagdurusa natin?
Sophia: Ngayon ko lang naisip iyan.
Michelle: Mayroon kaya siyang mabuting dahilan kung kaya hindi pa siya kumikilos para wakasan ang ating mga problema? *
Sophia: Hmm, sa palagay ko’y mayroon nga.
Michelle: Parang may tumatawag sa telepono ninyo, kaya babalik na lang ako sa ibang pagkakataon, at saka natin ituloy ang ating pag-uusap tungkol dito.
Sophia: Sige. Salamat. *
May gusto ka bang malaman tungkol sa Bibliya? May tanong ka ba hinggil sa mga paniniwala o gawain ng mga Saksi ni Jehova? Kung mayroon, huwag kang mahiyang magtanong sa isa sa mga Saksi ni Jehova. Matutuwa siyang sagutin ang mga tanong mo.
^ par. 59 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 62 Tatalakayin sa isang artikulo sa seryeng ito sa hinaharap kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa.