TAMPOK NA PAKSA | ANO ANG NILALAMAN NG BIBLIYA?
Mabuting Balita Para sa Lahat ng Tao
Ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay tumulong sa kaniyang mga alagad na magkaroon ng pananalig at maging masigasig. Naglakbay si apostol Pablo sa buong Asia Minor at sa Mediteraneo, na nagtatatag ng mga kongregasyon at nagpapatibay sa mga Kristiyano na manindigang matatag sa mga panggigipit sa moral at sa mararahas na pagsalansang. Sa kabila ng gayong mga hamon, lumago at lumaganap ang Kristiyanismo.
Nang maglaon, si Pablo ay ibinilanggo. Kahit nasa bilangguan, sumulat siya ng mga liham ng pampatibay-loob at payo sa mga kongregasyong Kristiyano. Nagbabala siya tungkol sa isang mas malaking banta
Sa pagtatapos ng unang siglo, nagsimula na ang apostasyang ito. Halos kasabay nito, ibinigay ng binuhay-muling si Jesus kay apostol Juan ang Apocalipsis, isang makasagisag na pangitain tungkol sa hinaharap. Gaya ng isinulat ni Juan, hindi mahahadlangan ng mga mananalansang ni ng mga huwad na guro ang Diyos sa lubusang pagsasakatuparan ng kaniyang orihinal na layunin para sa lupa at sa mga tao. Maririnig ng “bawat bansa at tribo at wika at bayan” ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 14:6) Isasauli ang paraiso sa lupa, at sinumang gustong gumawa ng kalooban ng Diyos ay maaaring maging bahagi nito!
“Mabuting balita” ba iyan sa iyo? Kung oo, alamin pa nang higit sa Bibliya ang tungkol sa mensahe ng Diyos para sa tao at kung paano ka maaaring makinabang dito ngayon at sa hinaharap.
Mababasa mo ang Bibliya online sa www.dan124.com/tl. Maaari mo ring suriin sa Web site na iyon ang mga brosyur na Ang Bibliya—Ano ang Mensahe Nito? at Magandang Balita Mula sa Diyos! pati na ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? at iba pang publikasyong tumatalakay kung bakit tayo makapagtitiwala sa Bibliya at kung paano natin maikakapit ang praktikal na payo nito sa ating pamilya at sa ating personal na buhay. Maaari kang magtanong sa mga Saksi ni Jehova para sa higit pang impormasyon.