Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Anong mga aloe ang ginamit noong panahon ng Bibliya?

Ang mga aloe ay mula sa punong Agarwood

Sinasabi ng Bibliya na ang mga aloe ay ginamit na pabango sa mga kasuutan at higaan. (Awit 45:8; Kawikaan 7:17; Awit ni Solomon 4:14) Ang mga aloe na binabanggit sa Bibliya ay malamang na mula sa Agarwood (isang uri ng Aquilaria). Habang nabubulok ang kahoy, naglalabas ito ng mabangong langis at dagta. Ang kahoy ay pinupulbos, at ibinebenta bilang mga “aloe.”

Itinutulad ng Bibliya ang tolda ng Israel sa mga “aloe na itinanim ni Jehova.” (Bilang 24:5, 6) Maaaring tumukoy ito sa hugis ng punong Agarwood, na tumataas nang hanggang 30 metro at yumayabong. Bagaman hindi makikita ngayon ang punong ito sa Israel, sinasabi ng aklat na A Dictionary of the Bible na “hindi matututulan ang ideya na ito at ang iba pang punong hindi nakikita ngayon [sa rehiyon] ay itinanim noon sa mayaman at mataong Libis ng Jordan.”

Anong mga handog ang katanggap-tanggap sa templo sa Jerusalem?

Ang luwad na pantatak na ito mula sa templo sa Jerusalem ay mga 2,000 taon nang umiiral

Binabanggit ng Kautusan ng Diyos na lahat ng haing inihahandog sa templo ay dapat na pinakamainam. Hindi tinatanggap ng Diyos ang haing may kapintasan. (Exodo 23:19; Levitico 22:21-24) Ayon sa Judiong manunulat noong unang siglo C.E. na si Philo, sinusuring mabuti noon ng mga saserdote ang mga hayop “mula ulo hanggang paa” para matiyak na ito ay malusog at “walang anumang depekto.”

Sinabi ng iskolar na si E. P. Sanders na maaaring ang mga opisyal ng templo ay “nagbibigay ng awtorisasyon sa mapagkakatiwalaang nagtitinda ng mga haing hayop, na magbenta lamang ng mga hayop at ibon na nasuri na ng mga saserdote. Sa ganitong kalagayan, ang nagtitinda ay kailangang magbigay sa mamimili ng isang uri ng resibo, na nagsasabing walang kapintasan ang biktima (o hayop).”

Noong 2011, nakatuklas ang mga arkeologo ng gayong resibo, o token, sa kapaligiran ng templo​—isang pantatak na luwad na sinlaki ng barya at may petsang mula noong unang siglo B.C.E. hanggang 70 C.E. Ang nakasulat dito na dalawang salitang Aramaiko ay isinaling “Dalisay Para sa Diyos.” Sinasabing inilalagay ng mga opisyal ng templo ang mga token na iyon sa mga produkto na ginagamit sa ritwal o sa mga hayop na para sa paghahandog.