Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Pinakikinggan ba ng Diyos ang lahat ng panalangin?
Ang Diyos ay nakikinig sa mga tao ng lahat ng bansa. (Awit 145:18, 19) Hinihimok tayo ng kaniyang Salita, ang Bibliya, na makipag-usap sa kaniya tungkol sa anumang bagay na ikinababahala natin. (Filipos 4:6, 7) Pero ang ilang panalangin ay hindi nakalulugod sa Diyos. Halimbawa, hindi nakalulugod sa kaniya ang pag-uulit ng sauladong mga panalangin.—Basahin ang Mateo 6:7.
Hindi rin nakalulugod kay Jehova ang mga panalangin ng mga taong sadyang nagwawalang-bahala sa kaniyang kautusan. (Kawikaan 28:9) Halimbawa, noong panahon ng Bibliya, hindi pinakinggan ng Diyos ang mga Israelita na nagkasala ng pagpaslang. Maliwanag, dapat nating maabot ang mga kahilingan upang pakinggan tayo ng Diyos.—Basahin ang Isaias 1:15.
Ano ang dapat nating gawin upang pakinggan tayo ng Diyos?
Hindi tayo maaaring lumapit sa Diyos sa panalangin kung wala tayong pananampalataya. (Santiago 1:5, 6) Dapat na kumbinsido tayo na siya ay umiiral at na nagmamalasakit siya sa atin. Mapatitibay natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya sapagkat ang tunay na pananampalataya ay salig sa katibayan at katiyakan na nasa Salita ng Diyos.—Basahin ang Hebreo 11:1, 6.
Dapat tayong manalangin nang taimtim at may kapakumbabaan. Kahit si Jesus na Anak ng Diyos ay mapagpakumbaba kapag nananalangin. (Lucas 22:41, 42) Kaya sa halip na sabihan ang Diyos kung ano ang dapat gawin, dapat nating unawain ang kaniyang mga kahilingan sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya. Sa gayon ay makapananalangin tayo ayon sa kalooban ng Diyos.—Basahin ang 1 Juan 5:14.