TAMPOK NA PAKSA | ISANG GOBYERNO NA WALANG KORAPSIYON
Ang Lason ng Korapsiyon sa Gobyerno
Ang korapsiyon sa gobyerno ay ang pag-abuso ng kapangyarihan para sa sariling kapakinabangan. Matagal na ang ganiyang pag-abuso. Halimbawa, may batas sa Bibliya laban sa panunuhol sa hudisyal na mga kaso. Ipinakikita nito na laganap na ang korapsiyon noon pang nakalipas na mahigit 3,500 taon. (Exodo 23:8) Siyempre, ang korapsiyon ay hindi lang basta pagtanggap ng suhol. Sinasamantala kung minsan ng tiwaling mga opisyal ang mga serbisyo na hindi naman para sa kanila, o ninanakaw pa nga ang pondo. Ginagamit din nila ang kanilang posisyon para paboran ang kanilang mga kaibigan at kamag-anak.
Bagaman puwedeng magkaroon ng korapsiyon sa anumang organisasyon ng tao, mukhang pinakagrabe ang korapsiyon sa gobyerno. Iniulat ng 2013 Global Corruption Barometer, inilathala ng Transparency International, na iniisip ng mga tao sa buong mundo na ang lima sa pinakatiwaling institusyon ay mga partido sa politika, pulisya, opisyal ng bayan, batasan, at ang hukuman. Tingnan ang ilang ulat tungkol sa problemang ito.
-
APRIKA: Noong 2013, mga 22,000 opisyal ng bayan sa Timog Aprika ang kinasuhan dahil sa korapsiyon.
-
TIMOG AMERIKA: Noong 2012, sa Brazil, may 25 nakulong dahil sa paggamit ng pondo ng bayan para bumili ng boto. Kasama rito ang chief of staff ng dating presidente, ang ikalawa sa pinakamakapangyarihang tao sa bansa.
-
ASIA: Noong 1995, sa Seoul, South Korea, 502 ang namatay nang bumagsak ang isang department store. Nalaman ng mga imbestigador na nasuhulan ang mga opisyal ng lunsod para payagan ang mga kontratista na gumamit ng mahinang timpla ng semento at lumabag sa pamantayang pangkaligtasan.
-
EUROPA: “Nakakagulat ang lawak ng problema [korapsiyon sa Europa],” ayon kay Commissioner Cecilia Malmström ng European Commission Home Affairs. Idinagdag pa niya na “parang wala namang determinasyon ang mga politiko na alisin ang korapsiyon.”
Napakalalim ng pagkakaugat ng korapsiyon sa gobyerno. Isinulat ni Professor Susan Rose-Ackerman, isang eksperto sa paksa laban sa korapsiyon, na ang reporma ay mangangailangan ng “malaking pagbabago sa pamamalakad ng gobyerno.” Kahit mukhang wala nang pag-asa ang kalagayan, ipinakikita ng Bibliya na hindi lang posible na magkaroon ng mas malalaking pagbabago, kundi tiyak din na mangyayari ito.