Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | MALAPIT NA BA ANG WAKAS?

Marami ang Maliligtas Pagdating ng Wakas—Puwede Ka Rin

Marami ang Maliligtas Pagdating ng Wakas—Puwede Ka Rin

Sinasabi sa atin ng Bibliya na may mangyayaring pagpuksa pagdating ng wakas: “Magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon . . . Sa katunayan, malibang paikliin ang mga araw na iyon, walang laman ang maliligtas.” (Mateo 24:21, 22) Ngunit nangangako ang Diyos na maraming tao ang maliligtas: “Ang sanlibutan ay lumilipas . . . , ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.

Kung gusto mong maligtas sa paglipas ng sanlibutang ito at ‘manatili magpakailanman,’ ano ang dapat mong gawin? Mag-iimbak ka ba ng materyal na mga bagay o gagawa ng iba pang pisikal na paghahanda? Hindi. Pinapayuhan tayo ng Bibliya na magtakda ng ibang priyoridad. Mababasa natin: “Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw nang gayon, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.” (2 Pedro 3:10-12) Ipinakikita ng konteksto na kasali sa “lahat ng mga bagay na ito” na mapupugnaw, o mapupuksa, ang mga namamahala sa tiwaling sanlibutang ito at ang lahat ng pumipili sa kanilang pamamahala sa halip na sa Diyos. Maliwanag, hindi tayo maliligtas sa pagpuksang iyon kung mag-iimbak tayo ng materyal na mga bagay.

Oo, para maligtas tayo, kailangan nating maging tapat sa Diyos na Jehova at alamin kung anong uri ng paggawi at mga gawa ang nakalulugod sa kaniya. (Zefanias 2:3) Sa halip na tularan ang karamihan sa ngayon at ipagwalang-bahala ang malinaw na mga tanda na nabubuhay na tayo sa napakahalagang panahon, kailangan nating ‘ingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.’ Maipakikita sa iyo ng mga Saksi ni Jehova mula sa Bibliya kung paano ka makaliligtas sa dumarating na araw na ito.