Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | MAAARI KANG MAGING MALAPÍT SA DIYOS

Ginagawa Mo Ba ang Hinihiling ng Diyos?

Ginagawa Mo Ba ang Hinihiling ng Diyos?

“Anuman ang gusto mo, sabihin mo lang at gagawin ko.” Malamang na hindi mo sasabihin iyan sa isang estranghero o sa isa na kakilala mo lang. Pero hindi ka mag-aalangang sabihin iyan sa isang mahal na kaibigan. Natural sa matalik na magkakaibigan na gumawa ng pabor sa isa’t isa.

Ipinakikita ng Bibliya na si Jehova ay laging gumagawa ng makalulugod sa kaniyang mga mananamba. Halimbawa, sinabi ni Haring David na naging malapít sa Diyos: “Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos, maging ang iyong mga kamangha-manghang gawa at ang iyong mga kaisipan sa amin . . . Ang mga iyon ay mas marami kaysa sa kaya kong isalaysay.” (Awit 40:5) Higit pa riyan, si Jehova ay gumagawa pa nga ng mabuti sa mga hindi pa nakakakilala sa kaniya, anupat ‘lubusang pinupuno ang kanilang mga puso ng pagkain at pagkagalak.’—Gawa 14:17.

Masaya nating ginagawa ang mga bagay-bagay para sa mga minamahal at iginagalang natin

Yamang natutuwa si Jehova sa paggawa ng mga bagay na nakalulugod sa iba, makatuwiran lang na asahang gagawin din ng mga gustong maging kaibigan ng Diyos ang mga bagay na ‘magpapasaya sa puso’ niya. (Kawikaan 27:11) Ano ang puwede mong gawin para palugdan ang Diyos? Sinasabi ng Bibliya: “Huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.” (Hebreo 13:16) Ibig bang sabihin, sapat na ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba para mapalugdan si Jehova?

“Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan [ang Diyos] nang lubos,” ang sabi ng Bibliya. (Hebreo 11:6) Kapansin-pansin, nang “si Abraham ay nanampalataya kay Jehova,” saka lang siya “tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’” (Santiago 2:23) Idiniin din ni Jesu-Kristo na kailangang ‘manampalataya sa Diyos’ para pagpalain niya. (Juan 14:1) Kaya paano ka magkakaroon ng pananampalatayang hinahanap ng Diyos sa mga inilalapít niya sa kaniya? Maaari mong simulan sa regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sa gayon, magkakaroon ka ng “tumpak na kaalaman sa kaniyang kalooban” at matututuhan mong “palugdan siya nang lubos.” Habang lumalago ang kaalaman mo kay Jehova at sinusunod mo ang kaniyang matuwid na mga kahilingan, titibay ang iyong pananampalataya sa kaniya at lalo naman siyang lalapit sa iyo.—Colosas 1:9, 10.