Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Paano ginagawa ang pag-aabuloy sa templo noong panahon ni Jesus?

Ang ingatang-yaman ng templo ay nasa Looban ng mga Babae. Sinasabi ng aklat na The Temple—Its Ministry and Services: “Mayroon itong simpleng kolonada sa palibot, at sa loob nito, sa may pader, may labintatlong kabang-yaman, o ‘trumpeta,’ [kung saan] inilalagay ang mga kontribusyon.”

Ang mga kabang-yaman ay tinatawag na trumpeta dahil makitid ito sa itaas at malapad sa ibaba. Ang mga ito ay para sa iba’t ibang uri ng handog. Ang mga perang nakukuha rito ay inilalaan para sa espesipikong gamit. Si Jesus ay nasa Looban ng mga Babae nang mamasdan niya ang maraming tao, kabilang na ang nagdarahop na babaing balo, na nagbibigay ng mga abuloy.Lucas 21:1, 2.

Ang dalawang kabang-yaman ay para sa buwis sa templo—isa sa kasalukuyang taon at isa sa nakaraang taon. Ang mga kabang-yamang 3 hanggang 7 ay para sa itinakdang halaga ng mga batu-bato, kalapati, kahoy, insenso, at sisidlang ginto. Kung sobra ang inilaang halaga ng naghahandog, ilalagay niya ang sumobrang halaga sa isa sa mga natitirang kabang-yaman. Ang kabang-yamang 8 ay para sa perang natira mula sa handog ukol sa kasalanan. Ang ika-9 hanggang ika-12 ay para sa perang natira mula sa mga handog ukol sa pagkakasala, inihaing ibon, handog ng mga Nazareo, at mula sa handog ng mga gumaling na ketongin. Ang ika-13 ay para sa kusang-loob na mga abuloy.

Mapananaligang istoryador ba ang manunulat ng Bibliya na si Lucas?

Isinulat ni Lucas ang Ebanghelyo na nagtataglay ng pangalan niya at ang Mga Gawa ng mga Apostol. Sinabi ni Lucas na “tinalunton [niya] ang lahat ng bagay mula sa pasimula nang may katumpakan,” pero kinukuwestiyon ng ilang iskolar ang kaniyang iniulat na mga pangyayari. (Lucas 1:3) Mapananaligan ba ang mga ulat niya?

Binabanggit ni Lucas ang makasaysayang mga bagay na maaaring patunayan. Halimbawa, gumamit siya ng ilang di-kilalang titulo ng mga Romanong opisyal ng bayan, gaya ng praetor, o mahistrado sibil, sa Filipos; politarch, o tagapamahala ng lunsod, sa Tesalonica; at Asiarch, o komisyonado, sa Efeso. (Gawa 16:20; 17:6; 19:31, The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures) Tinawag ni Lucas si Herodes Antipas na tetrarka, o tagapamahala ng distrito, at si Sergio Paulo na proconsul ng Ciprus.Gawa 13:1, 7.

Kapansin-pansin ang wastong paggamit ni Lucas ng mga titulo dahil kapag nagbago ang kalagayan ng teritoryong Romano, nagbabago rin ang titulo ng administrador nito. Pero “sa paglipas ng panahon, ang kinukuwestiyong mga lugar at panahon na binanggit sa Gawa ay napatunayang tumpak,” ang sabi ng iskolar ng Bibliya na si Bruce Metzger. Tinawag ng iskolar na si William Ramsay si Lucas na “isang napakahusay na istoryador.”