MAGING MALAPÍT SA DIYOS
“Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng Bagay”
Gusto mo bang ikaw at ang iyong pamilya ay magkaroon ng mabuting kalusugan at mahabang buhay? Inaasam mo bang mabuhay sa isang daigdig na wala nang kirot, pagdurusa, at kamatayan? Ang gayong daigdig ay hindi lang basta guniguni. Sa katunayan, malapit nang umiral ang isang matuwid na bagong sanlibutan, sapagkat nilayon ito ng Diyos na Jehova. Tingnan kung paano matutupad ang kaniyang layunin gaya ng inilalarawan sa Apocalipsis 21:3-5.
“Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata.” (Apocalipsis 21:4) Anong luha ang papahirin niya? Hindi ang luha ng kagalakan ni ang luha na nagbibigay-proteksiyon sa ating mata. Ang pangako ng Diyos ay tumutukoy sa luha na dulot ng pagdurusa at pamimighati. Hindi lang basta papahirin ni Jehova ang luha kundi lubusan niyang aalisin ang mga dahilan ng pagluha
“Hindi na magkakaroon ng kamatayan.” (Apocalipsis 21:4) Wala nang higit pang dahilan ng matinding pagluha kundi ang kaaway na kamatayan. Palalayain ni Jehova ang masunuring mga tao sa gapos ng kamatayan. Paano? Sa pamamagitan ng pag-aalis sa tunay na dahilan ng kamatayan: ang kasalanang minana kay Adan. (Roma 5:12) Pasasakdalin ni Jehova ang masunuring mga tao salig sa haing pantubos ni Jesus. * Pagkatapos, ang huling kaaway na kamatayan ay “papawiin.” (1 Corinto 15:26) Ang mga taong tapat ay mabubuhay ayon sa nilayon ng Diyos
“Hindi na magkakaroon ng . . . kirot.” (Apocalipsis 21:4) Anong kirot ang mawawala? Ang lahat ng mental, emosyonal, at pisikal na kirot na resulta ng kasalanan at di-kasakdalan na nagdulot ng miserableng buhay sa milyun-milyon ay mawawala na.
Malapit nang magkatotoo ang isang buhay na wala nang luha, kamatayan, at kirot. ‘Pero saan?’ baka maitanong mo. ‘Sa langit ba mangyayari ang pangako ng Diyos?’ Hindi. Bakit hindi? Una, ang pangako ng Diyos ay sinimulan sa pananalitang “ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan,” at ang sangkatauhan ay nakatira sa lupa. (Apocalipsis 21:3) Ikalawa, inilalarawan nito ang isang daigdig na “hindi na magkakaroon ng kamatayan”
Papahirin ng Diyos ang luha na dulot ng pagdurusa at pamimighati
Gusto ni Jehova na maniwala tayo sa kaniyang ipinangakong matuwid na bagong sanlibutan. Matapos ilarawan ang mga pagpapalang darating, nagbigay siya ng garantiya tungkol sa kaniyang pangako: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Idinagdag pa niya: “Ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” (Apocalipsis 21:5) Bakit hindi mo pag-aralan kung paanong ikaw at ang iyong mga mahal sa buhay ay mapapasama sa maliligayang mananamba na makakakita sa maluwalhating katuparan ng pangako ng Diyos?
Pagbabasa ng Bibliya para sa Disyembre
1 Pedro 1–5; 2 Pedro 1-3; 1 Juan 1-5; 2 Juan 1-13; 3 Juan 1-14; Judas 1-25–Apocalipsis 1-22
^ par. 5 Para matuto pa nang higit tungkol sa haing pantubos ni Kristo, tingnan ang kabanata 5 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.