Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Bakit may mga hula sa Bibliya?
Maraming detalyadong hula sa Bibliya. Walang tao ang detalyadong makahuhula ng mangyayari sa hinaharap. Kaya ang katuparan ng mga hula sa Bibliya ay nakakakumbinsing ebidensiya na ang Bibliya ay Salita ng Diyos.
Ang mga hula sa Bibliya na natupad na ay matibay na saligan para manampalataya tayo sa Diyos. (Hebreo 11:1) Pinatitibay rin nito ang pagtitiwala natin na matutupad ang mga pangako ng Diyos tungkol sa isang magandang kinabukasan. Kaya ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng tiyak na pag-asa.
Paano tayo tinutulungan ng mga hula sa Bibliya?
May mga hula na nagbibigay sa mga lingkod ng Diyos ng babala para kumilos. Halimbawa, nang makita ng mga Kristiyano noong unang siglo na natutupad ang ilang hula, umalis sila sa Jerusalem. Nang mawasak ang lunsod dahil tinanggihan ng karamihan si Jesus, ang mga Kristiyano ay nasa ligtas na lugar na, malayo sa Jerusalem.
Sa ngayon, ipinakikita ng mga natupad na hula na malapit nang wakasan ng Kaharian ng Diyos ang mga kaharian at gobyerno ng tao. (Daniel 2:44; Lucas 21:31) Kaya dapat apurahang kumilos ngayon ang bawat tao para makamit ang pagsang-ayon ni Jesu-Kristo, na hinirang ng Diyos bilang Hari.