TAMPOK NA PAKSA | MGA SAKSI NI JEHOVA—SINO SILA?
Paano Tinutustusan ang Aming Gawain?
Taon-taon, nag-iimprenta kami at namamahagi ng daan-daang milyong Bibliya at mga literatura sa Bibliya. Nagtatayo kami at nagpapatakbo ng mga tanggapang pansangay at mga palimbagan sa buong daigdig. Libo-libong kongregasyon ang nagtitipon sa simple pero magagandang lugar ng pagsamba na tinatawag na Kingdom Hall. Saan galing ang perang ginagastos dito?
Ang aming gawain ay suportado ng boluntaryong mga donasyon. (2 Corinto 9:7) Noong 1879, sinabi sa ikalawang isyu ng magasing ito: “Naniniwala kami na si JEHOVA ang sumusuporta sa ‘Zion’s Watch Tower’ [ang tawag noon sa magasing ito], at dahil nga rito kung kaya hindi ito kailanman manghihingi ni makikiusap sa mga tao.” Hanggang ngayon, gayon pa rin ang aming patakaran.
Ang mga donasyon ay tuwirang ipinadadala sa isa sa aming mga tanggapang pansangay o inihuhulog sa kahon ng kontribusyon na makikita sa bawat Kingdom Hall. Ngunit wala kaming hinihinging ikapu, walang koleksiyon, o bayad para sa aming serbisyo o mga publikasyon. Hindi kami binabayaran para mangaral, magturo sa kongregasyon, o tumulong sa pagtatayo ng mga lugar ng pagsamba. Tutal, sinabi ni Jesus: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Mateo 10:8) Lahat ng ministro sa aming mga tanggapang pansangay at sa aming pandaigdig na punong-tanggapan, kasama na ang bumubuo sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ay di-sinusuwelduhang mga miyembro ng isang relihiyosong orden.
“Kung paanong boluntaryo ang lahat ng gawain ng mga Saksi ni Jehova, boluntaryo rin ang pagbibigay ng mga donasyon, anupat ipinapasiya ng bawat isa kung magkano at kung gaano kadalas siya magbibigay ng ‘donasyon.’”
Ginagamit din ang mga donasyon sa pagtulong kapag may sakuna. Nalugod ang unang mga Kristiyano na tumulong sa mga biktima ng sakuna. (Roma 15:26) Tumutulong din kami sa mga biktima ng sakuna sa pamamagitan ng pagtatayong muli ng kanilang mga tahanan at mga lugar ng pagsamba at sa pagbibigay ng pagkain, damit, at medikal na tulong.